Dapit-hapon na at na-isipan kong ipasyal si Mave dito sa park na malapit lang sa bahay nina Lovely. Kasama ko ngayon sina Mama at Papa. Kasama ni Papa si Mave na bumili ng ice cream at naiwan naman kami ni Mama dito sa may bench.
Pinagmamasdan ko lamang ang mga batang naglalaro at ilang mga pamilyang nandito upang mag-bonding.I saw a few couples too. They are fun to watch. Parang ang saya-saya nilang tingnan. Walang pinoproblema.
"Anak, may gusto ka bang sabihin sa akin?"
Tumingin ako sa kanya. "Po?"
"Parang may bumabagabag sa'yo. Puwede mo namang i-kuwento sa akin."
I heave a deep sigh. "Naitanong kasi sa akin ni Mave kung nasaan 'yung daddy niya kaso nga lang, wala akong matinong maisagot sa kanya."
"Bakit kasi hindi mo na lang sabihin ang totoo?"
Napayuko ako saka napatingin na lang sa mga paa ko. Hindi kaagad ako nakasagot sa sinabi niya. I heave a deep sigh before looking at her.
"Iniisip ko kasi ang magiging reaksiyon ni Mave. Paano kung...masaktan siya?"
"Anak, hindi mo habang-buhay maitatago sa kanya ang sitwasyon. Hindi mo rin maiiwasang masaktan siya kapag sinabi mo ang totoo. Ang kailangan mo lang gawin ay ihanda ang sarili mo sa magiging kaakibat ng katotohanang sasabihin mo sa kaniya."
"Siguro...tatantiyahin ko muna ang lahat. Kailangan ko ring ipaliwanag sa kanya ng paunti-unti para maintindihan niya."
Dumaan muli ang katahimikan sa pagitan namin. Napatingin ako sa di-kalayuan nang makita ko si Papa kasama si Mave. May bitbit silang ice cream at tuwang-tuwa sa swing.
"Sa edad ni Mave, alam kong mahihirapan kang ipaintindi sa kanya ang lahat, pero alam kong maiintindihan niya rin 'yan sa pagtanda niya." Napatango-tango naman ako. Sana nga. 'Yan lang naman ang gusto kong mangyari.
"Anak, tungkol nga pala sa pag-alis ninyo ng bansa, sigurado ka na ba sa desisyon mo?"
Napatingin ako kay mama nang magsalita ulit siya. Seryoso ang ekspresiyon ng mukha nito ngunit may iba pang sinasabi ang mga mata niya. Umiwas ako ng tingin. Alam kong ang tinutukoy niya ay ang pag-alis namin ni Mave pabalik ng Spain.
Sigurado naman ako sa desisyon ko dahil ito naman talaga ang plano ko simula pa lang ng bumalik kami dito. Hindi naman puwedeng manatili kami dito ng matagal.
"Opo, 'yon naman talaga ang desisyon ko noong una pa lang."
"Nakakalungkot naman. Gusto ko pa sana kayong makasama nang matagal."
"Kung gusto ninyo po, isasama ko kayo ni Papa doon. Ice-celebrate na rin natin ang birthday niya." Nakangiting sabi ko.
"Malapit na ba ang birthday niya?"
Tumango naman ako.
"Hindi ba masyadong malamig doon? Alam mo namang mahina itong katawan ko sa malamig na klima."
"Hindi naman po. Sakto lang. Saka makakapal naman ang damit na sinusuot doon."
"Pag-iisipan ko pa muna kung sasama ba kami. Kakausapin ko na rin ang Papa mo." Tumango naman ako bilang pagsang-ayon. "Siya nga pala, babalik pa ba kayo dito ulit?"
Isang kiming ngiti ang namutawi sa labi ko.
"Hindi na po. Doon na lang kami maninirahan."
Nakita ko kung paano dumaan ang saglit na kalungkutan sa mga mata niya. Pati tuloy ako ay bigla ring nalungkot. Ngayon lang ulit kami nagkasama nang maayos, pero kailangan ko ring umalis.