THEO
NAGISING AKO NA wala na si Ales sa bahay.
Sobrang sakit pa ng ulo ko pagkabangon ngayong tanghali dahil sa dami ng nainom ko kagabi. Akala ko nasa kwarto lang si Ales kasi hinayaan ko muna siyang mapag-isa, pero nakita ko 'yung nilagay niyang papel sa ref. Iniwan niya ako.
Hindi pa ako naniwala nung una kaya hinalughog ko 'tong buong bahay hanggang sa labas, pero wala talaga siya. Wala na ang iba niyang mga damit, pati laptop niya, wala. Ilang beses ko na rin siyang tinawagan at tinext pero hindi siya sumasagot.
Tangina, gulong-gulo na ang utak ko. Hindi pa ako nakakabawi sa inamin niya sa 'kin kahapon, tapos ito na naman. Sinabi niya naman sa sulat na babalik siya, pero hindi ako matahimik. Lalo niya talaga akong pinag-aalala.
Binilisan ko na ang pagbibihis, tapos kinuha na ang susi ng kotse ko at lumabas ng bahay.
Hindi ko alam kung saan ko uumpisahang hanapin ang asawa ko. Naisip ko lang si Jazz. Sinubukan ko siyang tawagan kanina, pero hindi siya sumasagot kaya pupuntahan ko na lang. Sana lang magkasama sila. Siya lang ang alam kong pwedeng takbuhan ni Ales.
Wala pa rin ako sa sarili hanggang ngayon. Nagpakalunod na ako sa alak para sana mamanhid ako kahit papaano, pero walang silbi.
Nanginginig na naman nga ang mga kamay ko habang nagmamaneho. Hindi ko matanggap ang nangyari kay Ales. Parang isang malaking bangungot. Kung hindi niya lang talaga ako pinigilan kahapon, sinugod ko na ang pamilya niya at 'yung hayop na Eithan na 'yon na gumalaw sa kanya.
Sagad sa buto ang galit ko kaya hindi ko napigilang mapagtaasan ng boses si Ales. Pero hindi ako galit sa kanya. Umpisa pa lang, alam ko nang hindi niya 'yon magagawa sa 'kin. Hindi siya gano'ng klase ng babae. Kaya nga hinintay ko muna siyang makauwi at makapagliwanag kahapon kahit na gustong-gusto ko nang sumabog dahil sa mga litrato na pinadala sa 'kin ng kapatid niya.
Tanginang pamilya 'yon. Mga halang ang bituka! Awang-awa ako kay Ales. Hindi niya ginustong maranasan 'yon at wala siyang kasalanan. Ang dami kong gustong itanong sa kanya pero hindi ko na tinuloy kasi alam kong nahihiya siya sa nangyari. Mas inisip ko pa rin ang nararamdaman niya kaysa sa sarili kong galit.
Pero hindi ibig sabihin no'n, hindi ako gaganti. Alam kong ayaw ni Ales at pipigilan niya pa rin ako, pero hindi pwedeng hindi ko pagbabayarin ang lahat ng nanakit sa kanya. Hindi ako matatahamik.
Ilang saglit pa, nakarating na rin ako sa bahay nila Jazz. Hindi ko alam kung makikita ko siya rito, pero sana.
Pagbaba ng sasakyan, dumiretso agad ako sa gate para mag-doorbell.
Medyo nakahinga ako nang maluwag nung si Jazz mismo ang lumabas ng bahay para pagbuksan ako.
Takang-taka nga siya pagkakita sa 'kin. "Oh, Theo? Anong meron? Sorry, hindi ko nasagot ang tawag mo kanina."
Sinilip ko ang bahay nila mula rito sa gate. "Nandito ba si Ales?"
Natigilan siya. "Ha? Wala. 'Di ba sinabi ko na sa 'yo na hindi pa ulit kami nagkikita ni Ales?"
Bigla na naman akong nanghina. Napaiwas na lang ako ng tingin sabay hilot sa noo ko.
"Ano ba talagang nangyayari?" nag-aalalang tanong niya sabay pinagbuksan ako ng gate. "Pumasok ka muna, ang init dito sa labas."
Pumasok na lang din ako kahit na wala na akong gana at ayoko na sanang magtagal.
Pinatuloy niya ako sa loob ng bahay at pinaupo sa sala.
"Pasensya na, Jazz," sabi ko na lang agad. "Ayokong makaistorbo. Hinahanap ko lang talaga si Ales."
"It's okay. Wala pa naman ang mga anak ko ngayon, eh. What do you mean na hinahanap mo si Ales? Nawala siya? Nag-away ba kayo?"

BINABASA MO ANG
The Savage Boys Series #3: Theo Alvarez
General Fiction[NSFW] Theo Alvarez, a fearless adventurer with rugged good looks, indulges in a one-night stand with an erotic writer named Ales Lim. As fate reunites them, Theo takes her on an exhilarating journey of pleasure and lust that fuels the pages of Ales...