By: Eric Navarro Tumalay and Engkandyosache Camalon
Lalaki:
Kahapon nati'y puno ng kasiyahan,
Mga yakap at halik, tunay na 'di malilimutan,
''Walang iwanan!'' iyan ang ating sumpaan,
Tayong dalawa ang magsasama at magmamahalan,Babae:
Ang kahapon natin ay puno ng kaligayahan,
Matamis na yakap at halik, ating pinagsasaluhan,
Pangako sa isa't isa'y walang mang-iiwan,
Ikaw at ako'y tunay na nagmamahalan.Lalaki:
Isang araw, lahat ay nagbago,
Isip at puso ko'y nagmistulang nakandado,
Hindi sinasadyang napahintulutan ng tukso;
At pagmamahal ko nga sa iyo'y tuluyan nang isinarado.Babae:
Subalit ang paglalambing mo ay dahan-dahang nagbago,
Pagsinta ng damdamin mo'y unti-unting naglaho,
Batid kong hindi na ako ang nilalaman ng iyong puso,
Tila nagdilim at nawasak ang makulay kong mundo.Lalaki:
Napagtanto kong ako'y may mali at may sala,
Sapagkat sa dalawang babae, ako'y nangangaliwa,
Nais kong baguhin ang lahat at tuluyan nang itama,
Mainam ngang tapusin ko na dahil sayo'y labis nang naaawa.Babae:
Ngayo'y tinatapos mo na ang masaya nating pagsasama,
Pagka't loob mo'y nahulog sa ibang marikit na dalaga,
Ngunit ang mawalay sayo'y sadyang 'di ko makakaya,
Kung kaya titiisin ko ang makihati't magdusa.Lalaki:
Ako'y nagpa-paalam na sa nagluluksang tinig,
Mga matang "ako'y lilisan" ang ipinahihiwatig,
Luha ma'y hindi mo mahagilap sa aking titig,
Sapagkat ako'y nanghihinayang sa nagdaan nating pag-ibig.Babae:
Ako'y maghihintay sa isang sulok ng inyong daigdig,
Walang sumbat na mamumutawi mula sa aking bibig,
Mga paghikbi at pag-iyak ko'y hindi mo maririnig,
Sana'y mabigyan mo lamang kahit palimos na pag-ibig.Lalaki:
Nilinlang kita! Dinaya kita! Sinaktan kita!
Subalit bakit ang pagmamahal mo sa'kin ay 'di mawala?
Mahal pa rin kita ngunit 'di na kayang pasanin ng aking konsensya,
Ayoko nang patuloy na pasakitin ang iyong nadarama.Babae:
Pilit kong ikukubli ang sakit na nadarama,
Patuloy na lalaban sa kabila ng kawalang pag-asa,
Handang lumuhod o luhaang magmakaawa,
Huwag ka lang lumisan sa piling ko, Sinta!Lalaki:
Ako sana'y patawarin kung ang kabutihan mo ay 'di nasuklian;
Pati na rin ang mga pangakong nabali at tuluyang nakaligtaan.
Ako'y nanlilimahid at mas madungis pa sa palaboy,
Sa laki ng sala ko, marapat na ako'y itaboy.Babae:
Tawagin man nila akong martir at tanga,
Sa maliit mong atensyon ako ay makukuntento na,
Sa kakaunti mong pagmamahal, sarili'y ipagkakasya,
Pag-ibig mo'y iingatan kasing liit man 'yan ng barya.Lalaki:
Sa bandang huli, ako'y muling magsisimula,
Ang mga maling nagawa'y unti-unti kong itatama,
Gagamutin ang sugat, paunti-unti hanggang sa mawala;
At ang pag-ibig nati'y ituturing na barya... "maliit, pero hindi napupunit ng basta-basta!"
BINABASA MO ANG
"FAILED-ibig"
ПоэзияMinsan ang pinakamasarap ang pinakamapait. Kung ano ang pinakamasaya ay iyon ang pinakamasakit; dahil ang pagmamahal madalas na-uuwi sa "FAILED-IBIG!"