Kailan 'yong huling araw na sabay tayong kumain sa hapag kainan?
Kailan 'yong huling beses na ako'y iyong niyakap at hinagkan?
Kailan 'yong huling pagkakataon na ang luha't lumbay ko'y inibsan?
Kailan 'yong huling sandali noong paglalambing mo'y aking naramdaman?
Saan nga ba ako nagkamali?
Bakit pagsinta mo'y tila ayaw nang manatili?
Anong dahilan at hindi mo ako pinipili?
Gayong ibinigay ko naman sa'yo ang aking buong sarili.
Sa patuloy mong panlalamig ay lubos akong nasasaktan,
Kaya sabihin mo na agad ang tunay na dahilan.
Gawin mo ito nang madalian,
Upang pagluha at sakit ay hindi na manahan.
Kung lilisan ka, sa hinagpis ako'y masusuplong.
Subalit kung iiwan mo ako, isigaw mo't huwag ibulong.
Kung tatalikod ka'y, hahakbang pa rin ako nang pasulong.
Kahit na pagkawala mo, sa lungkot ako'y makukulong.
Ngunit sa kabila nitong aking mga agam-agam,
Turuan mo muna akong maging matatag bago ka magpaalam.
Hayaan mong ipabaon ko ang mga alaalang sa iyo'y hiniram,
Para mabatid mong pagmamahal ko'y hindi kailanman magpaparam.
BINABASA MO ANG
"FAILED-ibig"
PoetryMinsan ang pinakamasarap ang pinakamapait. Kung ano ang pinakamasaya ay iyon ang pinakamasakit; dahil ang pagmamahal madalas na-uuwi sa "FAILED-IBIG!"