"Paano Ba?"

9 0 0
                                    


Turuan mo ako kung paano maging masaya nang wala ka,
Iyong parang hindi na sisikat ang araw tuwing umaga,
Sabihin mo kung paano ko makalilimutan ang ating mga alaala,
Iyong tila sa kalangita'y hindi kumikislap ang mga tala.

Turuan mo ako kung paano mangarap ng mag-isa,
Iyong kawangis ng ilog na walang nabubuhay na isda,
Ipakita mo sa akin kung paano ang puso ay hindi na iibig pa,
Iyong katulad ng isang puno na ayaw mamunga,

Ituro mo sa akin kung paano hindi lumuha,
Iyong gaya ng bulaklak na 'di sumibol ang ganda,
Ituro mo sa akin kung paano ko ititigil ang aking pagsinta,
Iyong kapareho ng pagdaloy ng dagat sa natuyong sapa.

Paano ba ang paglalambing ko para sa'yo ay pipigilin?
Paano ba ang pagsuyo ko sa iyo ay tatapusin?
Paano ba tatanggapin na hindi ka para sa akin?
Paano ba? Paano ba? Paano ba ang hindi ka na mahalin?

"FAILED-ibig"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon