#JustTheBenefits
Kabanata 36
End of flashback...
Isang marahang tapik ang gumising sa akin.
"Hey," sabi niya. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid at napansin ko na wala pa rin ako sa kwarto ko. Oo nga pala, wala na nga pala akong bahay. Umupo siya sa kama at saka inilagay ang kamay niya sa noo ko. "You're sick. Bakit ka kasi nagpaulan kagabi?" mahina niyang sabi.
Hindi ko na pinansin iyong pananakit ng ulo ko. Agad akong umupo at tumingin sa kanya.
"Pwede na ba tayong pumunta?"
He sighed.
"May sakit ka," sabi niya.
"Mas masakit 'to," sabi ko sabay turo sa puso ko. Wala akong nararamdaman. Wala na talaga. Pero sa isip ko, alam ko na nasasaktan ang puso ko. Alam ko na matagal akong masasaktan. Alam ko na baka hindi ko kailanman matanggap kung ano ang nangyari sa kanya.
Alam ko na habambuhay ko sisisihin ang sarili ko.
Inilagay niya ang kamay niya sa ulo ko at saka marahang ginulo ang buhok ko. "Kain muna tayo?"
Nagpalit ako ng damit dahil pawis na pawis ako. Nanaginip na naman ako. Napanaginipan ko na naman lahat ng ala-ala naming dalawa ni Parker. Nagsimula noong hindi niya ako sinipot sa anniversary namin hanggang sa nalaman ko kung ano ang sinapit niya. Dalawang araw ko na na tanggap kung ano ang nangyari. Dalawang araw ko na ring paulit-ulit na napapanaginipan iyon.
Minsan, ayaw ko ng gumising. Gusto ko na lang manatili sa loob ng panaginip ko... At least doon buhay si Parker... At least doon kahit sobrang nasasaktan ako at nagpapakatanga ako, humihinga siya.
Ayoko sa reyalidad na 'to. Masyadong masama.
Bumaba ako matapos kong magpalit ng damit. Agad akong sinalubong nung nag-aalaga kay Shiloah.
"Magandang umaga," bati niya sa akin. Tumango lang ako. Umupo ako sa malapit na upuan sa pwesto ni Shiloah. Mayroong mahabang lamesa rito sa dining area nila. Nagtataka ako dahil wala namang tao sa bahay na ito maliban kay Shiloah, sa nag-aalaga sa kanya, at kay Gordon na minsan lang dumarating.
Naghain sila ng pagkain sa harap ko pero wala akong maramdaman na gutom.
"Kumain ka," sabi niya.
Umiling ako. "Hindi ako gutom."
"Imo—"
"Hindi ko pinaparusahan ang sarili ko, okay? Hindi lang talaga ako gutom."
Hindi na siya umimik. Alam niya na wala rin namang patutunguhan kung pipilitin niya ako na kumain. Wala akong gana. Mas gusto ko lang matulog buong araw. Ayoko na nga gumising minsan, e. Pero wala. Nagigising at nagigising ako.
Tapos... maaalala ko na wala na nga pala talaga siya.
Pinanood ko lang na kumain si Shiloah pero parang kahit siya ay nawalan ng gana. Tinignan niya lang ako na para bang hindi niya rin alam ang sasabihin niya. Mabuti naman. Akala ko ako lang ang hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari. Iyon bang tanggap mo na pero may parte pa rin sa iyo na nagdadasal na sana bangungot lang ang lahat?
Ganon.
Araw-araw ganon.
"Gusto mo sunduin si Mari para may kausap ka?" he offered.
"Gusto ko siyang makita."
Nagbuntong hininga na naman siya.
"Imo..."
BINABASA MO ANG
Just The Benefits (PUBLISHED)
General FictionImogen Harrison has been dating campus heartthrob Parker Yapchengco. But no one knows about it. Bagaman pumayag si Imogen na ilihim nila ni Parker ang kanilang relasyon ay hindi nawawala ang kanyang mga agam-agam tungkol dito. Buti na lang at madala...