#JustTheBenefits
Kabanata 46
Bigla na lang akong iniwan ni Shiloah sa kinatatayuan ko matapos niyang sabihin na 'ayaw niya ng maging kaibigan.' Hanggang ngayon, nakatayo pa rin ako. Ilang segundo na ang nakakalipas pero hindi ko pa rin nagawang gumalaw mula sa pinag-iwanan niya sa akin. Hindi ko pa rin kasi maintindihan kung ano ang gusto niyang iparating sa sinabi niya.
Masyadong magulo iyong sinabi niya-kasing gulo ng mga nangyayari sa amin ngayon.
Nakaramdam ako ng lamig dahil sa basa pa rin ako mula sa ulan. Napagpasyahan ko na maligo na lang dahil mayroon pa akong exam mamaya. Pumasok ako sa CR at saka naligo. Nagpatuyo na rin ako ng buhok habang nag-iisip. Mas tumatagal kasi, mas lalo lang gumugulo iyong mga nangyayari sa amin ni Shiloah. Alam ko naman na dadating din sa panahon na kailangan kong mamili pero hindi ko naman inakala na malapit na pala iyon.
Kapag mas lalong nahulog sa akin si Shiloah, mas lalo siyang aasa na may papatunguhan kami... pero ang problema, hindi pa ako handa. Ang unfair kasi kung sasabihin ko sa kanya na may pag-asa gayong alam ko na malabo.
Ang unfair kung sasagot ako sa I love you niya kahit hindi naman ganoon ang nararamdaman ko.
Nung matapos kong patuyuin ang buhok ko, dinala ko muna sa locker iyong paper bag. Mamaya ko na iyon iuuwi. Dumiretso na ako sa classroom at nakasabay ko iyong proctor ng final exam namin. Huli na 'to tapos simula na ng sembreak namin.
Pagpasok ko sa loob, unang hinanap ng mga mata ko si Shiloah. Nakita ko na kausap niya na naman si Candy. Naramdaman ko na naman iyong inis kapag nakikita ko silang magkasama. Gustuhin ko man na pigilan silang mag-usap, hindi ko pa rin magawa dahil alam ko na wala naman akong karapatan. Hindi naman ako girlfriend ni Shiloah.
Umupo na lang ako sa pwesto ko at iyinuko ko ang ulo ko para hindi ako kausapin ni Tobi. Ramdam ko naman na pinagseselosan siya ni Shiloah. Hindi naman ako tanga para hindi mapansin iyon... Kaya ayoko munang kausapin si Tobi dahil ayokong madagdagan na naman ang sakit sa ulo ko.
Ibinigay na sa amin iyong mga exam papers kaya doon ko na itinuon ang atensyon ko. Medyo nahirapan ako dahil dito 'yung parte na hindi ko masyadong naaral. Halos 30 minutes na iyong lumipas pero halos wala pa ako sa kalahati. Pakiramdam ko hindi ko matatapos 'to dahil sobrang dami pa at karamihan, hindi ako sigurado sa sinasagot ko.
Sa kalagitnaan ng exam, napatingin ako nung naramdaman ko na tumayo na si Shiloah para ipasa iyong papel niya sa proctor. Kinuha niya iyong mga gamit niya at nagmamadali siyang lumabas. Bigla akong nakaramdam ng kaba. He wasn't his usual self. Alam ko talaga na may nag-iba sa kanya simula nung nag-usap kami nung isang araw.
Pero hanggang tingin na lang ako hanggang sa makaalis na siya.
Isang oras ang lumipas, natapos na rin ako sa exam. Mabilis ko ring kinuha iyong gamit ko. Gusto kong makausap si Shiloah. Gusto kong malaman iyong mga naiisip niya. Nagmamadali akong maglakad nung may makabangga ako. Nahulog iyong mga gamit ko pero ni hindi man lang ako tinulungan nung lalaki. Lumuhod ako para pulutin iyong gamit ko nung mapansin ko na may panyong puti na nakasama sa mga gamit ko. Hindi ko na pinansin iyon at nilagay ko na lang lahat sa bag ko. May masamang pakiramdam kasi talaga ako kay Shiloah.
Pagdating ko sa parking lot, nakita ko roon iyong sasakyan niya. Nakahinga ako ng maluwag dahil hinintay niya rin pala ako.
"Nasaan po si Shiloah?" dismayadong tanong ko nung pagbukas ko ng pinto ng sasakyan, wala roon si Shiloah.
"Hindi raw siya sasabay," sagot sa akin ni Manong Roger.
"Nandito pa po siya sa school?" tanong ko. Gusto ko na talaga siyang makausap.
BINABASA MO ANG
Just The Benefits (PUBLISHED)
General FictionImogen Harrison has been dating campus heartthrob Parker Yapchengco. But no one knows about it. Bagaman pumayag si Imogen na ilihim nila ni Parker ang kanilang relasyon ay hindi nawawala ang kanyang mga agam-agam tungkol dito. Buti na lang at madala...