[ WYDKM: Another boring update. Ito nalang muna, for now. ]
---
Gumising ako ng maaga para makapagimpake ng mga gamit ko. Ngayon ang uwi ko pabalik ng maynila at buong buo na ang desisyon ko na umuwi roon. Mas mabuti na ito kaysa naman sa tumira pa ako dito ng kasama ang isang kaibigan na alam kong may nararamdaman para sa akin. Mas lalo lang siya masasaktan kung ganoon.
Nang matapos makapagimpake ay tumingin ako sa wall clock, 9am na pala. Kailangan ko nang makauwi, dahil hindi ako sigurado kung may uuwian pa ako sa maynila. Sa ilang buwan kong nawala ay baka wala na ang apartment ko, baka naiparenta na ni Dahlia iyon sa iba, hindi ko naman siya masisisi kung ganoon man ang ginawa niya. Kaya mas mabuti nang agahan ko para makahanap ako ng panibagong tutuluyan kung talaga ngang wala na ang tinitirahan ko doon.
Kinolekta ko na ang lahat ng dadalin ko paguwi, kakaunti lang naman ang mga ito dahil wala naman ako masyadong gamit dito. Nagtungo ako sa pintuan ng kwarto at hinawakan ang seradura ng pinto.
Ramdam ko ang bawat pintig ng puso ko, kinakabahan ako dahil panigurado ay nandoon si Matt sa baba, hindi ko siya maiiwasan.
Huminga ako ng malalim at dahan dahang pinihit ang seradura nito. Nang mabuksan ko ito ay muli ko nanaman naramdaman ang naramdaman ko noon nung mga panahon na tumakas ako sa puder ni Damon. Ang kaibahan lang siguro ay ang kaba na nararamdaman ko ngayon ay hindi dahil sa takot, kundi dahil sa hiya.
Nang makalabas na ako ng tuluyan, tahimik akong bumaba sa hagdan.
Nang makababa na ako sa ika-unang palapag, nandoon nga si Matt. Nakaupo ito sa sofa, ang dalawa nitong siko ay nakapatong sa magkabila nitong tuhod habang nakabaon naman ang mukha nito sa kanyang mga kamay.
Nanatili akong nakatayo sa baba ng hagdan habang masuri siyang pinagmamasdan. Ang bawat kilos niya, ang mahinang pagbaba at taas ng kanyang mga balikat.
Nahihirapan siya, nahihirapan siya nang dahil sa akin at ramdam na ramdam ko iyon.
Nang maramdaman niya ang presensiya ko ay dahan dahan itong nag-angat ng tingin sa akin. Nang magtama ang mga tingin namin, doon ko lang napansin ang mga kakaiba sa mukha ni Matt. Ang kanyang mga mata ay namumula at halatang pagod sa kakaiyak, ang ilalim naman non ay nangingitim. Wala naman ang mga iyan noon, maging kahapon ay wala ang mga iyan.
Napansin kong napatingin siya sa bag na nakasabit sa aking balikat at muling umakyat ang tingin sa akin.
"Aalis ka na?" Tanong nito sa akin. Wala siyang ipinapakita na kahit anong eskpresyon pero nang tignan ko ang mga mata nito, purong kalungkutan ang ipinapakita nito sa akin.
Nakakalungkot isipin na dahil sa akin, dahil sa hindi ko kayang suklian ang pagmamahal na ibinibigay niya sa akin, nawala ang masiyahin na aura ni Matt. Nawala na yung gaan ng atmosphere kapag nandiyan siya.
Dahan dahan akong tumango bilang sagot.
Umiwas ito ng tingin sa akin at mabagak na tumango.
Muling naghari ang nakakabinging katahimikan. Ni isa sa amin ay walang nagbabalak na bumasag non. Nanatili kami sa ganoong posisyon, siya ay nakaupo sa sofa at nakapatong ang dalawang siko sa magkabilang tuhod, ako naman ay nakatayo pa din sa baba ng hagdan.
Gusto kong humingi ng tawad sa kanya, dahil pakiramdam ko ay ako ang may kasalanan, pero hindi ko kayang simulan. Hindi ko alam kung paano iyon gagawin. Ayokong umiyak sa harapan niya, masyado na akong maraming luha na naibabawas nung mga nakaraang araw at ayoko nang mabawasan pa ulit iyon.
Kahit sana bago ako umalis, gusto ko lang siyang makausap ng masinsinan. Yung walang iyakan, walang sigawan. Gusto ko sabihin sa kanya lahat ng maaari kong sabihin na makakapagpagaan ng pakiramdam niya. Para sana kahit konti man lang, masabi kong nagkaayos kami kahit papaano. Ayokong umalis ng may sama siya ng loob sa akin, ng mabigat ang nararamdaman niya sa akin. Ayokong kamuhian niya ako dahil lang nagpakatotoo ako sa nararamdaman ko.