Papunta na kami sa sakayan ng taxi nang biglang napahinto si Jasmine sa paglalakad. Yumuko ito; pigil-pigil ang kanyang tiyan.
Binalikan ko ito at hinawakan sa balikat. "Are you ok?"
Tumunghay ito nang bahagya; napansin ko ang kanyang pamumutla. Nag-umpisa na rin itong manginig na tila giniginaw.
"Are you, ok?" Pag-uulit ko.
Sa halip na magsalita, lumilinga-linga ito sa palibot; nangingilabot at mukhang takot na takot, na tila ba, may nakikita itong hindi ko nakikita sa paligid.
"S-sige na Jeff...u-umuwi ka na," anito. "dito na lang muna ako. B-basahin m-mo na lang 'yung mga ibinigay ko sa 'yo kapag may pagkakataon ka."
"Ha? Pero..."
"O-ok lang ako, Jeff." Pilit nito akong itinutulak. "Hindi na bago 'to sa 'kin. Lilipas din 'to."
Muli itong luminga sa aming bandang likuran bago iika-ikang naglakad papunta sa pinakamalapit na bench sa loob ng mall. Agad itong umupo rool'n at yumuko na tila namimilipit sa sakit. Sinundan ko ito, tinabihan at inakbayan; mukha kasi talaga itong giniginaw, gayung may mahabang manggas naman ang suot nitong pang-itaas, at pantalon naman ang pang-ibaba nito.
"Anong ibig mong sabihing hindi na bago? Dahil pa rin ba ito sa libro?"
"H-hindi. Ganito na ako bago pa napasa'kin ang libro."
"Anong ibig mong sabihing ganito? A-ano ba talaga ang nararamdaman mo?" Hinawakan ko ang kanyang kamay. Napakalamig nito. Namumuti na rin ito na tila tinakasan na ng dugo.
Nilingon ako nito at tumingin nang lampasan sa 'kin. Nakatingin ito sa aking bandang likuran. Ninenerbiyos man akong makita ang kanyang tinitingnan, unti-unti kong pa ring nilingon ito. Nakatingin pala ito sa dalawang batang babaeng naglalakad nang magkahawak kamay. Nakatalikod ang mga mga ito at naglalakad papalayo sa aming kinaroroonan.
"K-kukunin n'ya ako..." Umiiyak na bulong ni Jasmine. "K-kukunin daw n'ya ako kapag nabigo ako tulad n'ya."
Unti-unti akong napalingon sa kanya. Umaagos na ang kanyang mga luha.
"Sinong tinutukoy mong kukuha sa 'yo? Nabigo saan?"
"Sa m-mismong araw..." Pagtutuloy nito; iniuugoy ang sarili upang maibsan ang panlalamig. "S-sa kaparehong edad... sa mismong araw... sa kaparehong edad...sa mismong araw..."Ilang ulit pa nitong sinambit ang mga katagang 'yun.
"Hindi kita maintindihan, Jasmine? Anong ibig mong sabihin?"
"Wala na akong pag-asa..." Impit na paghagulhol n'ya. Pilit itinatago ang mukha sa mga taong dumaraan. "Kukunin n'ya ako...kukunin na n'ya ako kapag wala akong nakita...hanggang sa mismong araw...sa kaparehong edad..."
Pilit kong iniintindi ang kanyang mga sinasabi, pero hindi ko talaga ito maintindihan.
"Kukunin ka nino? Wala ka nang pag-asa saan? Kapag wala kang nakitang ano? Kaparehong edad nino?"
Wala pa rin akong napigang sagot sa kanya, hanggang sa unti-unti na rin itong kumalma at bumalik sa kaniyang normal na temparatura.
***
"Kamusta ang date mo?" Salubong sa akin ni Jamie sa pagpasok ko pa lang ng gate namin. "Ba't di mo man lang iniuwi rito para nakikala namin."

BINABASA MO ANG
Sindak
ParanormalStandalone [Completed] Language: Filipino Ang matinding takot ay may pangalan. [Editor's Note] Writer: A. Atienza Content Editor: DPEditors Classification: Novel Genre: Paranormal Series: Standalone Cover Design: M. Castro Started: November 2...