"Magkita na lang tayo sa supermarket mamayang mga alas onse." Ani Nana Azon nang magbalik ako kina Jasmine kinabukasan. Hindi na nito ako pinapasok sa loob ng gate. Bakas sa mukha nito ang pagka-aburido.
"Bakit po? Si Jasmine po? Nakalabas na ba s'ya? Hindi po kasi n'ya sinagot ang text ko kaninang umaga." Pilit kong sinisipat ang loob ng kanilang bakuran.
"M-may nangyari kasi kaninang umaga." Lumilinga-linga ito. "Umalis ka na Jeff. Magkita na lang tayo sa tinukoy kong lugar sa oras na sinabi ko."
"Pero..."
"Kung nag-aalala ka kay Jasmine, makinig ka. Lalo lamang kaming mapapahamak sa pagpunta-punta mo rito. Huwag ka nang pupunta rito. Magkita na lang tayo mamaya."
Hindi na nito hinintay ang sagot ko. Isinara na nito ang gate sa mukha ko.
***
Kinse minutos makalipas ang oras na pinag-usapan ni Nana Azon, hindi pa rin ito dumarating. Wala na yatang nakaiinis pa sa paghihintay na may halong sobrang pag-aalala. Masakit sa ulo. Nakaka-highblood na nakakahilo.
Ilang beses ko pang tinext si Jasmine; tinawagan ko rin ito, pero hindi pa rin ako nito sinasagot. Tumatapon lang ang tawag ko sa voicemail ko; boses ko pa rin kasi ang nasa recorded greeting nito. Animo'y isa akong siraulong hindi mapakali. Pilit kinukumbinsi ang sarili, na wala naman sigurong masamang nangyari kay Jasmine.
Kalahating oras na ang lumipas, nagpapanic na ako. Pinaghalong gusto ko nang sakalin si Nana Azon at pag-aalala sa kalagayan ni Jasmine ang nararamdaman ko. Ano na ba kasi ang nangyayari? Bakit pa ba ako pinapunta roon ni Nana Azon kung hindi naman pala nila ako sisiputin?
Napipikon na ako makaraan ang apatnapu't limang minuto. Isa sa pinakaayaw ko pa naman ang pinaghihintay ako. Nasaan na ba kasi ang matandang 'yun? Gustong-gusto ko nang umalis sa sobrang inis, at gamuntik ko na ngang gawin 'yun kung hindi lang ako nakarinig ng sitsit.
Hinanap ko ang pinanggagalingan ng sitsit. Nanghaba na nga ang leeg ko sa pagsipat sa napakaraming mukha ng taong nagkalat sa paligid. Hindi naman nagtagal nang matanaw ko na rin si Nana Azon. Bahagyang nakakubli ito sa may Restroom. Kumakaway at sumesenyas ito sa akin na lumapit daw ako sa kanya.
"Bakit ang tagal n'yo?" Nakasimangot ako rito.
"Halika." Hinatak ako nito papasok sa women's restroom at saka ikinandado 'yun.
"Nauunawaan n'yo naman siguro na lalake ako 'di ba?"
"Shhh." Hinila ko nito sa kaloob-looban ng restroom. Bumulaga sa akin Jasmine. Nakatayo ito sa loob. May bitbit itong isang duffel bag at nakangiti sa akin na tila medyo nahihiya pa.
"A-ano po bang nangyayari?"
"Babaan mo ang boses mo." Pagsuway ni Nana Azon sa akin. "May naririnig akong boses ng mga babae sa labas."
"Ano po ba ang nangyayari?" Sa mas mahina at mababa na ang boses ko.
"Didiretsahin na kita." Sagot ni Nana Azon. "Gusto kong itanan mo na 'tong si Jasmine."
Napasulayap ako kay Jasmine. Napayuko ito nang tuluyan; malamang sa kahihiyan.
"P-po?!" Napalakas ang boses ko.
Hinataw ako ni Nana Azon sa braso, "Hinaan mo sabi ang boses mo!"
"Pero..."
"Anong pero? Di ba manliligaw ka kamo ni Jasmine? Hayan...sa 'yo na. Iuwi mo na kung gusto mo."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Po? Pero..."
"Ano bang pero-pero pa?" Tila buwisit na buwisit sa akin ang matanda.

BINABASA MO ANG
Sindak
ParanormalStandalone [Completed] Language: Filipino Ang matinding takot ay may pangalan. [Editor's Note] Writer: A. Atienza Content Editor: DPEditors Classification: Novel Genre: Paranormal Series: Standalone Cover Design: M. Castro Started: November 2...