Isang oras mahigit na din naming tinatahak ang daan patungo sa tuktok ng Mt. Shibu. Kasama pa din namin ang tribong Lahar na sobra ang pagbabantay na ginagawa para sa amin. Ang pinuno nila na si Troth ang nangunguna sa paglalakbay. Kada oras ay hihinto ito para alamin kung maayos ba ang aming kalagayan o kaya naman ay magpapautos ito sa kanyang alagad na pakainin kami o bigyan ng maiinom.
"Ayos lang kami, Troth. Huwag mo na kaming alalahanin." sabi ko sa kanina pang hindi mapalagay na pinuno ng tribo. Ngayon ay nagdadalawang-isip na ako kung magandang ideya pa ba itong ginawa ko. Sana ay hindi na kami nagpatulong sa kanila.
"Diba sabi ni Shekannah ay wag na wag mong tatanggalin ang kwintas?" pabulong na tanong ni Fritz sa aking kanang tenga.
"Wala namang masamang nangyari. Napaniwala ko naman sila sa sinabi ko kaya wag ka nang mag-alala. Sumakay ka na lang.." mahina kong sambit.
Nagtinginan sa amin ang ilang mga miyembro ng tribo kaya napaayos kami ng tindig ni Fritz. Binigyan nila kami ng nagdududang tingin pero ako at si Fritz ay hindi man lang nagpakita ng kakaibang emosyon. Tama na ang kaduda-dudang pag-uusap na nahuli nilang ginawa namin. Hinawakan ko ang kamay ni Jehd at muli kaming nagpatuloy sa paglalakad.
Ilang oras din ang nakalipas at sa wakas, ilang hakbang nalang at nasa pinakamataas na parte na kami ng bundok. Muli ko na namang naramdaman ang panlalamig ng aking mga kamay at nabuhay na naman ang kanina'y nananahimik kong puso. Heto na. Malapit na ako...
"Bakit? May problema ba?" naudlot ang kasabikan ko nang biglaan silang huminto.
"Mukhang hindi lang tayo ang may pakay sa ibon.." aniya ni Troth na hindi man lang nagpakunot ng aking noo. Alam ko naman iyon. At kilala ko din kung sino ang mga taong ito.
"Mga alagad ko." muling sambit ng pinuno. "Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo. May mga kikitilin tayong buhay."
"Huwag!" agad kong pagpigil sa kanila. "Gusto ko munang makausap ang mga taong iyon.." sabi ko sa pinuno sa nag-uutos na tono.
Tumaas ang kilay ni Troth nang tinignan niya ako. Napahimas pa siya sa kanyang baba na para bang nagtataka siya sa sinabi ko. Ngunit kalaunan ay nagpakawala din siya ng buntong-hininga at saka tumango.
"Padaanin ninyo sila." Utos ni Troth sa kanyang mga alagad na agad namang sinunod ng mga ito. Gumilid silang lahat at hinayaan kaming makadaan sa gitna hanggang sa makalagpas na kami sa kanila.
Doon ko nasilayan ang mga pamilyar na tao sa di kalayuan. Mukhang hindi nila napapansin ang aming presensya dahil mayroon ata silang pinagkakaabalahan. Hinanap ng mata ko ang ibang miyembro ngunit bigo akong makita ang mga iyon. Tanging ang tatlong kapitan lang ng grupo ang nakikita ko, kasama pa rin ang dalawang tao na nagtangkang pumatay sa akin.
Kusang humakbang ang aking mga paa patungo sa kinaroroonan nila. Nakasunod sa akin si Fritz at Jehd na tahimik lamang na nakikiramdam sa binabalak kong gawin. Lumalaki at bumibilis ang aking mga paghakbang at mukhang nahihirapan na akong sabayan nila Fritz sa paglalakad. Dahil sa ginawa kong kilos ay naaagaw ko din ang atensyon ng mga taong ito. Unang lumingon ang pinakapamilyar sa lahat, bakas sa mukha niya ang pagkagulat at pagkalito. Sunod naman ang dalawa pang captain at ang pinakahuli sa lahat-ang mga taong kinamumuhian ko.
"A-Astrid..." sambit ni Grey.
Hindi ako umimik, bagkus ay nagpakita lang ako ng mukhang walang emosyon. Walang ekspresyon kong tinignan ang bawat isa sa kanila ngunit lingid sa kanilang kaalaman, sa kabila ng ganitong ekspresyon ko ang magulo at halo-halo kong damdamin. Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil nakaabot sila dito, o magagalit dahil hindi man lang nila ako nagawang iligtas noong nasa peligro ako.
"P-paanong-" hindi makapaniwalang saad ni Brix. Kitang-kita ang biglang pagpapawis ng kanyang noo at ang pamumutla ng kanyang mukha. Gusto kong matawa sa kanyang reaksyon. Akala mo nakakita ng multo.
"Oo. Ako nga ito. Hindi pa ako patay." taas-noo kong sinabi sa kanilang lahat.
"P-pero, hindi ako maaaring magkamali. S-sigurado akong p-patay ka na!" mas lumakas ang boses ni Brix ngayon dahilan para mapatingin sa kanya sina captain Conrad.
"Yan din ang akala ko. Pero mabuti nalang at pinuntahan ako ni Fritz at niligtas." sabi ko.
"Paano ka niya naligtas? Ang sabi nila Zoe ay kinuha ka na ng isang tribo upang ipang-alay." nagsisimula ng maguluhan sina captain Conrad. Pasalit-salit ang tingin nila sa amin nina Zoe.
"Kasinungalingan ang lahat ng mga sinabi nila sa inyo. Hindi totoong pinatay ako ng isang tribo at kinuha bilang pang-alay. Dahil ang totoo..." muli kong tinignan ang mukha ng dalawang nagtraydor sa akin. Punung-puno ng takot ang makikita sa kanilang mga mata. "Sila ang nagtangkang pumatay sa akin!" sabay turo ko kila Brix.
"Hindi yan totoo!" agad namang depensa ni Zoe.
"Totoo ba ang sinasabi mo, Astrid??" tanong ni captain Akiko na hindi na alam kung sino ang tunay na paniniwalaan.
Magsasalita na sana ako upang magbigay pa ng patunay ngunit nabigla nalang ako nang magpalipad si Zoe ng isang boomerang papunta sa akin. Mabuti na lamang at naitulak ako ni Fritz para makaiwas. Bago pa man ako makaganti ay nagsikilos na ang mga tiga-tribong Lahar para pigilan sina Zoe sa pag-atake sa akin. Maski ang tatlong captain ay kinalaban nila.
"Mahal na Diyos ng Enrocho, mabuti pa sigurong magtungo na kayo sa kinaroroonan ng phoenix habang kinakalaban namin sila. " sambit ni Troth habang ang mga alagad niya ay nakikipaglaban na sa kanila.
"Astrid! Sabihin mo sa kanila na kakampi mo kami!" sigaw ni Captain Conrad habang hirap na hirap siya sa pakikipaglaban sa mga miyembro ng tribo.
Kakampi?? Kakampi ko nga ba sila? Hindi ko na nagawang magsalita dahil hinigit na akong bigla ni Fritz paalis ng lugar na iyon. "Pabayaan mo na sila. Mas alalahanin natin ang ibon, Astrid." mariin niya saking binanggit bilang paalala.
"Ang phoenix.." sambit ko sa aking sarili. Napapikit ako dahil sa naramdamang pagpintig ng aking sentido.
Hindi ko alam kung bakit bigla nalang nanlabo ang paningin ko. Kung anu-anong mga senaryo ang pumapasok sa aking isip. Nakita ko sa vision ko ang batang lalaki, ang babaeng kaedad ko lang, at ang matandang lalaki-mga taong nakikita ko lamang sa panaginip. Nakita ko din ang pamilya ko at si Mico, at ang mga mahahalagang alaala ko na nagsilbing inspirasyon ko sa pagpupursige kong makuha ang aking pangarap. Sa isang iglap ay naghalo-halo ang lahat ng mga ito sa aking isipan. Para akong natrap sa isang ilusyon. Anong nangyayari sa akin??
"Astrid.." nakarinig ako ng isang boses. Sinubukan kong hanapin iyon pero mas lalo lang sumasakit ang aking ulo.
"Astrid!" unti-unti nang naglalaho ang mga senaryo. Parang itong nawawala at nagiging usok. Paunti-unti...
Paunti-unti...
Paunti-unti...
Wala na..
Wala na..
"Astrid!" naimulat ko ang aking mga mata. Doon ko nakita si Fritz na may reaksyong pinaghalo. Hindi ko ito mawari, parang natatakot na nag-aalala.
Napangiwi ako nang maramdaman ko ang mahigpit na pagkakahawak niya sa aking magkabilang braso."Makinig ka sa akin, Astrid." sambit ni Fritz na nagpabalik sa akin sa katinuan. "Kailangan na nating kuhanin ang phoenix habang nakikipaglaban pa sila."
Isang pagtango lang itinugon ko sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ko at muling hinila papaalis ng lugar pero bago pa man kami tuluyang makaalis ay nakarinig kami ng isang pagsabog. Agad kaming napalingon sa mga bagong paparating. Shit. Ang mga tiga-Romanesce!
"Tara na!" muling paghila sa akin ni Fritz.
BINABASA MO ANG
ASTRID: Finding The Lost Phoenix (Completed)
FantasyThe world where Astrid lives has no room for mundanes like her. But what if life gives her opportunity to have power by means of finding the lost phoenix? An extraordinary bird that can give power to an ordinary human by just a drop of tear from it...