Halos ilang minuto din kaming nakaluhod at matamang pinagmamasdan ang mga damit, tsinelas,ilang alahas, at syempre, ang abo ni lola Dita. Yakap-yakap ko pa din si Jehd na medyo humina na ang pag-iyak. Si Fritz naman ay nakasandal sa malaking puno at nakatingin sa kawalan.
"Mabuti pa siguro umalis na tayo dito. Baka mamaya dumating na din dito ang ilang kasamahan nung kalaban.." pagbasag ni Fritz sa katahimikan.
Tinignan ko si Jehd para alamin kung ayos na ba ang kanyang kalagayan. Namamaga pa din ang kanyang mga mata at sa tingin ko sobra siyang nanaghihina ngayon. Baka hindi niya na kayang maglakbay. Pero ikinagulat ko nang tumingin siya sa akin at marahang tumango. Dahan-dahan siyang tumayo at inilahad ang kanyang kamay para tulungan akong tumayo. Nginitian ko muna siya bago ko iniabot ang kanyang kamay at saka tumayo.
"Ayos ka na ba, Jehd?" nag-aalala kong tanong sa kanya.
"Opo." sagot niya sabay tumango. Maulit kong tinignan ang kanyang mga mata para hanapin ang kanyang tunay na nararamdaman at tama nga ako, hindi pa siya maayos. Pero alam kong ginagawa niya ito para sa amin at para sa kanyang lola.
"Tara na.." sambit ko at saka hinawakan ang kanyang kamay.
"Saglit lang po." saad ni Jehd. Binitawan niya ang kamay ko at muling bumalik sa kinaroroonan ng abo ni lola Dita. Lumuhod siya at kinuha ang kulay gintong kwintas ni lola at isinuot ito sa kanyan leeg. Pagkatapos ay patakbo siyang nagtungo sa amin ni Fritz.
"Mahalaga po kasi ang kwintas na ito kay lola." paliwanag niya. Ipinakita niya ito sa amin at doon ko nakita na hugis puso pala ito at nakaukit doon ang pangalang 'Dita' sa dikit-dikit na letra.
"Ang ganda..." naisambit ko sabay hinawakan ang pendant.
"Astrid.." napalingon ako nang magsalita si Fritz. Parang kinakabahan ang kanyang mukha na nakatingin sa harapang direksyon. Napakunot ang noo kong tumingin sa tinitignan niya at doon ko nakita sa di kalayuan ang mga kasamahan nung pumatay kay lola Dita-ang tribong Lahar.
Hinawakan ni Fritz ang kamay ko at tinignan niya ako. Hinawakan ko din ang kamay ni Jehd at dahan-dahan kaming umatras. Nang makailang atras pa kami ay saka kami sabay-sabay na tumalikod para tumakbo. Pero nanlumo lamang kami nang makitang may nasa sampung katao ang nakaharang sa amin. Pinapalibutan na nila kami at papalapit na sila nang papalapit sa amin.
Lumalakas na ang pagkabog ng dibdib ko. Nararamdaman kong nalalamig at nagpapawis na din ang kamay ko pero hindi iyon alintana ni Fritz bagkus ay hinigpitan niya pa ang pagkakahawak sa aking kamay. Kailangan kong mag-isip ng paraan...
"Astrid.." rinig kong tawag sa akin ni Fritz. "Kukuhanin ko ang atensyon nila at kapag nakuha ko iyon, tumakbo kayo nang mabilis, maliwanag? Wag na ninyo akong antayin." napatingin ako sa kanya dahil sa kanyang sinabi. Pero ang mga mata ay nakapokus sa mga kalaban.
"Hindi ako makakapayag, Fritz. Huwag mong ituloy ang binabalak mo." sabi ko na may halong pagbabanta. Pero mukhang hindi tumalab sa kanya ang sinabi ko. Ramdam ko ang unti-unting pagluwag ng kanyang hawak sa aking kamay hanggang sa tuluyan na siyang bumitaw. Ngunit hinabol ko pa din siya at hinarangan.
"Ang tigas talaga nang ulo mo, noh? Sinabi nang huwag mong itutuloy eh!" sigaw ko sa kanya. Bukod sa galit ay nangingibabaw din ang pag-aalala sa damdamin ko. Hindi ko kayang mawala siya..
"Tss. Ikaw ang matigas ang ulo! Bakit ba wala kang tiwala sa akin?! Hindi porket mas matanda ka sakin ay ikaw na ang masusunod. Wag mo 'kong pagmukhaing bata, Astrid. Alam ko ang ginagawa ko." naiinis naman na sinabi sa akin ni Fritz. Inalis niya ang mga kamay ko na nakahawak sa kanyang mga braso at nagpatuloy na naman sa pagpunta sa mga kalaban. Pero hindi ako nagpatinag at muli siyang hinarangan.
"Magalit ka na kung magalit pero hindi pa rin ako papayag." matigas kong sinabi. "...natatakot akong mawala ka, Fritz. Please wag mo nang gawin 'to." sa huli ay hindi ko na napigilang sabihin.
"Nako, mukhang may ayaw magkarelasyon pa ata ang mapapanood natin ngayon ah." sabay kaming napalingon ni Fritz sa isang lalaking nagsalita na tiga-tribong Lahar. Dahan-dahan itong naglalakad papalapit sa amin habang nakangisi pa. Batay sa hitsura niya, sa tingin ko siya ang kanilang pinuno. Mas mahaba ang kanyang sungay na mukhang sungay ng kambing, kumpara sa mga sungay ng iba. Siya lang din ang kaisa-isang may damit na gawa sa balat ng oso, hindi gaya ng kanyang mga alagad na kakapiranggot lang ang suot. Kung tutuusin, madali lang namang mahulaan. Tindig at pananalita niya palang, pinuno na ang dating.
"Sige, mabuti pa nga at magpaalam na kayo sa isa't-isa dahil tatapusin na namin ang mga buhay niyo!" saad nito at saka humalakhak nang pagkalakas-lakas.
Walang anu-ano'y sinugod na kami ng mga alagad ng pinuno at mahigpit kaming hinawakan sa magkakabila naming bisig. Nagsihiyawan naman sa tuwa ang iba pa, kasama na ng pinuno. Maya-maya pa ay nagsisikantahan na sila, hindi ko maunawaan kung anong klaseng kanta iyon dahil mukhang ibang lenggwahe ang mga liriko. Pinalilibutan na nila kami habang sumasayaw sa saliw ng kanta. Nakita kong sinindihan ng isang alagad ang torch at iniabot sa pinuno.
"Huwag!" sigaw ko na nagpatigil sa kanilang ginagawa. Lahat sila ay napatingin sa akin at ganun din si Fritz na nakakunot pa ang mga noo.
Lumunok muna ako bago magsalita. Hindi ko alam kung gagana ba itong plano ko pero sana nga. "I am the deity of Enrocho.." sambit ko sa alanganing boses. Nakita ko ang pagkunot ng kanilang mga noo. Mukhang hindi sila makapaniwala sa sinabi ko.
"Ano kamo? Ikaw ang diyos?? " the leader said in a mocking tone. Magkaslubong pa ang kanyang mga kilay habang naglalakad papalapit sa akin. "At ano namang patunay mo?" paghahamon niya sa akin.
Inalis ko ang pagkakahawak ng mga alagad niya sa akin para makagalaw ako. Sunod kong hinawakan ang kwintas na suot-suot ko-ang kwintas na binigay sa akin ni sultana Shekannah. Unti-unti kong iniangat ang kwintas sa aking leeg hanggang sa tuluyan ko na itong matanggal. Doon ko nakita ang kanilang mga hitsura na nagulat.
"Ang mga mata mo..." halos hindi makapaniwalang saad ng pinuno nila. "K-kulay b-berde.."
Lahat ng mga alagad ng pinuno ay nagsilapitan sa akin. Animo'y sinusuri nila ang aking mga mata kung totoo nga. Nagulat nalang ako nang bigla silang nagsiluhudan sa harap ko. "Diyos ng Enrocho. Patawarin mo ang ginawa namin sa inyo.." aniya ng pinuno habang magkadaop pa ang dalawang kamay nito. Napalunok na lamang ako. Mukhang napaniwala ko nga sila. Hindi ko akalaing kakagat sila sa sinabi ko.
"Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo??" napatingin ako kila Fritz na mukhang nagulat din sa nangyari. Binigyan ko na lamang siya ng makahulugang tingin. Sa tingin ko naman ay naintindihan niya ang binabalak ko kaya tumango na lamang siya.
Ibinaling ko ang tingin ko sa pinuno. "Gusto kong ihatid ninyo kami sa tuktok ng Mt. Shibu. Tulungan ninyo akong hanapin ang nawawalang phoenix. " maawtoridad kong sinabi.
"Masusunod po.." agad namang sambit ng pinuno.
BINABASA MO ANG
ASTRID: Finding The Lost Phoenix (Completed)
FantasiThe world where Astrid lives has no room for mundanes like her. But what if life gives her opportunity to have power by means of finding the lost phoenix? An extraordinary bird that can give power to an ordinary human by just a drop of tear from it...