Prologue

1.2K 73 13
                                    

"Hurricane, narinig mo ba ko?"

Padabog kong tinanggal ang magkabilang earphones sa tenga ko at napatingin kay kuya Eli. Nakasakay kami ngayon sa sasakyan ni Papa papuntang Manila at siya ang nautusang maghatid sakin. Si kuya ang nagmamaneho habang ako naman ay nasa passenger's seat lang.

"Naman kasi, kuya! Bakit ba kailangan ninyong gawin sakin 'to?" naiiyak na sambit ko. "Makakapag-aral naman ako ng college nang hindi umaalis sa bahay natin, e. Dito na lang kasi ako sa Oud Metha!"

Ayaw kong mawalay sa kanila pero heto sila at pinagtutulakan ako palayo. Maisip ko pa nga lang na isang araw kong hindi makita sina mama, papa at maging si kuya, nilalamon na ko ng kalungkutan. Ano pa kaya ang ilang buwan?

Walang magagarang sasakyan o matataas na building sa lugar na kinalakihan ko. Liblib pero sa totoo lang, 'yon ang nagustuhan ko--ang pagiging simple at tahimik nito.

"Kailangan mong maging independent, Hurri. Maraming magagandang eskwelahan sa Manila. Marami kang magiging kaibigan kaya---"

"Ayoko, kuya!" nagsimula na akong maluha. Napatingin ako sa labas ng bintana ng kotse at mabilis na pinunasan ang luha ko. Ilang beses na ba akong nagmakaawa sa kanila? Paulit-ulit ko nang sinasabi na ayaw kong mawalay sa kanila pero baliwala pa rin talaga. "Hindi niyo man lang ba naiisip na mahihirapan akong mag-isa? Tingnan niyo nga itong panahon, nag-iiba na nga tapos iiwan niyo pa ako."

Isang linggo na kasi ang nakalipas mula nang magsimulang umulan ng snow sa Pilipinas. Noong una, medyo natutuwa pa ang karamihan, pero ngayong medyo naramdaman na namin ang hirap na dulot ng lamig, unti-unti na rin kaming lahat nabagabag.

Nakapagtataka lang kung paano at bakit nagka-snow, dahil kailanman ay hindi pa ito nangyari sa bansa. At ang mas nakapagtataka pa, hindi lang ang pag-ulan ng snow ang nangyari. Nagsilabasan sa balita ang iba't ibang uri ng mga bagong tuklas na hayop, merong mga tumubong bagong bulkan, isla, at napadalas ang pag-iiba ng kulay ng kalangitan.

Siguro, ito na ang sinasabi ng mga nakakatanda na end of the world. Pero wala namang nakakasagot sa mga katanungan nila.

Nasa gitna na kami ng byahe palabas ng Oud Metha nang mapansin kong medyo namumutla si kuya.

"Damn!" mariing sambit ni kuya habang natatarantang pinipihit ang manobela.

"Bakit, kuya?" nagtatakang tanong ko sa kanya. Hindi pa niya sinasagot ang tanong ko pero halos sumasabay na sa bilis ng takbo ng sasakyan ang tibok ng puso ko.

"Nawalan ng preno!" kinakabahang sagot ni kuya habang pilit na tinatapakan ang preno.

Nablangko na ang utak ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Gusto kong sumigaw pero dahil sa sobrang kaba ay hindi ko magawang magsalita. Walang boses na gustong kumawala sa bibig ko.

Hanggang sa napansin ko na lang ang itim na kotseng mabilis ang takbo at pasalubong sa amin.

"Hurricane!" sigaw ni kuya. Naramdaman ko na lang ang mahigpit na pagyakap sakin ni kuya at ang mga kamay niyang nakatakip sa ulo ko.

"Kuya!"

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon