Chapter 17

206 24 5
                                    

Dispareo
Chapter 17

Dumadagundong ang kulog at napakatalim ng mga kidlat sa kalangitan. Parang galit na galit ito at gusto nitong parusahan ang sanlibutan. Napuno ang madilim na langit ng matatalim na kislap. Bawat namumuong ulap ay may ibinababang guhit na tila ba nakakahiwa. Ilang araw nang madilim ang paligid at parang walang hanggan ang gabi. Tila wala nang balak na magpakita ang haring araw sa kalangitan. Nakakapangilabot ang bawat segundong dumadaan dahil parang napakalapit na ng katapusan ng mundo.

And now, the end is near
And so I face the final curtain...

Habang nakahiga sa duyan na nakakabit sa dalawang puno ng buko, matamang nakatingin sa madilim na kalangitan si Tasyo. Kanina pa niya pinagmamasdan ang ilaw sa ulap dahil sa kidlat habang nakikinig ng kantang My Way sa kanyang lumang casette tape. "And now the end is near..." natatawang sabi niya habang inuulit-ulit ang liriko ng kanta. Napatingin siya sa hawak na picture frame nang bigla niyang maalala ang mga sinabi ng kanyang anak. "Mangyayari na anak... mangyayari na," aniya habang kinakausap ang litrato nito.

Tatlong araw nang kumukulog at kumikidlat na tila nagbabadya ng malakas na ulan ngunit wala namang ulan ang nangyayari. Mula nang tumigil ang pag-ulan ng niyebe, nag-iba na ang panahon. Inakala ng lahat na tapos na ang mga kakaibang pangyayari, pero nagkamali sila dahil doon pa lang pala magsisimula ang lahat. Nang unti-unting nahawi ang makakapal na ulap, lumabas sa kalangitan ang napakalaki at pulang buwan. Minsan lang sa ilang daang taon umaabot sa gano'ng hugis at kulay ang buwan. Sa laki nito ay parang abot kamay na ito nino man. At ang kulay nito'y nakakadagdag misteryo dahil kakulay na nito ang dugo.

"Walang naniwala. Pero ngayon ay masasaksihan na nila kung ano ang tinutukoy mo." Muli niyang ibinaling ang tingin na namumulang buwan. Doon ay wala na halos ulap na nakapaligid dito. Parang nagbigay daan para makita ng lahat ang wangis nito. Nakangiti si Tasyo habang nakatanaw doon, pero kahit anong ngiti niya ay hindi niya kayang ikubli ang kanyang mga luha. Naghahalo ang emosyon ni Tasyo ng mga sandaling iyon. Parang nahahanap niya na ang kasagutan sa mga sinasabi ng anak pero natatakot naman siyang harapin ito. "Kukunin na sila ng mga taga Dispareo gaya ng pagkuha nila sayo, anak." Nakangiti man ang matanda ngunit ang mga luha ay walang tigil sa pagpatak nang unti-unting nagbalik sa kanyang alaala ang huling pagkikita nila ng kanyang anak.

---

"Anak," nag-aalalang sabi ni Tasyo. Ilang minuto na siyang katok nang katok sa pinto ng silid ng kanyang anak na si Theo. Ilang araw na niyang napapansing wala sa sarili at balisa ang anak matapos nitong bumalik sa kanilang bahay. "Ano ba, Theo? Buksan mo 'tong pinto at papasukin mo ko! Ano ba nangyayari sa 'yo?" Halos mawasak na niya ang pinto nito dahil sa lakas ng katok niya. Pero wala nang mas lalakas pa sa tibok ng puso niya dahil sa matinding pag-aalala.

"Bakit? Bakit ako?!"

Narinig niyang nagsalita ito, pero dahil nga nakasara ang pinto, hindi niya halos madinig ang sinabi nito. Itinapat niya ang tenga sa pinto at matamang pinakinggan ang sinasabi ng anak.

"Bakit? Bakit ako?! Bakit?" Paulit-ulit lamang ang sinasabi ng anak niya. Sa tono ng pananalita nito ay parang may sinusumbatan ito. Hindi na alam ni Tasyo ang iisipin. Gusto niyang isawalang bahala na lang ang nangyayari sa anak pero nababahala na siya. Ayaw niyang sabihin, pero sa isip niya'y baka nababaliw na nga ito.

Bahagya niyang inilayo ang sarili sa pinto at sinubukang magsalita upang kumbinsihin ang anak na lumabas.

"Theo, anak. Buksan mo ito at mag-usap tayo ng masinsinan," kalmadong saad niya rito. Ayaw niyang dagdagan ang pagkabalisa ng anak kaya sinusubukan niya ring kalmahin ang sarili. Muli niyang ibinalik ang tenga sa pinto at nakinig sa isasagot nito.

"M-amamatay tayong lahat! Sinumpa tayo ng mga taga Dispareo!" umalingawngaw ang malakas na sigaw ng anak niyang si Theo mula sa loob ng kwarto nito. Kasabay ng sigaw nito ay ang malakas na kalabog ng mga bagay na tila nagbabagsakan o itinapon. Matapos mawala ito ng apat na buwan, bumalik ang kanyang anak na tila wala sa sarili. Iba na ang naging kilos nito, ang mga gawi, ang pananalita, at ultimo ang pagtitig nito sa kanya ay nag-iba na. Pinilit niyang intindihin ang anak, dahil akala niya'y dala lamang pagkawala nito. Pero sa pagdaan ng mga araw ay mas lumala ang kalagayan ng anak. Halos hindi niya na ito kilala.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon