"Patawad, Yiruma. Hindi ko... sinasadya." Halos mapatid na ang hininga ng lalaking nakadilaw. Hawak ito ni Yiruma sa leeg at halos baliin na niya ito sa sobrang gigil. Nagpupuyos siya sa galit dahil sa kapalpakan ng anim niyang tauhan. Alam niyang ikagagalit ito ni Barrius kapag nalaman nito ang nangyari. Ngunit hindi siya makapapayag. Bago pa siya mapagalitan, ibinunton niya na agad ito sa kanila.
"Sinabihan ko na kayo! Pero mga isa't kalahating inutil kayong lahat!" bulyaw niya at malakas na inihagis ang lalaki.
Tumilapon ito ilang metro ang layo sa kanya at tumama ng malakas sa pader. Halos gumuho ang pader na pinagtalsikan nito.
Ang limang natitira ay puro duguan na rin sa pambubugbog niya. Binalaan niya na ang mga ito, ang kapalpakan ay wala na dapat lugar sa Dispareo. Hindi na maaari pang magkamali dahil habang tumatagal, mas dumarami na ang nawawala sa kanila.
"Kung alam ko lang na hahantong sa ganito, mga tauhan na lang sana ni Kagura ang pinadala ko. Mga bwisit!" Hindi niya na kasi alam kung saan at paano niya isasagawa ang misyon gayong pumalpak na ang mga alipores niya.
Huminga siya nang malalim. Pinilit niyang kalmahin ang sarili dahil nahihirapan na siyang mag-isip. Kailangan niyang ayusin ang lahat bago pa si Barrius ang umaksyon. "Ako na lang ang magpapatuloy sa misyon na 'to."
----
Nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog si Hurricane nang mapansing may munting liwanag na sa labas ng kweba.
Napatingin siya sa kanyang wrist watch para malaman ang oras ngunit nakita niyang hindi na ito gumagana. Lumingon siya sa natutulog na si Thunder at bahagyang sinipa ang paa nito dahilan para agad itong magising. "Wow, ha. May pa-guard-guard ka pang nalalaman, matutulog ka rin pala."
Nakita niyang pupungas-pungas ito at pinagpagan ang damit. "Ano ba! Wala pa nga akong 30 minutes na nakakatulog, e!" iritableng saad nito at base sa hitsura ng binata, sa tingin niya ay nagsasabi ito ng totoo.
"Sorry na. Pero okay lang ba na umalis na tayo? Kailangan kasi nating magmadali. Baka hinahanap na ako ni kuya at baka hinahanap ka na rin ng mga kasama mo." Pabalik-balik ang kanyang tingin kay Thunder at sa labas ng kweba. Hindi niya mapagtanto kung tama ba ang nakikita niya o hindi.
"Oo na. Sandali." Bumangon ito mula sa pagkakahiga at kinusot ang inaantok pang mga mata. Kinuha nito ang katabing itim na lalagyan at iniabot kay Hurri. "Pahawak muna saglit."
"At nakuha mo pa talagang magdala ng gitara?" nagtatakang tanong niya. Dahil kung tutuusin, marami siyang tanong sa kanyang isip tulad ng kung naaksidente sila, bakit wala silang dugo o kahit ano mang sugat sa katawan? Bakit sila napunta sa lugar na iyon? At paanong nakapagdala pa si Thunder ng gitara.
"I don't have time to know every freakin' detail, Cane. Paggising ko, nasa tabing dagat na ako at katabi ko na 'to. Kaya dinala ko na lang noong naghahanap ako ng tulong. Isa pa, importante kasi sakin ang gitarang 'to." Seryoso ang mukha nito habang nagsasalita, batid ni Hurri na meron itong sentimental value sa binata kaya hindi nito iyon maiwan-iwan. "Now give that back to me and let's go."
Sabay silang naglakad palabas ng kweba ngunit hindi pa man tuluyang nararating ang bukana, nanginginig na silang dalawa sa sobrang lamig.
"May snow nga pala. Paano 'to?" nag-aalalang tanong ni Hurri.
"What do you think?"
"Nagtatanong nga ako sayo tapos ibabalik mo lang din pala sakin," nakapamewang na sagot niya.
"Lady's choice."
"Ano, palaman? Walang tindahan dito naisipan mo pang maghanap ng palaman."
"Hurricane!" mariing sabi ng binata at mabilis siya nitong hinatak palabas ng kweba. "Stop wasting time! We have to find them!"
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...