Chapter 29

44 6 0
                                    

Dispareo
Chapter 29

Tahimik na pinagmamasdan ni Hurricane ang bilugang mga mata ng kanyang kaharap. Kahit ilang beses niya na itong nakikita ay pareho pa rin ang nagiging epekto nito sa kan'ya. Parang biglang nanunuyo ang lalamunan niya, at bumubilis ang kan'yang hininga.

"Bagyo, tandaan mo... kahit anong mangyari, nandito lang ako sa tabi mo. Hindi ako mawawala. Naiintindihan mo?" ani Thunder sa kanya. Walang sabing hinawakan nito ang kan'yang kamay. Naramdamdaman niya ang higpit ng pagkakahawak nito maging ang marahan nitong pagpisil sa palad niya

Nakangiti siyang tumango rito bilang tugon sa binata. "Tara na at ba--" Hindi pa niya natapos pa ang sasabihin nang bigla silang nakarinig ng nakakabulahaw pagsabog at malakas na pagyanig sa kaliwang bahagi ng kastilyo ng Agartha.

Napahawak siya sa kan'yang magkabilang tenga dahil ramdam niya ang pwersa at epekto ng pagsabog na dulot nito sa bahaging iyon ng kan'yang ulo. Hindi rin nagtagal ay napuno ng nakaririnding sigawan ang buong lugar.

Agad na napahawak si Thunder sa kan'yang mga balikat upang alalayan siya. Kita niya sa mga mata nito ang matinding pag-aalala. "Are you ok?" sinserong saad nito.

"Parang nagpanting ang mga tenga ko dahil sa lakas ng pagsabog, pero ok naman ako." Kakaibang pakiramdam ang hatid kay Hurricane ng mga titig sa kanya ni Thunder. Ngunit mabilis niya iyong binaliwala dahil alam niya na hindi iyon ang tamang oras para sa pansariling interes.

Bago pa man sila maguluhan sa kung ano ang mga nangyayari, daglian naman lumabas sa pinto si Hugo na kitang-kita sa hitsura nito ang labas na pagkabahala. "Mukhang napasok na tayo ng kalaban!" mariing sambit nito habang isa-isang binubuksan ang mga kahong nakalatag sa bandang likuran nina Hurricane at Thunder.

"Ha? Paano nangyari iyon?" nagtatakang tanong ni Thunder dito.

"Wala rin akong ideya kung paano, pero ayon sa balitang nasagap ko, umalis na rin ang ilang pinuno at ginawa ang mga nakaplano." Kasalukuyang bitbit na nito ang isang malaking maso na may mahabang hawakan. Kawangis ng sandata nito ang ginagamit ng mga blacksmith kapag gumagawa sila ng espada. "Mabuti na lang rin at nandito pa ako para gabayan kayo."

"Buti na nga lang, kasi hindi ko pa kabisado itong binigay mong sandata." Pinulot ni Hurri ang karet na kanyang nabitiwan at isinukbit ang kadenang nakakabit dito. "Pa'no ba 'to?"

Masyadong nakatuon na ang atensyon ni Hurricane sa mga sinasabi sa kan'ya ni Hugo, kaya hindi na niya napansin ang sugatang mandirigma na patakbong lumalapit sa kanila. Naaagaw lang ang kanyang pansin nang nagmamadaling umalis si Thunder at lumapit sa mandirigma at inalalayan ito.

"Tagapagligtas, Hugo. Tulong!" anito sa kanila na pumutol ng kanilang usapan.

Dali-dali naman siyang tumakbo para lapitan ito at usisain sa mga naganap. "Anong nangyari?" kinakabahang tanong ng dalaga.

"P-pinasok na ng mga kalaban ang kaliwang bahagi ng kastilyo, Pinunong H-hugo. Ginawa namin ang lahat ng among makakaya para pigilan ang m-mga kalaban, pero sobrang lakas na nila ngayon. H-hindi na namin kinaya. Ako lang ang nakaligtas sa mga nakadestino sa bahaging iyon." Hirap man sa pagsasalita'y pinilit nitong ilahad ang mga nangyayari. Magkahalo na sa mukha nito ang mga bahid ng pawis, luha't dugo dahil sa sobrang takot at sakit na nararamdaman.

Naiiling na lang si Hurri habang pinakikinggan ang mga sinabi nito. Alam niyang kinausap na siya ng mga pinuno. Pinatatag na ng mga ito ang puso't isip niya. Pero hindi niya pa rin maiwasang makaramdam ng kaba, gayong ito ang magiging kauna-unahang digmaan na sasabak siya. At sino ba naman ang hindi kakabahan gayong pakiramdam niya ay kulang pa ang ensayo na nagawa niya.

Kung alam ko lang, mas sineryoso ko pa ang pag-eensayo, aniya sa kanyang isip.

Pagtingin niya kay Thunder ay napapailing din ito. Hindi man nagsasalita ang binata, alam niyang nahihirapan rin ito sa sitwasyon.

"Salamat, magiting na mandirigma," nalulungkot na turan ng pinuno.

Kitang-kita niya nang ipinatong ni Hugo ang kanang palad sa balikat ng mandirigma. Inakala ni Hurri na inaalo nito ang kaharap, pero nang biglang may lumitaw na bughaw na liwanag sa kamay nito'y nagtaka na siya.

"P-pinuno?" maang na sambit ng mandirigma.

Halos mapanganga si Hurricane nang biglang nanigas ang katawan nito habang unti-unting binalabot ng liwanag ang buong katawan nito.

"Uy, sandali! Baka pati ako madamay," ani Thunder na halos parang ilayo na nito ang sarili mula sa buhat niyang mandirigma.

Hindi naman umiimik si Hugo at nanatili itong nakapikit.

Namilog ang mga mata nina Hurricane at maging si Thunder nang walang pasabing naging abo ang buo nitong katawan. Kumalat ito sa hangin na parang mga alikabok. Ilang saglit pa'y may lumabas na maliliit na ipo-ipo at doon ay tuluyan nang hinangin ang abo. Hindi man lang umabot ng isang minuto at nawala na na parang bula ang bakas ng magiting na mandirigma.

Napatingin si Hurricane kay Thunder na bakas sa mukha ang sobrang gulat. "A-ano nangyari?" anito na tila nabato sa kinatatayuan dahil sa nasaksihan. Tulad niya ay hindi pa rin nito maintindihan kung paano at kung ano ang nangyari.

Napadilat si Hugo at kitang-kita ni Hurricane ang pag-iba ng kulay ng mga mata nito. Mula itim ay naging kulay asul na ang mga mata nito.

Hindi na nito sinagot ang naging katanungan ni Thunder, at natuon na lang ang atensyon sa tulala pa ring si Hurri. "Hindi 'to maaari!" mahina ngunit may diing sambit nito. "Hurricane, ngayon ka mas kailangan ng Dispareo at ng mundong kinalakihan mo. Higit pa sa inaasahan ang sakop ng kapangyarihan ng kalaban. Nagtagumpay na ito sa paggamit sa unang anim na araw na nakuha nito."

"Anong gagawin natin?" ani Hurricane habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa kaharap na pinuno.

"Ipagdasal na lang natin na kayanin natin ang hagupit ng mga susunod na pagsubok," seryosong sagot nito sa naging katanungan niya.

Napalunok na lang siya dahil sa bigat ng responsibilidad na nakaatang sa kan'ya.

-

Matapos makapag-usap sa kung anong dapat gawin, agad na umalis ang tatlo. Nagmamadaling binagtas nila ang daan papunta sa kaliwang bahagi ng kastilyo. Hindi pa nila alam kung anong maaabutan nila roon, pero handa na silang lumaban kung sakali mang may natitira pang kalaban na nakabantay sa bahaging iyon.

Patuloy pa rin nilang naririnig ang sunod-sunod na mga pagsabog. May ilang malalakas, may ilang rin na mahihina. Hindi tuloy matukoy ng dalaga kung saang bahagi pa ng Agartha ang inaatake ng mga kalaban.

Matapos ang ilang sandaling paglalakbay, nakarating na sila sa balak nilang puntahan.

Tumambad sa harap ni Hurricane ang nakakagimbal na tanawin. Hindi pa rin lubusang nawawala ang usok mula sa nangyaring pagsabog, at nagkalat sa buong lugar ang bitak-bitak na mga bato. Ngunit bukod sa mga ito'y mas nanlumo siya sa nagkalat na sirang sandata, sa dugong halos tinakpan na ang buong sahig dahil sa paglawa nito, at sa mga bangkay na halos hindi na makilala dahil sa mga sugat, paltos, at lapnos na galing sa init ng pagsabog.

Hindi siya makapaniwala sa mga nakikita. Parang nabahag ang dila niya't hindi siya makapagsalita. Ramdam ni Hurri ang panginginig ng katawan niya dahil sa pangamba.

"Hurricane!"

Doon lang siya natauhan mula sa malalim na pag-iisip nang marinig niyang isinisigaw ni Thunder ang pangalan niya. Pagkalingon niya sa direksyong pinaggalingan ng boses nito'y nakita niya kung paano inaatake ng mga nagsulputang halimaw ang dalawa.

"Tulong!" ani ng binata habang pilit kumakawala mula sa mahigpit na pananakal ng halimaw. Habang ang pinunong kasama ay abala rin sa pakikipalaban.

Halos pitong talampakan ang taas ng mga halimaw. Parang kasing tigas ng bato ang malaki nitong katawan. Nakatalikod lang ito sa direksyon niya kaya hindi niya makita kung ano ba talaga ang hitsura nito. Kung hindi lang siguro siya napadpad sa Dispareo, iisipin niyang isa itong uri ng gorilla na nakahithit ng pinagbabawal na gamot kaya nagwawala.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Hurri at agad na inihagis ang hawak na karet. Kontrolado niya ang direksyong tatamaan ng sandata dahil sa kadenang nakakabit sa hawakan nito. Eksaktong bumaon ang matalim na bahagi ng karet sa likurang bahagi ng ulo nito.

Dumagundong sa lugar ang malakas na paghiyaw ng kalaban ni Thunder dahil sa sakit. Pagharap nito sa kanya ay magkahalong gulat at takot ang naramdaman niya nang makita ang kabuuan ng wangis nito.

"Holy shit!" bulalas na turan niya.

Hindi niya mabilang kung ilan ang mga mata nitong nagbabaga sa pagkapula. Ang bunganga naman nito'y tila galamay ng pusit, at sa gitna noon ay hindi mabilang na matatalim na mga pangil. Parang mga alien o mutant sa mga napapanuod niya sa pelikula noon.

"'Wag ka magpadala sa takot, Hurri." Napa-iling pa siya para bumalik sa pag-focus sa nagaganap na laban. Marahas nitong tinanggal ang karet na nakabaon sa ulo nito dahilan naman upang mabilis siyang tumakbo papunta sa direksyon ng halimaw. Wala na siyang oras para bawiin ang sandatang inihagis nito sa malayo.

Naiwan na lang sa kan'ya ang maliit na patalim na nakakabit sa kabilang dulo ng kadena. Doon ay muli niyang naalala ang sinabi sa kan'ya ng pinunong si Hugo.

"Kapag naibaon mo sa balat ng kung sino man ang punyal na ito, pindutin mo ang buton malapit sa hawakan, at maglalabas ang talim nito ng lason na papatay sa nasaksak mo."

Ilang dipa na lang ang layo nito bago siya nito maabutan. Nang akmang tatalon ito papunta sa kan'ya upang daganan siya, mabilisan niyang hinawakan ang punyal. Maliksi siyang umiwas nang lumapag na ito sa tabi niya. Hindi niya alam kung paano ngunit tila naging magaan ang pagtalon niya at doon ay walang pakundangan niyang itinarak malapit sa balikat nito ang patalim na hawak niya at agad na pinindot ang buton nito. "Hindi mo ko masisindak, halimaw!" mariing sigaw niya habang mas dinidiinan pa niya ang pagkakatarak ng punyal.

Muli naman itong nagpakawala ng malakas na hiyaw dahil sa ginawa niya. Mabilis siyang lumayo rito nang makuntento siya.

Maya-maya ay sandali itong natigilan ngunit matapos lang ang ilang segundo, bigla itong nangisay at tuluyang bumagsak sa sahig.

Napangiti naman si Hurri dahil alam niyang tumatalab na ang lason na nasa patalim niya. Kitang-kita niya kung paano natunaw ang balat na nakapaligid sa punyal, bago tuluyang nalusaw ang nilalang.

"Damn! You look cool, Hurri. Ang astig ng ginawa mo," papuri ni Thunder sa kan'ya.

Nakangiti namang lumapit si pinunong Hugo na katatapos lang din matalo ang dalawa pang halimaw na nakalaban nito at tinapik ang balikat niya. "Hindi nga nagkakamali si Pinunong Barrius. Ikaw lang sa lahat ng taong galing sa dimensyon niyo ang nakita kong ganoon kagaling lumaban. Ikaw ang pag-asa namin."

Nakangiting napayuko naman siya dahil hindi siya sanay sa mga papuring natatanggap. "Tsamba lang 'yun," aniya bago kunin ang punyal, at hatakin ang kadenang karugtong ng karet niya. "Marami pa akong dapat malaman."

Napatango naman si Hugo pagkarinig sa mga sinabi niya. "Mabilis ka namang matuto. Batid kong hindi ka na mahihirapan pa sa---"

Natigilan sa pagsasalita ang pinuno nang unti-unting napuno ng makapal na usok ang buong lugar. Nagpalinga-linga naman si Hurricane para tingnan kung may papalapit na kalaban.

Habang tumatagal ay mas lalong lumalabo ang paningin ni Hurri. Dahil sa usok ay halos hindi na rin niya makita sina Thunder at Hugo na kani-kanina lang ay nasa harap niya.

"Thunder? Pinunong Hugo?" tanong niya sa kawalan nang hindi na niya naririnig ang dalawa. "Nasa'n kayo?"

Nauubo na siya dahil nalalanghap niyang usok. Napatakip siya ng kan'yang bibig para pigilan ang pagpasok nito sa baga dahil kung magpapatuloy pa ito, tiyak na mawawalan siya malay.

Dahil sa naisip ay agad niyang kinuha ang kan'yang karet. Pumwesto siya habang hawak ang kadena - kalahating metro ang pagitan sa hawakan ng patalim niya. Marahas niyang inikot ito kaya nakalikha siya ng hangin.

Dahil sa hangin na nagawa niya ay unti-unting humawi ang mga usok sa paligid, at naging malinaw na ang kan'yang paningin. Doon niya na lang napagtantong parang nasa ibang lugar na siya, at wala na rin ang dalawa niyang kasama.

"Pinuno? Thunder?"

Wala siyang narinig na sagot mula sa dalawa ngunit isang mala-demonyong tawa ang narinig niyang bumalot sa buong lugar. Umalingawngaw ito sa paligid, at halos mabingi na siya sa lakas nito.

"Sino ka? Nasaan ako at anong balak mo?" sunod-sunod niyang tanong. Laking gulat na lang niya nang may maramdaman siyang humawak sa balikat niya.

Napaigtad si Hurri mula sa kinatatayuan. Dagli siyang lumayo rito at pinagmasdan ang anyo ng kaharap na nilalang. Hindi pa niya alam kung kakampi ito o kalaban, kaya minabuti niyang maging alerto at hinawakan na niya ang nakakamatay na punyal.

Nakasuot ito ng itim na roba, at pula ang panloob nitong damit. May nakasukbit na espada sa kanang bahagi ng beywang nito't may latigo sa kabilang gilid. Hindi naman niya maaninag ang mukha ng kaharap dahil natatakpan ito ng suot na itim na balabal.

"Nakakamangha ka, tagapagligtas," anito bago humawak sa laylayan ng balabal na suot. Dahan-dahan nitong inalis ang nakatakip sa ulo nito.

Namilog ang mga mata ni Hurricane sa nakita. Maka-ilang beses din siyang napakurap dahil hindi siya makapaniwala sa nasasaksihan. Blangko lang kasi ang mukha nito. Walang mata, walang ilong, at maging ang labi ay wala ito.

Ngayon lang ulit siya nakaramdaman ng ganoong takot. Halos nag-uunahan ang mga tibok ng pulso niya't sa lakas ng kabog nito'y parang lalabas na ang kan'yang puso sa sarili niyang dibdib. Walang tigil rin ang paglunok niya dahil nanunuyo na ang kan'yang lalamunan.

Napaatras siya nang bahagya pagkakita niyang humakbang ito papalapit sa kan'ya. "Sino ka? At paano mo ako nakakausap kung..."

"Makapangyarihan ang isip, Hurricane. Kaya nitong ipakita at iparinig ang mga bagay na hindi natin madalas matunghayan," panimula nito. "Narito ako, upang subukan ang galing mo. Dahil bago mo makaharap si panginoong Thanos, kami munang mga galamay niya ang dapat mong makakalaban."

Pagkatapos nitong magsalita'y agad siyang inatake ang kalaban. Mabilisan nitong hinugot ang espada't akmang tatagain siya.

Hindi naman nag-alinlangan si Hurri at sinangga niya ng kadena ang naging atake nito. Mabilis ang naging kilos nito at tuloy-tuloy ito sa pag-atake na kanya namang iniilagan.

Isang malakas na wasiwas pa ang ginawa nito upang saksakin siya ngunit agad niyang tinadyakan ang tiyan ng kaharap bago niya ikinumpas ang karet. Inakala niyang matatamaan niya na ito, pero maliksi itong kumilos at agad na nakailag sa atake niya.

Dahil sa bilis ng mga pangyayari ay habol na habol niya na ang paghinga. Wala naman siyang sinayang na oras at patakbo niya na ulo itong inatake. Sa kaliwang kamay ay hawak niya ang karet, sa kanan naman ay ang punyal. Nasa likuran naman niya ang kadenang nagdudugtong sa dalawang patalim na hawak.

Alam niyang kakayanin niyang manlaban. May tiwala siya sa pagsanay sa kan'ya ni Reemus at Barrius, pati na rin sa sandatang gawa ni Hugo. Ang huling bagay na lang na kailangan niya ngayong pagkatiwalaan ay ang sarili niya.

Iwinasiwas niya ang karet, habang nakahanda naman sa gilid niya ang punyal. Kung mailagan man nito ang itinapong sandata, handa siyang lapitan ito at lasunin ang katunggali.

Nagulat na lang siya nang pag-iwas nito'y agad na lumayo ang kalaban. "Hindi pa ito ang tamang panahon, tagapagligtas. Masyado ka naman atang nagmamadali? May lakad ka?" natatawang sambit nito. "'Wag ka masyadong makampante sa kasalukuyan mong galing. Sa susunod nating paghaharap, ipapalasap ko sa'yo ang sarap ng kamatayan."

Muling napuno ng usok ang buong paligid, at parang bula na naglaho ito sa gitna ng makapal na hamog. Tulala lang na nakatingin doon si Hurricane dahil wala na rin naman siyang magagawa sa ngayon.

Alam niyang kailangan niyang maghanda. Kung hindi pa ito seryoso sa laban, mahihirapan lang siya kapag inilabas na nito ang tunay na galing.

"Hinding-hindi ako magpapatalo sa inyo," gigil niyang bulong sa sarili habang inililigpit ang kan'yang sandata.

--

Patuloy pa rin ang pagpatak ng ulan, at sumasabay pa sa pagbuhos nito ang sunod-sunod na pagkulog at kidlat. Ang sitwasyon ng mundo ay tila hinango sa kwento ni Noah, kung saan walang tigil ang pag-ulan ng apatnapung araw at gabi.

Simula noong pumatak ang unang butil ng nyebe, sunod-sunod ang sakuna ang bumalot sa mundo. Ang pagputok ng bulkan, pagbaha, pagguho ng lupa, at ang halos araw-araw na paglindol ay kinakaya ni Cassandra, pero ang bagay na hirap na hirap na siya ay ang pagkawala ng anak na si Hurricane, at ang pananatiling comatose ng anak na si Eli.

Kagat-kagat niya ang labi habang pinagmamasdan ang ngayo'y tulala na ring asawa. Nalalasahan niya na ang dugo dahil sa kan'yang ginagawa, pero tinitiis niya ito para pigilan lang ang mga luhang nagbabadya nang pumatak mula sa kan'yang mga mata.

"Nahihirapan na ako, Janus. H-hirap na hirap na ako." Tinakpan niya ang sariling bibig dahil ano mang sandali ay tila hahagulgol na siya. Halos lunukin niya na rin kasi ang sariling dila dahil sa pagpipigil na sumbatan ang asawa.

Limang daan at apatnapu't walong araw na simula noong naaksidente ang dalawang anak niya. Wala ni isang araw na hindi kargo ng konsensya niya ang isang bagay na naiwasan sana kung nakinig lang siya sa paki-usap ni Hurricane.

Nakakagalit, nakakapanlumo, pero higit sa lahat, nakakapanghinayang ang mga araw na sana ay kasama niya ang mga ito. Isa't kalahating taon na siyang nakikipaglaban sa mga emosyong nararamdaman niya pero ngayong gabi niya higit na nadama ang bigat ng sitwasyon.

Patuloy niya pa ring nakikita ang asawa na tulalang nakatingin sa labas ng bintana ng kwarto ni Hurricane. Walang imik, walang ibang ginagawa kun'di ang magmasid sa bawat pagpatak ng ulan.

"Diyos ko, Janus." Hindi na siya nakapagtimpi at tuluyan nang pumatak ang kan'yang mga luha dahil pakiramdam niya ay pagod na pagod na siya sa paglaban. Lalo pa't gayong pati ang kanyang kabiyak na nangakong hindi siya iiwan ay dumadagdag pa sa problema niya. "'Wag mo naman akong hayaan na pagdaanan itong mag-isa. Anim na buwan ka nang gan'yan, hanggang kelan pa ba?"

Anim na bwan na nang magsimulang magbago ang kan'yang asawa. Lagi itong tulala, mahinang kumain at hindi rin makausap.

Nagulat na lang siya na noong araw na iyon, umuwi ito mula sa paghahanap kay Hurricane na tila ba wala na sa sarili. Maraming beses niyang tinanong kung anong nangyari o kung ano ang nararamdaman niya, pero wala siyang sagot na makuha mula rito. Tanging mga tango at iling lang ang paraan nila sa pag-uusap.

"Pagod na pagod na ako!" sigaw niya sa kawalan. Tuluyan niya nang tinakpan ang mukha bago humagulgol. Parang nilulukos kasi ang puso niya't ang bigat ng kan'yang nadarama.

"Hindi ko alam kung ano ang naging kasalanan ko sa Diyos para parusahan ang pamilya natin ng ganito. Kausapin mo naman ako!" Malakas na niyugyog niya ang balikat ng asawa ngunit nakatitig lamang ito sa kanya. Isang titig na hindi nababakasan ng kahit anong emosyon.

Pilit pinapakalma ni Cassandra ang sarili, pero hirap pa rin siyang huminga. Sumabog na rin kasi ang emosyong kay tagal niyang inipon sa dibdib niya. Ngayon pang halos hangin na lang ang kausap niya, wala nang nakapagpigil sa pagbuhos ng kan'yang hinanakit.

"Kung hindi lang lumalaban si Eli, Janus, sumuko na rin siguro ako. Kumakapit pa rin ako, pero kung pati ikaw ay wala nang suporta sa akin, hindi ko na alam kung kakayanin ko pa."

Sa lahat ng sinabi niya, nanatili lang itong nakatitig sa kan'ya. Wala siyang nagawa kun'di mapabuntong hininga at punasan ang mga luha sa kan'yang mga mata.

--

"Marahil ito na ang parte ng Dispareo na tinutukoy sa kwento," seryosong saad ng lalaking bagong salta lamang nang marating niya ang parte ng gubat na nakasaad sa hawak niyang kalatas.

Inikot niya ang tingin at hindi niya mapigilang mamangha sa buong lugar. Bata pa lang siya, marami na siyang naririnig na kwento tungkol sa Dispareo. Sa sobrang dami, pakiramdam niya'y doon na rin siya lumaki.

Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nakikita. Kasalukuyan siyang nakatitig sa isang malaking puno na ni sa hinagap niya'y hindi niya naisip na matutunghayan.

Napapaligiran ang ibabang bahagi nito ng hamog na sa sobrang kapal ay hindi niya na maaninag ang katawan ng puno. Kung titingnan naman ang itaas na bahagi ay parang mga itim na dahon ito, pero sa katititig niya'y nakumpirma niyang ang mga ito'y hindi mabilang na paniki na nakasabit at natutulog lang sa mga sangang wala naman talagang dahon.

Wala itong masyadong presensya, gaya ng ibang mahahalagang puno na nabanggit sa kalatas. Kahit hindi ito ang pinakamalaki, o wala itong maibibigay na malakas na kapangyarihan, napapaloob naman rito ang pinakamahalagang sandata sa pinakahuling digmaan – ang bunga nito.

Ito ang puno na kabaliktaran ng kahulugan ng buhay, ang puno ng Astaroth.

Ang bunga na iyon ay, nagbibigay kapangyarihan na paghiwa-hiwalayin ang mga araw na pinag-isa. Iyon ang rason kung bakit walang presensya ang puno. Dahil itinago ito doon ng Maykapal, para hindi na mahiwalay pa ang araw sa Earth, gaya ng pagkakahiwalay ng mga araw sa Dispareo.

Nakalagay sa kalatas na kapag dumating ang araw na pagsama-samahin ng kung sino man ang pitong araw ng Dispareo, para makuha ang kapangyarihan nito, gamitin lang ang bunga ng Astaroth, para muling mahiwalay ang mga ito.

"Masyadong mahiwaga ang mundong ginagalawan. Hindi lang ang Dispareo maging ang Earth," naiiling na sambit niya.

Bago pa man tuluyang mahumaling sa kan'yang misyon sa punong ito, narinig niya na ang mahinang pagsabog na senyales ng malaking digmaan. "Mukhang sakto ang dating ko at nagsisimula na sila."

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon