Chapter 7

247 25 1
                                    

Dispareo
Chapter 7

Alas tres pa lang ng hapon, pero madilim na ang kalangitan at patuloy pa rin ang pag-ulan ng nyebe. Malakas ang hangin at walang masyadong tao sa paligid. Puno ng kalat ang buong syudad na animo'y napabayaan. Dahil sa walang tigil na pag-ulan, nagmukhang ghost town ang buong lugar ng Oud Metha.

Hindi inalintana ni Cassandra ang sama ng panahon dahil mas importante ang kanyang ginagawa kaysa sa sarili niyang nararamdaman. Isa-isa niyang dinikit ang mga hawak na poster na may salitang 'missing' para sa nawawala niyang anak sa bawat pader at posteng nadadaanan niya. Napapagod man at laging kulang sa tulog ay pilit niyang nilalaban iyon masiguro lamang na mahanap si Hurricane. Habang ang kanyang asawa naman ay abala sa paglapit sa mga TV at Radio stations upang doon humingi ng tulong na mahanap ang kanilang anak.

Mag-iisang linggo na rin mula nang mangyari ang aksidente habang papunta ang kanyang mga anak sa Manila. Dahil sa aksidente, malubha ang naging lagay ng panganay niyang si Eli. Duguan itong nakita--ilang metro ang layo sa wasak na wasak na sasakyan. Napuruhan ang ulo nito, at puno ng sugat ang katawan. Himala na lang at nabuhay pa ito, pero sobrang liit ng pagkakataon nitong magising pa.

Naalala na naman niya ang mga oras na nagmamakaawa si Hurri na 'wag umalis, pero nagbingi-bingihan si Cassandra. Kinukutuban na siya bago pa nun, pero pinagsawalang-bahala niya dahil sa kagustuhang mapabuti ang lagay ng kanyang bunso. Pero lahat pala ng plano niya ay maglalahong parang bula sa isang iglap lang.

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad ay tumunog ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito mula sa kanyang bulsa at agad nakita ang pangalan ng girlfriend ni Eli. Hindi niya maiwasang kabahan kaya agad niyang sinagot ang tawag nito. "Hello, Niña? Kamusta si Eli?"

"Tita, ganun pa rin. Wala pa rin siyang malay dito sa ICU. Pero ang sabi ng doktor, dadagdagan pa raw ang mga test niya dahil hindi pa nila matukoy kung gaano kalala ang impact nung aksidente sa ulo ni Eli." Mangiyak-ngiyak ito sa kabilang linya, kaya maging si Cassandra ay naluluha na rin.

"Salamat, Niña. Update mo na lang ako kung anong kalagayan ni Eli ko. Hahanapin ko pa si Hurri." Garalgal ang boses niya't malapit nang pumiyok.

Ibinalik niya ang cellphone sa bulsa at kinuha mula rito ang kanyang panyo. Pinahid niya ang mga nangingilid nang luha sa kanyang mga mata bago bumalik sa ginagawang pagdikit ng mga poster na may mukha ni Hurricane.

"Nasaan ka na ba, anak? Umuwi ka na," malungkot na turan niya. "Sana kung saan ka man ngayon, ok ka lang."

"Papatayin nila tayo! Nangyayari na ang mga senyales!"

Napalingon si Cassandra sa matandang sumigaw--ilang dipa ang layo mula sa kanya. Tawa ito nang tawa na tila nababaliw. Nakaramdam siya ng takot kaya nagmadali siyang lumakad paalis sa lugar.

---

"Eli, gising na, please. Nag-aalala na kaming lahat sa 'yo." Marahang hinihimas ni Niña ang kamay ng nobyo. Simula noong naaksidente ito, hindi na siya umalis sa ospital kung saan ito idineretso.

Nakasuot siya ng hospital gown at mask na siyang pinapasuot sa mga bumibisita sa loob ng ICU. Nakaupo siya sa tabi ng kama ni Eli na puno pa rin ng aparatong nakakabit sa katawan. "Alam kong naririnig mo ako. Kaya sana gawin mo ang lahat para makabalik ka sa amin. Kailangan kita. Kailangan ka ng parents mo. Kailangan ka ni Hurri, Eli." Diretsong tumulo ang luha ni Niña mula sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang kabuuan ng binata. Namimiss na niya ito lalong-lalo na kung gaano ito kaalaga sa kanya.

Lahat ng pwedeng sabihin na makakapagpalakas sa loob ni Eli ay sinabi na ni Niña. Sinabihan na siya ng doktor na kahit nasa state of coma na ang nobyo ay nakakarinig pa rin ito, kaya mas mabuting gawin niya ang lahat para mas gumaan ang loob nito.

"Noong nakaraang araw, sobrang bilog 'yong buwan. Sa laki nun parang ang lapit ko lang. Kaya naaalala kita. Naalala ko tuloy yung sinabi mo sa akin na kapag malapit ang buwan, pwede kang humiling dito ng kahit na ano. At kapag nakita mong kumislap ito, matutupad ang lahat ng hiling ko." Tulala siyang nakatingin sa mukha nito habang inaalala ang mga napagdaanan nila. "Hiniling kong bumalik ka sa amin. Hiniling kong makayanan mo 'to. Hiniling kong sana, dumating na ang araw idilat mo ang mga mata mo para makita mo kung gaano kaming sabik makasama ka ulit. Pareho tayong nangarap na magkasama hanggang pagtanda kaya please, tuparin mo 'yon. Hihintayin kita."

Marahang napangiti si Niña habang inaalala ang mga pangako nila ni Eli sa isa't isa. Sa apat na taong kasama niya ito, kilala na niya ang binata at alam niyang gagawin nito ang lahat makabalik lang sa kanila.

Pinunasan niya ang kanyang mga mata at marahang tumayo. "Sandali, ha? Bibili lang ako ng kape sa labas."

Bago pa man siya tuluyang makalabas ng kwarto, malungkot na napatingin si Niña sa nakaratay na si Eli. Hindi niya maiwasang maiyak sa tuwing nakikita niya na ganito ang lagay ng kanyang nobyo sabayan pa na nawawala si kapatid nitong si Hurricane.

Paglabas niya, wala masyadong tao sa hallway maliban sa iilang mga nurse. Nagmamadali siyang naglakad hanggang sa mapunta siya sa tapat ng information desk kung saan nanunuod ang ilang mga nurse at mga nagbabantay rin sa ibang pasyente.

"Breaking News! There is an outbreak of a new type of disease which has surfaced early this week. It has flu type symptoms, causes redness of the skin and swelling, vomiting, it may affect largely the respiratory system, and worst case scenario, leads to death. Local authorities at South Africa still has no idea about what has caused these virus to mutate, but it has been drastically widespread and killed no less than 400 people---"

Biglang nag-ingay ang ibang taong naroon matapos marinig ang balita. Kanya-kanyang bigayan ng komento, may ibang nagpapahayag ng takot at pangamba.

"Ano na bang nangyayari sa mundo natin? Diyos ko, tulungan ninyo po kami!" sabi ng isang matandang babaeng na nanginginig pa ang mga kamay habang nagsa-sign of the cross.

Para kay Niña, isang malaking misteryo ang mga kakaibang nangyayari sa iba't ibang panig ng mundo dahil kahit ang mga eksperto ay walang maibigay na rason kung bakit nangyayari ang mga iyon.

Kibit-balikat siyang nagpatuloy sa paglalakad para bumili ng kape. Nakakailang hakbang pa lang siya nang bigla siyang matigilan nang magsimulang kumislap ang mga ilaw sa dinaraanan niya. Napalingon siya sa pinanggalingang station at nakitang nagkakatinginan na ang mga tao roon. Hindi niya na lang ito pinansin at muling nagpatuloy sa paglalakad.

Nakakailang hakbang pa lang siya ulit nang bigla na namang kumislap ang mga ilaw. Sa pagkakataong ito'y sunod sunod na ito. Tila mga christmas lights ang mga bumbilya dahil sa kakapatay-sindi. "Anong nangyayari?"

Hindi pa man nakakabawi muli sa pagtataka sa mga ilaw ay biglang nawalan ng balanse si Niña dahil sa biglaang pagyanig ng lupa. Napahawak siya sa pinakamalapit na pader at takot na napapikit.

Tumagal ng ilang minuto ang lindol kaya nang tumigil ay nakaramdam siya ng pagkahilo.

Napalingon siya sa paligid at nakitang tarantang nagsisitakbuhan na ang iba. At doon lang niya naalalang nasa ospital nga pala siya. "Eli!" natatarantang saad niya at walang sabing tumakbo pabalik sa kwarto nito.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon