Dispareo
Chapter 10Hindi na matandaan ni Thunder kung nakakailang liko na sila sa mga malalaking puno. Halos ilang oras na silang naglalakad pero wala pa rin siyang nakikita na palasyo gaya ng ikinukwento ni Igor sa kanya. Ang tanging nakikita niya lang ay mga nagtatayugang puno at mga nagtataasang bato. Naiisip niya na ngang baka inililigaw siya ni Igor, pero may tiwala siyang hindi naman nito iyon gagawin.
"Malayo pa ba tayo?" nababagot niyang tanong dito. Kunot noo siyang nagpapalinga-linga sa paligid.
"Ah... k-kasi hindi muna tayo didiretso sa Agartha, Thunder." Halata sa hitsura nito ang pag-aalangan nang sabihin iyon sa kanya dahil alam nitong ikakagalit niya iyon. Ngunit ramdam niyang alam nito na mas magagalit siya kung hindi nito sasabihin ang totoo. "Dadaan muna tayo ng Avalon."
"What? So, nililigaw mo nga ako? Igor naman, e. Kailangan kong hanapin 'yung asungot na si Hurricane dahil may kailangan pa kaming gawin." Nawala na ang pagiging kalmado niya. Gusto niyang sunggaban ito ng suntok pero naaawa siya sa maamo at inosente nitong mukha.
"Hindi. Hindi kita nililigaw. Kailangan lang natin makasigurong hindi ka muna matutunton ni Yiruma."
"Sino ba 'yang si Yiruma at bakit ka takot sa kanya?"
"Mahabang kwento, Thunder. Pero sigurado akong kung alam niyang may isang mortal na napunta rito sa Dispareo, ay isasabak ka rin niya sa digmaan."
"Digmaan?" kunot noong tanong niya. Napailing na lang siya dahil kitang-kita niya sa mukha nito ang pag-aalangan na sagutin siya. May mga bagay siya na hindi pa nalalaman, at ang pananahimik nitong kasama niya ay hindi nakakatulong sa kanya.
Kasalukuyan siyang nag-iisip ng sasabihin nang mapansin ni Thunder ang malaki at malagong puno na nasa harap nila. Ilang minuto na silang nakatigil sa lugar na iyon pero noon lang din niya ito napansin. Halos isang gusali ang taas at lapad nito na nagmistulang ilang puno na pinagtabi at pinagdugtong-dugtong ang katumbas. Sa ibabang bahagi nito ay ang malaking bato na napalilibutan ng malalaki at matatabang ugat. "Wow!" namamanghang sambit niya. "Ilang taon na kaya 'tong puno na ito?"
"Limang libong taon na ang punong iyan," nakangiting sagot sa kanya ni Igor.
"Hindi nga?" Imbis sumagot, hinila siya ni Igor papunta sa likurang bahagi nito.
Napanganga si Thunder nang makita ang buong lugar. Hindi niya akalain na sa likod ng malaking puno at bato na iyon ay ang napakagandang tanawin. Isang maliit na batis ang nakita niyang naroon. Sa sobrang linis ng tubig nito ay nakikita pa ang iba't ibang kulay ng bato sa ilalim at ang mga naglalanguyang mga isda. Sa gilid ng batis naman ay may mayayabong na iba't ibang klase ng halaman at bulaklak na noon niya pa lang nakita sa tanang buhay niya.
Sa hindi kalayuan, naroon ang mga bahay na hugis kabute. Iba-iba rin ang kulay ng mga ito. Ang ilan ay nakatayo lamang sa lupa, may ibang malapit sa batis, may mga nakasabit sa puno, at may ilang mismong nasa puno talaga. Napapalamutian ang buong lugar ng mga mahahabang baging na may mga bulaklak.
Maraming iba't ibang klaseng hayop ang naninirahan doon. Ilan sa mga ito ay nakita niya na, ngunit mas maraming hayop ang bago sa kanyang paningin. Tila ba ramdam ng mga ito na ligtas sila sa lugar na iyon. May mga hayop na malayang kumakain ng damo, may mga nagliliparang ibon sa paligid, mga paru-parong naglalaro sa mga bulaklak, may mga pilandok at usang nagsisitakbuhan sa mga katabing puno. Nakikita ni Thunder ang isang buhay na larawan ng tinatawag niyang kapayapaan. Isang lugar na malaya ang lahat.
Tinapik siya ni Igor kaya nahinto sandali ang kanyang pagkamangha. "Tara?"
Tumango siya rito at sumunod sa paglalakad.
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...