Chapter 19

210 26 7
                                    

Dispareo
Chapter 19

Marahang inililibot ni Hurricane ang paningin sa paligid. Mabilis silang nakarating mula sa dalampasigan papunta sa Avalon dahil sa kakayahan ni Reemus na baliin ang espasyo. Sa isang iglap lang ay narating na nila ang lugar kung saan magsasanay si Hurricane.

Kitang-kita sa mga mata niya ang kislap dahil sa sobrang pagkamangha. Iyon ang unang beses niyang makita ang Avalon, at parang nakakita siya ng langit sa lupa dahil sa sobrang ganda ng lugar. Sinalubong siya ng sariwang hangin, ng mga matatayog na puno, ng makukulay na bahay ng mga taga roon. Tahimik lang ang paligid, parang kay aga nilang dumating dahil hindi pa nagigising ang diwa ng lugar.

"Ang ganda rito," nakangiting sabi niya kay Reemus nang humarap siya rito. "Parang ang saya-saya tumira rito."

Nakangiti rin itong nakatingin sa kanya. "Makikilala mo na mamaya si Malaya. Handa ka na ba?"

Tumango si Hurricane bago muling inilibot ang tingin. Nagsimula silang maglakad at inikot ang paligid. Sinubukan nilang makahanap ng kahit isang taga roon para tanungin kung nasaan si Malaya, pero hindi na nila kinailangan pa dahil ito na mismo ang sumalubong sa kanila.

"Reemus!" masayang turan nito sa pangalan ng kasama niya bago lumipad papunta sa kanila.

Lumapag ito direkta sa tapat ni Hurri kaya kitang-kita niya ang buong imahe ni Malaya. Kay Reemus ito nakatingin at sa inakto nito ay parang hindi siya nakita. Ngunit kahit ganun ay kita niya pa rin ang kakaibang kulay ng mga mata nito. Sa buong buhay niya'y doon lang siya nakakita ng kulay lilang mata kaya nabighani siya sa engkantada. Nakuha din ng sobrang puting balat nito ang atensyon niya. At hindi niya nakaligtaan ang pakpak nitong inihambing niya sa pakpak ng isang paru-paro.

Natulala si Hurricane sa harap nito. Hindi niya inaasahang isang napakagandang nilalang ang makikita niya pagdating nila sa Avalon, isang anghel na nababagay lamang sa mala-langit na lugar.

"Ito nga pala si Hurricane, ang bagong tagapagligtas. Malaya, gabayan mo siya. Siya na lang ang ating pag-asa."

Ubod ng tamis ang ngiting iginawad nito kay Reemus, tila nagpapahiwatig ng pagsang-ayon kahit hindi pa man siya nagsasalita. Nahawa siya sa karismang nasasaksihan niya sa kaharap kaya otomatikong napangiti na rin si Hurri. "Kilala ko na siya," sagot nitong tila sigurado sa sinasabi.

"Mabuti kung ganun. Babalik na muna ako sa Agartha dahil may mga kailangan pang ayusin," paalam naman ni Reemus sa kanila bago tuluyang naglaho.

Ngayo'y sa kanya na nakatuon ang atensyon ni Malaya dahil silang dalawa na lang ang natitira. Pero imbes na matuwa ay parang tumigil ang tibok ng puso niya. May kakaiba siyang naramdaman na hindi niya mawari kung ano. Parang naglaho ang nakangiting si Malaya at ibang tao na ang kaharap niya.

Mabigat sa pakiramdam, iyon ang eksaktong nararamdaman niya. Parang hindi siya makahinga dahil sa kakaibang titig nito sa kanya. Hindi niya maintindihan ang rason sa likod ng mga titig na iyon, pero parang hinahalungkat nito ang kaloob-looban niya, ang kaluluwa niya.

"Kamusta ang pagsasanay?" blangkong tanong nito sa kanya.

"Ah, m-maayos naman," nauutal niyang tugon dito. Hindi niya mapigilang makaramdam ng pagkaasiwa dahil sa nasaksihan niya. Wala naman siya sigurong nagawang masama kay Malaya, pero bakit pakiramdam niya'y hindi siya nito gusto.

"Ako si Malaya, ang pinuno ng mga taga Avalon. Hindi ko alam kung anong pwede kong ituro sa 'yo ngayon. Kung maaari lang ay libutin mo na lang muna ang lugar namin. Bukas, sa pagsikat ng araw na lang tayo magsisimula."

Kahit hindi pa ganun ka sigurado'y tumango na lang si Hurricane. Hindi niya magawang umangal dahil baka ano pa ang sabihin nito sa kanya. Agad naman itong lumipad palayo sa kanya at naiwan siyang nakatulala doon.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon