Chapter 14

218 22 3
                                    

"Ganun kalawak at kalakas ang kapangyarihan ng mga araw?" Parang hindi makapaniwala si Hurricane sa mga narinig niya. Matapos ikwento sa kanya ni Reemus ang buong kasaysayan ng mga araw, hanggang sa pagkawala ng mga ito, ay hindi na siya halos nakaimik pa. Nananatili pa rin siyang nakaupo sa harap ni Reemus na noo'y nakatayo na.

Sinundan niya ito ng tingin nang lumapit ito sa ilog na hindi kalayuan sa kanila. "Tama. Kaya mapanganib itong mapunta sa masamang nilalang dahil hindi lamang ang dating mga humahawak nito ang manganganib kun'di pati na rin ang ibang dimensyong konektado rito."

"Alam kong nandyan lang kayo para gabayan ako, pero sa tingin niyo ba, kakayanin kong pangalagaan ang lilang araw?" Hindi niya lubos maisip kung gaano na kalakas ang makakalaban nila gayong anim na araw na ang hawak ng mga ito. May pagdadalawang isip man sa kakayahan ay gusto niya lang marinig mula sa kanila na kakayanin niya, para kahit sa ganung paraan lang ay lumakas ang loob niya.

"Hindi ka itinakda para maging pinakahuling tagapagligtas at tagapangalaga ng huling araw kung walang dahilan ang may likha, Hurricane."

Napaisip siya sa sinabi nito. Sa milyon-milyong tao sa buong mundo, kung hindi siya ang itinakda, hindi siya ang mapupunta sa Dispareo. Sumagi bigla sa kanyang isip na baka mas may malalim pa sigurong rason, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi lang rason ang kailangan niya kundi pagpupursigi.

Muli niyang Ibinalik ang tingin kay Reemus na kasalukuyang iniikot-ikot ang hawak na tungkod sa tubig. Parang may hinahalo ito na hindi niya makita kung ano. "Tama na ang kwentuhan, Hurricane. Wala na tayong natitirang panahon." Unti-unting lumiwanag ang tubig sa ilog. Doon ay napapikit siya dahil sa nakakasilaw nitong ilaw. "Dito na magsisimula ang iyong pagsasanay."

Naramdaman niya ang paglamig ng simoy ng hangin kasabay ng mabagal na paggalaw ng paligid niya. Hindi man niya makita ang mga nangyayari, ngunit pakiramdam niya ay umiikot ang buong lugar kung nasaan silang dalawa ni Reemus.

Hanggang sa naisipan niyang idilat ang kanyang mga mata. Otomatikong nangunot ang kanyang noo nang matagpuan na lang niya ang sarili sa labas ng isang napakataas na pader. Mukhang luma na ito dahil sa mga lumot at baging na nakakabit dito. May mga bitak na rin ito, pero walang senyales na malapit nang gumuho. Hindi niya alam kung ilang metro ang taas nito, pero sigurado siyang imposibleng maakyat ito ng kahit na sinong ordinaryong tao.

Nang inilibot niya ang paningin ay may nakita siyang pwedeng pasukan pero hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Palinga-linga lang siya sa paligid at doon niya napansin na madilim na ang buong lugar. Mukhang gabi na nga dahil wala na ang natitirang liwanag sa kalangitan. Hindi na tuloy niya sigurado kung saang sulok na siya. Parang dinala siya sa pinakadulo ng Dispareo dahil hindi naman ganoon ang hitsura ng mga napuntahan niyang mga lugar sa Agartha. "Reemus? Nasaan ka?"

Hindi siya sinagot nito. Alam niyang nakamasid lang ito sa paligid pero hindi siya sigurado kung nasaan na ito.

Patuloy niyang pinagmasdan ang buong lugar. Wala siyang ibang makita kundi ang mga nagtatayugang puno sa likod niya, ang mga sanga at mga dahon nito'y magkakadikit kaya halos wala na rin siyang madaanan. Ang tanging pwede lang ay ang nakabukas na lagusan sa nakikita niyang napakataas na pader.

Humakbang siya papasok sa loob nito kahit wala namang sinasabi si Reemus. Ayaw niyang magsayang ng panahon dahil gaya ng sabi nito sa kanya, nauubusan na sila. Gaya ng nasa labas ay mukhang luma na rin ang nasa loob, may mga lumot, baging, at bitak. Ngunit kung ikukumpara sa labas ay mas nakakatakot itong tingnan. Nilapitan niya ito at hinawakan. Napansin niyang medyo basa ang nahawakan niya kaya inilapit niya ito sa kanyang ilong at inamoy. "Oh, shit! Dugo?" Nanginginig na yumuko siya at ipinahid sa sahig ang likidong napunta sa kamay niya nang hawakan niya ang pader.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon