Tahimik na nakamasid si Barrius kina Hurricane at Kagura mula sa malayo. Kasalukuyan siyang nasa bulwagan ng mga pinuno at nakadungaw sa bintana habang ang dalawa nama'y nasa labas, nagsasanay sa paggamit ng karet na napili kamakailan ni Hurri.
Nakikita niya ang pagpupursigi ng dalaga na matutunan ang tamang estilo sa pakikidigma na mas lalong nagbigay ng pag-asa sa kanya. Naalala niya ang hitsura nito noong matapos ang unang araw ng pagsasanay. Duguan, sugatan, halos mapilayan at hinimatay pa. Alam niyang masyadong naging marahas si Kagura, pero kung tutuusin ay kailangan iyon upang mapabilis ang paggaling ni Hurricane.
Hindi niya namalayang dumating na pala sa likuran niya ang kanyang kaanib, si Reemus na tinaguriang pinuno ng mga mahikero. "Mukhang gumagaling na siya, a."
"Gumagaling, pero kulang pa rin, Reemus." Hindi siya natitinag sa pagmamasid sa dalawa. Alam niya sa sariling kulang pa ang kakayahan ng napiling tagapagligtas kung ang kailangan nitong pangalagaan ay ang natitirang araw. "Kailangan niyang paghusayan pa."
"Naiintindihan kita, Barrius. Pero ilang araw pa lang namang nandito sa atin si Hurricane. At si Kagura pa lang naman ang sumasanay sa kanya. Malay natin, kapag ako na ang magtuturo, maging sobrang galing niya na."
Napatingin siya rito. Tila may isang ideyang biglang lumitaw sa kanyang isipan.
"Bakit ganyan ka makatingin?" nagtatakang tanong ni Reemus.
"Ikaw na ang susunod na magsasanay sa kanya, Reemus."
"Ako? Hindi ba't..."
"Hindi. Ikaw na. Sa susunod na lang ako kasi may plano pa akong gawin." Hindi niya mapigilang mapangiti sa naisip. Gusto niyang makasigurong mapagtagumpayan niya ang plano kaya hinayaan na lamang niya si Reemus na sumunod kay Kagura.
"May binabalak ka, Barrius. Nararamdaman ko. At kung ano man iyan, mukhang maganda ito."
"Sana nga maging maganda, Reemus. Sana."
Muli ay ibinalik niya ang tingin sa nagsasanay pang sina Hurricane at Kagura. Hindi na halos masugatan ng pinuno ng mga mandirigma ang tagapagligtas. Mukhang tama nga si Reemus na gumagaling na ito sa pakikipaglaban, pero mas gagaling pa ito sa pina-plano niyang gawin.
---
Palinga-linga si Thunder sa malalaking puno habang hinahanap ang nagtatagong si Lumeng. Inis na inis na siya dahil hindi pa rin nito binabalik ang gitara niya mula nang kunin nito iyon sa kanya. Hindi niya malaman kung gaano na siya katagal naghahanap dahil kailan lang nang malaman niya na wala palang oras sa Dispareo. "Lumeng, nasaan ka na bang lamok ka?" Nauubos na ang pasensya niya sa kahahanap pero hindi pa rin ito lumilitaw.
Nasa kalagitnaan siya ng pagtingin sa likod ng mga bato nang bigla na lang niyang napansin na nagsisimula na namang bumagsak ang mga niyebe. Agad niyang naramdaman ang lamig na dulot nito kahit may kakapalan ang suot niya. Gusto niya pang hanapin si Lumeng para mabawi ang gitara niya, pero dahil hindi niya naman kabisado ang pasikot-sikot sa Avalon ay napagdesisyunan niyang bumalik na lang sa tinutuluyan niya.
Tahimik siyang naglalakad nang mapansin niyang may nakamasid sa kanya sa hindi kalayuan. Hindi niya alam kung guni-guni lang ba niya iyon o pinaglalaruan siya ng kanyang imahinasyon dahil sa pagod. Pero nararamdaman talaga niyang may nakatingin nga sa kanya. Dahan-dahan siyang lumingon sa kaliwang bahagi ng gubat. Hindi klaro sa paningin niya, pero saglit niyang nakita ang pagtago ng isang nilalang sa likod ng isang malaking puno.
Sa paglapit ni Thunder ay napansin niya mula sa kanyang pwesto ang isang pakpak na kulay puti gaya ng niyebe na nahahaluhan ng pula na kasing tingkad ng rosas. May kutob siyang hindi si Lumeng iyon dahil malayong-malayo ang kulay at korte ng pakpak nito. May korteng paikot ito sa dulo na tila parang isang Mariposa. Mula nang mapunta siya ng Avalon, iyon ang unang beses niyang makakita ng ganoong klaseng nilalang kaya dahan-dahan siyang lumapit doon. "Excuse me, kilala mo ba si Lumeng?" aniya nang makalapit siya rito.
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...