Chapter 11

231 24 3
                                    

Nasa isang malaking silid si Hurricane kung saan naroon ang mga sandata ng mga taga Dispareo. May kadiliman ang buong lugar dahil tanging mga nakalutang na bolang apoy lamang ang nagbibigay liwanag dito. Maayos na nakasalansan ang mga bagay na naroon na labis na ikinamangha niya. Lumakad siya papunta gitna ng silid habang nakasunod naman sa kanya si Kagura.

Halos mamilog at manlaki ang mga mata ni Hurri habang isa-isang tinitingnan ang mga nakalapag sa isang mahabang mesa. Noon lang siya nakakita ng gano'ng karami at iba't ibang uri ng sandata. May sari-saring patalim, pana, arnis, panangga, spear, dagger at iba pa. Lahat ay pawang gawa sa pinakamatibay na metal at materyales. Hinawakan niya ang mga ito at masusing kinilatis. Ito na nga talaga. Ramdam niya na ang kanyang katungkulan bilang tagapagligtas. "Isa lang naman ang pipiliin ko, 'di ba?" tanong niya sa batang babaeng nasa harap niya.

Nakangiti itong tumango sa kanya. "Gusto kong piliin mo ang sa tingin mo'y magliligtas sa buhay mo kapag ito ang nakaharap mo. 'Yong mararamdaman mong iisa kayo." Walang ano-ano'y inilabas nito ang espadang nakatago lang sa bayna nito. "Ito ang aking sandata. Ang espadang may dalawang anyo."

Namangha siya sa hitsura ng espada nito. Makintab ito't sa tingin niya'y walang katulad ang talim. Hindi ito gano'n ka haba, ngunit tamang-tama lamang para sa katulad ni Kagura.

"At bago mo makilala ang aking espada, siguro marapat lamang na ipakilala ko ang aking sarili." Umatras ito mula sa kinatatayuan at buong lakas na itinusok ang espada sa lupa. "Ako si Kagura," turan nito pagkatapos ay inilagay nito ang kamay sa dibdib at yumukod sa harap niya.

Nagulat si Hurri sa inasal nito. Hindi niya akalaing gagawin iyon ni Kagura sa harap niya. Sa unang pagkikita nila ay parang pinag-initan agad siya nito, ngunit sa nakikita niya'y mukhang iba na ang sitwasyon.

"Ako ang pinuno ng mga kawal at mandirigma sa Dispareo, pinakamalakas sa pisikal na aspeto, at ang dating tagapangalaga ng pulang araw."

Pagkarinig niya ng sinabi nito'y agad nanumbalik ang alaala ng panaginip na pinakita sa kanya ni Reemus. "Siguro ikaw 'yung..."

"Nakita mo sa iyong panaginip?"

Tumango siya kahit nagtataka. Hindi niya inaasahang alam nito ang sasabihin niya.

"Ako nga. Ipinaalam sa amin ni Reemus ang pagpapakita niya sayo ng naganap na unang digmaan." Muli niyang pinulot ang nakatirik na espada at hinawakan ito. "Itong hawak ko ay ang Hantai, ang espadang may taglay na dalawang mukha. Kaya nitong maging kasing lamig ng yelong galing pa sa pinakamalayong planeta sa kalawakan, at maging kasing init ng pinakamainit na araw."

"Tama! Ikaw nga 'yun. Pero paano mo nagagawa 'yan sa espada mo?"

"Makakarating din tayo riyan. Pero sa ngayon, pumili ka na bago pa kita maunahan." Dahan-dahan nitong itinutok sa direksyon niya ang sandata. Tila naghuhudyat na ano mang oras ay handa itong sugurin siya.

"Teka, kalma lang, Kagura. Nalilito ako sa pipiliin."

"Sundin mo lang ang pulso mo at ang sinasabi ng puso mo." Tinitigan siya nito bago humakbang. Sa una'y pa isa-isa lang, hanggang sa tumakbo na ito dahilan para mataranta na si Hurri.

"Oh, shit." Mabilisan niyang kinuha ang karet na nasa harap niya. "Bahala na."

Isa itong mahabang karet na kulay ginto ang hawakan. Ang tuktok nito ay may bilog na bagay na kapag pinagmasdan ay may matang gumagalaw.

Iwinasiwas ito ni Hurri sa harap niya, nang biglang sinugod siya ni Kagura at malakas na hinampas ang kanyang hawak na karet gamit ang espada nito. "Teka lang naman, Kagura. Hindi ako marunong nito." Muntik na niyang mabitiwan iyon dahil sa lakas ng pwersa nito.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon