Hinihingal na nakahiga si Hurricane sa damuhan matapos ang isang matinding pagsasanay kasama si Kagura. Pilay ang kanang paa niya at sugatan ang ilang parte ng kanyang katawan, pero hindi niya ito alintana. Alam naman niya na kahit papaano ay nakakasabay na siya sa pakikipaglaban kay Kagura kumpara noong unang pagsasanay.
Bumuntong hininga siya habang nakatingin sa langit. "Pasensya na kung hindi pa kita kayang talunin, Kagura."
Pabagsak na humiga rin si Kagura sa tabi niya mula sa pagkakaupo nito at iniwang nakalagay sa sahig ang hawak nitong espada. Ipinikit nito ang mga mata habang hinahabol din ang hininga. Ramdam din nito ang pagod mula sa pagsasanay. "Aaminin ko, magaling ka na. Ang pagod na nararamdaman ko ngayon ay parang noong unang beses akong sinanay ng dating pinuno ng mga mandirigma."
Napatingin siya rito. Hindi niya alam kung anong mararamdaman niya sa nasabi nito sa kanya. Batid niyang kulang pa ang kaalaman niya para ipagtanggol ang lahat, pero dahil sa sinabi nito sa kanya ay parang nabunutan siya ng isang tinik at lumakas ang loob. "Kakayanin ko naman 'tong lahat, 'di ba?"
Muli ay umupo ito mula sa pagkakahiga at tumingin sa kanya. Itinabi nito ang espada at tiningnan siya sa mata. "Hurricane, ito na ang pinakahuling pagkakataong makikipagdigma kami, ako, at ang lahat ng mga taga Dispareo. Lahat kami ay lalaban kasama mo."
Nakita niya ang namumuong mga luha sa mata nito. Ramdam niya ang kagustuhan ni Kagura na ipagtanggol ang mundo nila. Tinapik niya ito sa balikat tanda ng pagpapasalamat niya pero wala siyang ibang sinabi rito. Hindi niya alam ang sasabihin dahil masyadong ukupado ang isip niya ng napakaraming bagay.
"Gusto kong malaman mo ang halaga nitong pakikidigma natin."
"Upang talunin ang kalaban at bawiin ang mga araw," sagot niya rito.
"Lalaban tayo hindi lamang para ro'n. Lalaban tayo para ating mundo. Lalaban tayo para sa mga buhay na nakasalalay dito. Lalaban tayo para mabuhay. Hurricane, minsan ko lang sasabihin ito, kaya sana makinig ka." Tumigil ito saglit at humingang malalim. Tila pinaghahandaan ang bawat salitang sasabihin sa kanya. "Bilang pinuno ng mga kawal at mandirigma, asahan mong kahit hindi ganun ka ganda ang una nating pagkikita ay nasa likod mo lang ako." Kumindat ito at nginitian siya nang ubod ng tamis.
Nauunawaan niya itong mabuti. Hindi niya pa lubos na alam ang sitwasyon at ugnayan ng Dispareo at ng kanilang mundo sa pagkakawala ng mga araw, pero sa tono ng pananalita ng lahat ng mga nakausap niya ay parang pinahihiwatig ng mga ito na importante ang mga iyon.
Tiningnan niyang mabuti si Kagura habang ibinalik nito ang atensyon sa sandata nito. Sa liit nito ay sobrang galing nitong lumaban at mamuno. Hindi nga siya halos makalaban dito noong nagsisimula silang magsanay. Katawang bata ito, pero kung mag-isip at magdesisyon ay daig pa ang mga matatanda. Doon lang nasabi ni Hurricane na bagay nga kay Kagura ang maging pinuno ng mga kawal at mandirigma. Hindi nagkamali ang mga nilalang na naniniwala sa kakayahan nito.
Nang tuluyan na itong makatayo ay inihayag nito ang kamay upang tulungan siyang makatayo. Inabot niya ito at tumayo na rin mula sa pagkakaupo.
Ilang saglit pa ay nakaramdam sila ng pag-uga ng lupa. Aligagang napahawak si Hurricane sa balikat ni Kagura dahil muntik na siyang mawalan ng balanse. Hindi niya alam kung anong nangyayari. "May lindol?" bulong niya sa sarili.
"Hindi 'yan lindol."
Napatingin siya kay Kagura nang may pagtataka. Parang sigurado ito sa sinabi at may alam sa mga pangyayari. "E, paanong..."
Bumukas ang lupa sa hirap nilang dalawa matapos ang ilang minutong pag-uga. Lumabas mula rito ang nakangiting lalaki.
"Reemus?"
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...