Chapter 18

224 24 19
                                    

Patuloy na binabagtas nina Thunder at Igor ang kagubatang nagbubuklod sa Avalon at Agartha. Ilang araw na rin silang palakad-lakad pero wala silang ibang pwedeng gawin dahil iyon na ang pinakamabilis na daanan papunta roon kaya hindi na sila nagdalawang isip pa. Medyo mas masukal ang bahaging iyon ng gubat. Maraming mas matataas at malalaking puno. Mas dikit-dikit ang mga ito. Halos hindi na rin maabot ng liwanag ang lupa dahil sa taas pa lang ay parang pinag-aagawan na ng mga dahon ang sinag ng araw. Mas makakapal ang mga baging na nakapulupot sa mga kahoy na nakalaylay roon.

"Teka lang, Thunder. Pagod na ang mga paa ko. Baka naman pwedeng magpahinga," hapong-hapo na saad ni Igor.

Tiningnan ito ni Thunder at kitang-kita naman niya na pagod na nga ito. Pero ano bang magagawa niya? Sa tagal ng pamamalagi niya sa Avalon, hindi na siya sigurado sa kinalalagyan ngayon ni Hurricane. "Pasensya na, Igor. Nadadamay ka pa sa gulong ito."

Tiningnan siya nito nang may pagtataka. Parang hindi ito makapaniwala sa sinabi niya.

"Hindi naman ito gulo. Hindi rin naman natin alam kung bakit kayo napunta rito sa Dispareo, e."

Napabuntong-hininga siya. Hindi niya na rin alam ang sasabihin sa engkantado kaya hindi na siya nagsalita pa. Muli niyang inilibot ang paningin. Napansin niya na ang susunod na pala nilang tatawirin ay ang malapad at rumaragasang ilog. Sanay siyang makakita ng batis sa Avalon, pero doon lang siya nakakita ng ilog dito kaya medyo nag-alinlangan siya.

"Matatawid ba natin 'to?" tanong niya kay Igor ng ibinaling niyang muli ang tingin niya dito.

Napatingin naman ito sa ilog at parang nag-iisip ng gagawin. Nang muli siyang tiningnan nito ay isang iling lamang ang nakuha niya. Kapwa sila walang ideya kung paano nila ito tatawirin.

Mabilis ang agos ng tubig, at hindi rin nila tanaw ang lalim nito. Mula sa kinatatayuan nila ay naririnig din niya ang tunog ng pagtama ng tubig sa gilid na bahagi ng ilog na sadyang mabato. Kung siya lang ang tatanungin ay sasabihin niyang mababaw lamang ito. "Silent water runs deep, so kung maingay ito, mababaw lang," bulong niya sa sarili na parang kinakalkula ang lalim ng tubig.

"Ano ang iniisip mo?"

"Iniisip ko na baka mababaw lang naman ang ilog, Igor. Sa amin kasi, kapag tahimik lang, ibig sabihin, mas malalim ito."

"Ganun ba 'yon?" nagtatakang tanong nito. Parang hindi ito makapaniwala sa kanya kaya lumapit siya sa ilog at akmang lulusong na. "Teka lang, Thunder."

"O, bakit?"

"Sigurado ka ba? Isip muna kasi tayo ng ibang paraan."

"Wala na akong ibang maisip na paraan. Gusto ko nang tawirin ito dahil kailangan na ako ni Bagyo." Walang ano-ano'y humakbang siya sa mga bato. Paglusong niya'y nabigla siya sa lalim ng ilog. Hanggang leeg na niya agad ito at halos nalulunod na siya sa agos. Maswerte lang siya at agad siyang nakahawak sa bato na noo'y tinatapakan niya.

Natataranta namang nag-ibang anyo si Igor. Muling nagpakita ang mala-halimaw nitong wangis na dati ay kinatakutan ni Thunder. Hinawakan nito ang kamay niya at hinatak siya mula sa pagkakalubog sa tubig. "Sinasabi ko na ngang 'wag padalos dalos, e," naiiling sa sabi nito.

"Pasensya. Sobrang nag-aalala lang ako." Yumuko siya at itinukod ang mga kamay sa mga tuhod. Hindi niya alam kung saan siya pupulutin kung wala si Igor sa tabi niya.

Muling namang bumalik sa dating anyo si Igor at ibinaling ang tingin sa itaas na bahagi ng mga puno. Parang may hinahanap ito kaya masusi niyang tinatanaw ang mga sanga.

"May naiisip ka ba?" nagtatakang tanong ni Thunder nang tumingin siya sa direksyon na tinitingnan nito.

"Nakikita mo 'yan?" anito habang nakaturo sa isang malaking sanga.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon