Chapter 23

122 15 2
                                    

Dispareo
Chapter 23

Sa isang madilim na sulok, kung saan tahimik na namumuhay ang isang mailap na nilalang, dahan dahang naglalakad papasok si Barrius. Binabagtas niya ang isang pasilyong hindi kaluwagan, ang mga pader ay naiilawan lamang ng mga umaapoy na paso. Walang bakas ng ano mang tunog, o kahit ng iba pang tao. Ang tanging alam ni Barrius ay ang misteryong bumabalot maging sa mga pader ng lugar na pinuntahan niya.

Wala siyang takot na nararamdaman kahit pa minsan lamang sa napakatagal na panahon napapahintulutan ang  sino man na pumasok sa lungga nito. Disidido siyang makausap ito dahil sa isang napakahalagang pakay. Alam niyang kailangan niya ito muling kumbinsihin, kailangan niya ang tulong nito dahil wala nang ibang makakatulong sa kanya kung hindi ang nag-iisang pinuno ng mga taga-hilom, si Yggdrasil.

Dala niya ang isang librong naglalaman ng ilan sa pinakamahahalagang impormasyon sa mga gamot at mahika sa Dispareo. Ito ang dating hiniling ni Yggdrasil na kapalit ng kanyang paki-usap. Ngunit hindi siya dati pumayag dahil sa takot niyang baka pati ang sekretong mahika sa muling pagkabuhay ay magawa nito, pero ngayo'y wala na siyang magagawa pa. Huling alas na niya ang makipagtulungan sa lahat ng pinuno para mailigtas ang mundong matagal nang naitakdang maglaho.

Pagdating niya sa harap ng isang malaking bakal na tarangkahan ay napatigil na siya. Tinitigan niya ang mga ugat ng punong nakadikit dito, mga ugat na sigurado siyang si Yggdrasil ang naglagay.

Marahan niyang hinawakan ang tarangkahan, sa pag-asang hindi na niya kailangan pang mag labas ng pwersa upang buksan lamang ito. At gaya ng inaasaha'y bumukas ito nang kusa, tila inaasahan ang pagdating niya't inaanyayahan siyang pumasok.

Ilang hakbang pa ang ginawa niya't nakita niya na ang pinakasentrong puno sa lugar na iyon. Isang napakalaking puno na napapaligiran ng naglalakihang mga ugat. Matanda na ito, pero hindi gaya sa ibang puno'y habang tumatagal, lalo pa itong tumatatag. Sa porma ng punong ito'y alam niyang nandoon pa ang hinahanap na pinuno.

"Pinunong Yggdrasil, sa muli, hinihiling ko ang tulong mo," diretsa niyang sabi dito. Ayaw niya nang magpaligoy-ligoy pa dahil noong huling beses ay sininghalan lamang siya nito dahil sa paikot-ikot niyang pagsasalita. "Ipakita mo ang iyong wangis, at ilalahad ko ang aking sadya."

Walang ano-ano'y nagsigalawan ang mga ugat. Umalis ang mga ito sa puno't nagsibitawan sa katawan nito. Tila may sariling buhay ang mga ito't nagbibigay daan sa isang napakahalagang nilalang. Mula sa pinakasentro ng kahoy ay may namumuong hugis. Nagsimula sa dalawang maliliit na bilog, ngayo'y naging hugis mukha na. At sa hindi kalauna'y nabuo ang isang imahe ng isang matanda.

Balbas sarado ito at ang bigote ay abot sa lupa, tila nakapikit ang mga matang naniningkit, at ang balat ay kawangis ng punong pinanggalingan nito kani-kanina lang. Marahan itong humiwalay sa puno, at ang kaninang mukha lang ay nagkaroon na ng kongkretong katawan.

Sa hindi kalayuan naman ay napaluhod na si Barrius, isang pagbibigay galang na minsan lamang ginagawa ng isang ding may katungkulan. Hindi man niya nagagawa sa ibang pinuno ay ginawa niya sa kaharap dahil naiiba ang panahong ito, at naiiba ang kaharap niyang pinuno.

"Kung ang sadya mo'y gaya ng dati, hindi pa rin nagbabago ang hinihiling ko. Kung wala kang magagawa'y maaari mo nang lisanin ang lugar ko't 'wag nang magpakita pa." Diretso lamang ang pagkakasabi nito sa kanya. Walang sinayang na sandali sa pakikipag-usap at buo na ang pasya. Saglit itong tumalikod kay Barrius at handa na sanang sumanib muli sa puno nang  mabilisang niyang inilabas ang librong itinago niya kanina sa kanyang likod.

"Dala ko na ang nais mo. Ang kalatas na napapaloob sa librong hawak ko."

Napatigil ito sa pagtatangkang bumalik sa puno. Nakuha na niya ang atensyon nito kaya muli itong humarap sa kanya. Napatingin ito sa kanyang hawak na libro na tila sinusuri kung tunay ba talaga ito. Nang masiguro ay muli itong napaharap sa kanya at tinitigan siya ng mata sa mata. "Sigurado ka na ba sa iyong pasya, bata?"

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon