Chapter 21

206 24 8
                                    

Dispareo
Chapter 21

Nakatulala lang si Hurricane sa gitna ng kagubatan habang pinagmamasdan ang papalayong si Malaya. Hindi niya magawang humakbang upang sundan itong muli, o kahit gamalaw man lang ng kaunti. Hinabol niya lang ng tingin ang direksyon ng lipad nito paalis sa lugar habang inaaninag ang kumikinang na mga pakpak.

Nang magawa nang gumalaw ay napahawak siya sa kanyang dibdib. Mabilis pa rin bawat pagtibok ng puso niya dahil sa sobrang gulat tungkol sa mga narinig at nakita. Hindi inakala ng dalaga na sa pagsunod dito'y mapapadpad siya sa isang lugar na hindi niya alam kung saan, at matatagpuan ang mga kasagutan sa kanyang mga katanungan.

Matapos niyang makita na lumapit ito sa umiilaw na puno ay natunghayan naman niya ang biglaang paglakas ng liwanag nito, halos napapikit siya dahil sa sobrang liwanag. Ngunit sa pagmulat niya'y isang imahe ng lalaki ang nakita niyang nakatayo sa harap ni Malaya.

Hindi niya ito kilala, pero sa hitsura ni Malaya'y batid niyang mahalaga ito para sa pinuno ng Avalon. Hindi gaya noong kaharap siya o kahit pa noong hindi pa umaalis si Reemus, kakaiba ang mga ngiti nito. Parang pinaghalong pangungulila at sobra-sobrang galak ang nararamdaman ng diwata sa nilalang na nasa harapan nito.

Lumipas ang mga sandaling puro mga tanong at kasagutan ang narinig niya. Sa patuloy niyang pakikinig sa pinag-uusapan ng dalawa ay nalaman niyang dati itong kasintahan ni Malaya. Ramdam niya ang pagmamahalan na namamagitan sa dalawa. Sa mga titig pa lang ng mga ito sa isa't isa'y halata na ni Hurricane ang damdamin ng mga ito.

Hindi nagtagal ay mas naging seryoso ang mga ito, at isang bagay ang hindi niya lubos mapaniwalaan at maintindihan. Nalaman niyang namatay na ang lalaking kaharap ni Malaya, at nabuhay itong muli sa katauhan ni Thunder. Alam niya ang ibigsabihin ng mga ito. Sigurado siyang ang nangyari ay ang tinatawag sa mundo nila na reincarnation.

Hindi siya masyadong naniniwala sa reincarnation kahit minsan nang nagkwento ang lolo niya tungkol sa bagay na iyon. Sa pagkakatanda niya, kapag ang isang nilalang ay binawian ng buhay at hindi niya natapos ang nakalaang misyon o may mga bagay na hindi pa niya natutunan sa present lifetime nito, bumabalik ang kaluluwa nito sa ibang pagkatao upang tapusin ang misyon niya o balikan ang mga aral na kailangan niyang matutunan.

Minsan na rin nabanggit ng kanyang lolo na ang bawat nilalang ay imortal dahil ang kaluluwa ay nagmumula sa enerhiya at hindi nawawala kailanman. Tanging pisikal na katawan lang ang namamatay kaya habang hindi natatapos ang bawat misyon o hindi natutunan ang bawat aral, paulit-ulit mari-reincarnate ang isang nilalang.

Ang kwentong iyon ay mapapatunayang totoo dahil sa nasaksihan ni Hurricane.

"Kaya ka rin ba napunta rito sa Dispareo, Thunder? Dahil ba misyon mong bumalik sa piling ni Malaya?" bulong niya habang nakatingin sa punong noo'y hindi na umiilaw.

Sa hindi malamang dahilan, tila ba parang may kumurot sa puso ni Hurricane. Marahan siyang napahawak sa kanyang dibdib at huminga ng malalim. Bakit ba pakiramdam niya ay hindi niya kayang makitang magkasama si Thunder at Malaya?

---

Nakataas ang dalawang kamay at tila estatwang nakatayo sina Thunder at Igor. Bakas sa mga mukha nila ang takot at kaba dahil pinaliligiran sila ng mga nakapulang damit na mga sundalo at tinututukan sila ng mga patalim at iba't ibang sandata. Hindi alam ni Thunder kung bakit gano'n na lamang ang bungad ng mga ito sa kanila gayong hindi naman sila lumalaban o nagbibigay ng panganib sa mga ito. Ang alam lang nila'y nasa labas na sila ng Agartha.

Nang tingnan niya ang mga mukha ng mga ito'y alam niyang konting maling galaw lang ay yari sila. Wala silang kalaban-laban dahil wala naman silang dalang sandata sa pag-aakalang hindi mapanganib ang pupuntahan nila. Pero iba ang kanilang nadatnan at ngayo'y napapaligiran na sila ng mga sundalong handa silang patayin.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon