Dispareo
Chapter 26Hindi mapigilang mapangiwi ni Malaya nang hawakan niya ang patuloy pa ring dumudugong sugat. Dahil sa hindi agarang pag-ilag ay nadali siya ng hindi pa kilalang kalaban sa kaliwang braso niya. Hindi kalaliman ang sugat pero hindi niya maintindihan kung bakit napakahapdi nito. Hindi rin masyadong malapad ang hiwa, ngunit matindi kung dumugo. Tila may kakaiba rito, pero hindi niya iyon inalintana dahil hindi iyon ang panahon upang mawala ang atensyon niya sa napakamapanganib na kaharap.
Kasalukuyan siyang lumulipad sa ere, kung saan ilang metro ang layo niya sa kalaban. Pero walang nagagawa ang distansiya dahil kahit hindi siya natatamaan ng kalaban sa bawat pagwasiwas ng espada nito ay mas tumitindi ang kirot ng sugat niya. Nanunuot iyon sa kanya laman at ugat.
"Sino ka? At nasaan si Thanatos?" galit at mariin na sigaw ni Malaya. Tila may otoridad at namimilit na pagsalitain ang kanina pang tahimik na kalaban. Diretso lang itong nakatayo at nakatitig sa kanya. Hindi niya sigurado kung inaabangan ba nito ang susunod niyang ikikilos, o pinagpaplanuhan na nito ang susunod na gagawin sa kanya.
Kakaiba ang ikinikilos nito, ngunit ang mas ipinagtataka niya'y bakit hindi pa rin ito nagsasalita simula nang makasalubong niya ito. Parang may hindi tama sa mga nangyayari, pero hindi niya matukoy kung ano ito.
Halos hindi pa nga nagtatagal mula nang hinayaan niyang tumakas si Hurricane upang mauna na ito sa Agartha, pero sa bakbakan nilang dalawa ng kalaban ay parang ang tagal na niya itong nakakaharap. Muli ay isang kumpas na naman ng mahiwagang itim na espada ang ginawa ng kalaban niya.
Isang malakas na palahaw ang kumawala kay Malaya. Tila nanunuot sa sugat niya ang kirot kahit hindi naman siya tinamaan ng atake nito. Bawat kumpas nito'y parang sugat lang niya ang natatamaan. At habang tumatagal ay mas lalong sumasakit pa ito. May kung anong hiwaga ang bumabalot sa pagkatao ng kalaban niya, maging sa hawak nitong sandata. Kaya siguro kahit anong ilag niya'y wala siyang magagawa, masasaktan at masasaktan lamang siya.
Inilabas niya ang kanyang ginintuang mga pakpak. Mga pares ng kumikinang at napakatingkad na pakpak. Pawang mabibilis ang lipad at napakagaan tingnan. Sa isip niya'y kailangan niyang makatakas at makapunta kay Yggdrasil dahil mukhang walang natural na lunas ang natamo niyang sugat. Ngunit hindi pa man nakakalipad palayo ay biglang nawala sa paningin niya ang kalaban. At sa muli niyang pagkurap ay nakatusok na sa tiyan niya ang espada nito. "Hi-hindi... maaari," nauutal niyang turan bago unti-unting dumilim ang buong paligid niya.
—-
Nang muli niyang idinilat ang kanyang mga mata, alam ni Malaya na nasa ibang lugar na siya. Wala na ang lalaking nakaitim, wala na sila sa gubat, at pagtingin niya sa braso niya'y wala na rin ang sugat. Inilibot niya ang paningin sa puro itim na paligid. Wala pa siyang nakikita maliban sa kakarampot na liwanag na naaaninag niya mula sa hindi kalayuan.
Dahil sa kagustuhang malaman kung nasaan siya, sinundan niya ang direksyon na pinanggagalingan ng nakikitang liwanag. Nakakailang hakbang pa lang ay bigla na siyang napatigil. Sa gitna ng naaaninag niyang liwanag ay may isang tao. Nakagapos ito sa pader at mukhang punong-puno ng dugo habang bakas sa hitsura na dumaan ito sa matinding paghihirap. Kilala ng mga mata niya kung sino ito, pero ayaw maniwala ng kanyang puso.
Muli siyang humakbang. Ang paglalakad ay naging takbo. Ngunit kahit anong bilis ng takbo niya'y parang napakalayo pa rin ng gusto niyang puntahan. "Hindi!" Sa galit at kagustuhan niyang puntahan ito'y inilabas niya ang kanyang mga pakpak. Ginawa niya ang kanyang makakaya, at lumipad ng walang kasing bilis.
Ang kanyang mga pakpak ay unti-unti nang sumusuko at nababali, pero hindi pa rin siya tuluyang nakakalapit sa liwanag. "Thunder! Hindi pwede!" Punong-puno ng hinanakit at pagkabahala ang maririnig sa boses niya.
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...