Inilibot ni Hurricane ang paningin sa paligid. Hindi niya pa rin mahanap kung saan nanggaling ang sumitsit sa kanya kaya sa takot ay mas bumilis pa ang tibok ng kanyang puso.
Titigil na sana siya sa paghahanap nang mapansing may bakas ng mga paa mula sa dulong bahagi ng park na kinatatayuan niya.
Huminga siya ng malalim at bumuntong hininga. "Sino ka?" mariin niyang tanong sa kawalan.
Lumapit siya sa bakas at tiningnan kung saan ito papunta. Isa-isa niyang sinundan ang mga bakas hanggang sa namalayan na lang niya na ang daang iyon ay patungo sa bahay ni Tasyo, ang kilalang dating manggagamot na ngayo'y nabansagan nang baliw.
"Siya kaya 'yun?" Hindi niya mapigilan ang sariling alamin kung tama ang hinala niya, kaya walang pagdadalawang isip na pinuntahan niya ang bahay nito.
Pagdating sa pinto ay nakakandado naman ito, tila walang tao sa loob at matagal nang abandonado. May ilang parte ng kubo na sira na. Luma na kung titingnan at parang hindi na nalilinisan. Pero hindi iyon naging dahilan para tigilan niya ang nasabing bahay. Napagpasyahan ni Hurri na ikutin pa ito para masigurong wala talagang tao sa loob.
"Naniniwala na sila, anak. Naniniwala na silang tama ang kinuwento mo sa akin tungkol sa Dispareo."
Napatigil si Hurri sa paglakad, habang ingat na ingat sa paghakbang upang hindi makagawa ng kahit ano mang ingay. Sinilip niya ang bintana at may nakitang nakatalikod na lalaki. Na-weirduhan siya nang makitang ang kinakausap lang nito ay ang hawak na litrato kaya pinagpatuloy niya ang pakikinig at pagmamasid dito.
Mula sa pwesto ni Hurri ay kitang-kita niya ang hitsura ng taong nasa litratong hawak ng matanda. Litrato ng isang lalaki na sa tingin niya ay nasa 25 years old.
"Naaalala ko sa kanila ang sarili ko nung mga panahong ikinuwento mo sa akin ang mundo ng Dispareo..." pagpapatuloy nito.
Hindi na masyadong marinig ni Hurri ang iba pa nitong sinasabi, kaya mas lalo siyang lumapit para mas marinig ang mga sinasabi nito.
Ngunit aksidente niyang naitulak ang kalapit na bintana. Isang malakas ang kalabog na nagawa niyon na ikinatakot ng dalaga.
Nanlaki ang mga matang napatingin si Hurri kay Tasyo. Agad kasi itong humarap sa kanya at tinitigan siya ng mata sa mata.
"Naku, sorry po. Sorry po talaga sa abala. Aalis na po ako." Akmang tatalikod na siya sa labis na takot nang bigla itong magsalita.
"Sandali," seryosong sagot nito.
Mas lalong kinabahan si Hurricane nang matitigan ang malalim nitong mga mata. Hindi siya makapagsalita dahil pakiramdam niya, hindi siya paaalisin ng buhay nito.
"Alam kong sinadya mo talaga akong pakinggan," anito. "Gusto mo bang marinig ang aking kwento?" Lumalim ang boses nito, tila nagbibigay babala na kapag hindi siya pinakinggan ay pagsisisihan ito nino man.
Hindi makagalaw si Hurri sa kinatatayuan. Nabato siya sa mga pangyayari. Hindi niya balak na magpakita kay Tasyo, pero dahil sa kyuryosidad niya ay napasubo na siya.
"Hali ka rito, sasabihin ko lahat ng nalalaman ko tungkol sa Dispareo."
Parang isang mapang-akit na sumpa, o nanghahalinang kamandag ang mga salita ni Tasyo. Lumapit si Hurri at hinanda ang sariling malaman ang tungkol sa salitang kanina pa umiikot-ikot sa isip niya.
"Ang Dispareo ay ibang dimensyon kung saan naninirahan ang mga kakaibang nilalang," panimula ni Tandang Tasyo.
Napalunok si Hurri sa narinig. Sa totoo lang, naniniwala kasi siya sa mga gano'ng kwento lalo't mahilig siyang magbasa ng tungkol sa paranormal. Ngunit sa lagay ng matandang kaharap niya ay hindi rin niya maiwasang magduda.
"Hindi kayang ipaliwanag ng isip ng tao kung gaano kasama ang mga taga Dispareo. Kumukuha sila ng tao sa ating mundo at ginagawa nilang alay sa Diyos nila." Halos manlaki ang mga mata nito habang nagkukwento sa kanya. "At ang kapalit niyon ay ang walang hanggang karangyaan at kasaganaan para sa mundo nila. Walang kahirapan, walang sakit at walang hanggang kabataan."
"Teka, may gusto lang po kasi akong malaman. Narinig ko po kasi 'yung dala--"
"Totoo ang sinasabi nila!" Halos maglapit ang mukha nila ni Tandang Tasyo na ikinagulat naman ng dalaga.
Bahagyang napaurong siya ngunit ang matanda ay muling lumapit sa kanya dahilan upang mas lumakas ang pagbilis ng tibok ng puso niya.
"Isang matinding sumpa ang ipinataw nila sa ating mundo. May mga sakuna, may mga maglalabasan na sakit, at ang lahat na ito ang kukuha sa buhay nating lahat. Tayo ang magiging kabayaran sa lahat ng hiling nila. At ngayon, isa-isa nang nangyayari ang mga senyales." Nakakatakot na tawa ang pinakawalan ng matanda habang si Hurricane ay hindi na makagalaw sa kanyang kinatatayuan. "Papatayin nila tayo!"
Kasabay ng nakakakilabot na tawa ng matanda ay ang muling pagkulog ng malakas na tila naiintindihan ng kalangitan ang pinag-uusapan nila.
Sa sobrang takot ni Hurricane, walang alinlangan siyang tumakbo ng mabilis paalis sa lugar na kinalalagyan niya na animo'y may humahabol sa kanya. Hindi alintana ng dalaga ang malalaking sanga ng puno na nakaharang sa daan dahil ang mahalaga sa kanya ay ang makaalis doon.
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...