Chapter 4

402 40 0
                                    

Kinakabahang naghihintay ang anim na lalaki--nakasuot sila ng over-all na kulay dilaw na damit at nakatayo sa gitna ng malawak na puting kwarto. Hindi nagsasalita ang mga ito pero halatang nagpapakiramdaman sila sa mga mangyayari. Alam nilang ilang saglit pa ay darating na si Yiruma, ang kanang kamay ng kanilang pinuno para ibigay ang kanilang unang misyon, kaya hindi nila mapigilang mangatog sa takot dahil hindi sila maaaring pumalpak.

Ilang saglit pa'y dumating na ang inaasahan nila. Dire-diretso itong naglakad papunta sa kinatatayuan nila, kaya mas lalo nilang tinikasan pa ang pagkakatayo para hindi sila mapuna nito.

"Mga alagad ni Barrius, salamat sa pagpunta," seryoso nitong pahayag sa kanila.

Si Yiruma ang kanang kamay ng isa sa pinuno ng Dispareo, at kilala siya bilang ang babaeng may dalawang pagkatao. Maputi ang kutis nito, singkit ang mga matang natatakpan ng makapal na salamin, at nakatali ang buhok. Naka dilaw din siyang suot, ngunit may mga nakaukit na mga disenyo. Kung tutuosin, sa pisikal na anyo ay hindi ito ganun ka lakas tingnan, pero sa likod ng maamo at nakakaakit nitong kagandahan, nagtatago ang isang demonyong handang pumatay, alang-alang sa tinuturing na amo.

"Marahil ay alam niyo na ang gagawin. Ang nais ko lang iparating sa inyo ay..." Isa-isa nitong tinitingnan ang mga lalaki sa mata habang naglalakad ito paikot sa kanila. "Bawal ang pagkakamali. Hindi pwedeng biguin ang ating pinuno, dahil ang kapalit ng inyong kapalpakan, ay ang inyong buhay."

Ramdam ng anim na lalaki ang presensya ni Yiruma. Hindi nito hilig ang magbiro o magdalawang isip kaya alam nilang sa misyon na iyon nakasalalay ang kanilang buhay.

"Ang misyon ay?" tanong ni Yiruma.

"Aming isasagawa nang tama," sabay-sabay na sagot ng anim na lalaki.

"Mabuti. Magsi-alis na kayo."

Pagkasabi nun ay nagsi-unahan na silang tumakbo patungo sa lugar na kanilang balak puntahan.

----

Mabilis na tumakbo nang tumakbo si Hurricane kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Naghahanap siya ng munting liwanag ngunit purong kadiliman lang ang nakikita niya.

"Kuya! Mama!" umiiyak na sabi niya. Hingal na hingal man, wala siyang tigil sa katatakbo dahil ang gusto niya ay makita agad ang pamilya niya.

Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng isang maze na hindi niya mahanap ang daan palabas. Kahit saan siya lumiko, parang pabalik-balik lang siya sa lugar na pinanggalingan niya. "Papa!"

Sa katatakbo niya, nakakita siya ng dalawang madilim na lagusan kaya't sandali siyang napahinto. Naguguluhan siya kung saan siya papasok dahil hindi niya alam baka may masamang mangyaring nakaabang.

Hanggang sa nakarinig siya ng isang malalim at malamig na boses na animo'y nanggaling sa ilalim ng lupa. Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Tila isang dasal na sinasabi gamit ang ibang lenggwahe.

Napatakip ng tenga si Hurri, pilit pinipigilan na marinig ito ngunit parang pumapasok na sa utak niya ang boses nito.

"Tigilan mo na ako! Tama na!" umiiyak na sambit ni Hurri dahil sa takot. Pero imbis tumigil, mas lalong lumakas ang boses nito na nagdulot ng mas matinding takot sa kanya.

Pakiramdam ng dalaga ay mas malapit na ito sa kanya kaya walang alinlangan siyang pumasok sa kanang lagusan at walang lingong tumakbo papasok.

Hindi na alam ni Hurri kung gaano na siya katagal tumatakbo sa loob ng lagusan ngunit wala pa rin siyang mahanap na liwanag o daan palabas. Hanggang sa bigla na lang sumabit ang kanyang paa sa isang matigas na bagay dahilan upang madapa siya siya.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon