Chapter 25

112 11 3
                                    

Dispareo
Chapter 25

"Ika-walong pangkat pangdigma," marahang banggit ni Kagura habang nililibot ang lugar kung saan tinipon ang kanyang mga tauhan. Lahat ay pawang nakasuot na ng kasuotang pandigma at dala-dala ang kani-kanilang mga sandata. Alisto namang nagsitayuan ang mga ito at matamang nakinig sa mga sasabihin niya. "Kayo ang nakatalagang magbantay sa hilaga, malapit sa gubat na dumudugtong sa Agartha at Avalon." Seryosong saad niya habang iniisa-isang tingnan ang mga kawal niya.

Doon niya lamang napagtantong iilan na lamang sa mga ito ang orihinal niyang mga naging kawal simula noong umusbong ang unang digmaan.

Wala na sa harap niya ang dating mahuhusay na mga heneral na humarap sa ilang malalaking paglusob. Ilan sa mga ito'y nagbuwis ng buhay sa pakikipagdigma sa halos hindi mabilang na katunggali. Ang iba nama'y nawalan ng buhay sa pagprotekta sa mga inosenteng mamamayan ng kanilang mga lugar.

Wala na ang mga lupong pansalakay na naging katuwang niya sa pagbantay sa diyamante ng mga araw. Hindi niya malilimutan ang pagdanak ng dugo sa mga lugar kung saan nilalagak ang mga diyamanteng ito. Halos maging pula na ang lupa, at bawat sulok ng lugar ay may nakahandusay na kawal.

Ngunit higit sa lahat, wala na rin ang dati niyang kanang kamay, na gaya ng mga heneral niya't lupong pansalakay ay namatay na rin sa pakikipaglaban para sa kapakanan ng dimensyong minamahal nilang lahat.

Batid niyang ngayo'y may bahid pa ng takot sa ilang mga bagong kawal, dahil lumaki ang mga itong iniisip ang kasasapitan nila sa hinaharap bilang tagapangalaga ng Dispareo. Ngunit kahit ano man ang isipin niya'y hindi lahat sa mga ito'y makakabalik pa ng buhay. Kaya bilang pinuno ng mga mandirigma, hindi siya dapat panghinaan ng loob. Sa kanya tumitingala ang mga ito, at kapag siya pa ang unang manlambot, lahat ay madadamay. Bata man siyang tingnan dahil sa isang sumpang iginawad sa kanya noong unang panahon, matanda naman ang kanyang puso't isipan upang malaman kung ano ang dapat na gawin.

Nang matapos niyang ilibot ang paningin sa mga kawal niya'y nakita niyang tumango naman ang lahat, hudyat na alam nila kung saan sila nakatalaga. Kaya muli niyang ipinagpatuloy ang mga sasabihin.

"Bilang pinakamalaking pangkat, tungkulin niyong pangalagaan si Hurricane at Malaya kapag nakita niyong paparating na sila. At kung marinig niyo man ang senyales ng digmaan, marapat lamang lumaban kayo hanggang sa dulo para mapangalagaan ang Dispareo." Napalunok siya sa ideyang iyon. Pero kahit gaano man ka pait ang katotohanang ito na ang pinakahuling digmaan, susubukan niya pa ring lumaban.

"Para sa Dispareo," sigaw naman ni Gakon na nasa gilid lamang niya. Bakas sa boses nito ang panggigigil, ang galit, ang kagustuhang matapos na ang gulo. At nang sundan ito ng sigaw ng iba pang mga mandirigma'y napapikit na lamang siya't napadasal, na sanay parehong mga boses pa rin ang marinig niya pagkatapos ng lahat.

Sa muling pag dilat ng kanyang mga mata'y buo na ang loob niya. Hindi niya na muli pang hahayaan na mapanghinaan siya ng loob. Hindi na siya muli pang magdadalawang isip na ibigay ang lahat.

"Ihanda ang lahat!" Sigaw ni Kagura. Punong-puno ng otoridad ang boses niya. Marahil ay produkto ito ng naghahalong takot, pighati, galit, at panibughong naglalaro na ngayon sa isip at puso niya. "Humayo ang lahat at protektahan ang Dispareo."

Sa saliw ng mga tambol at trumpeta, isa-isang nagsi-alisan ang bawat pangat. Bitbit ang kani-kanilang mga sandata, pumunta na sila sa mga lugar kung saan sila itinalaga. Ang unang pangkat sa sentro ng Agartha, ang pangalawa sa lugar ng huling diyamante, ang pangatlo sa kanluran, at ang iba pang mga pangkat sa ibang lugar.

Nang tuluyan nang nakaalis ang lahat ay nilapitan ni Kagura ang kanang kamay niyang si Gakon. "Gakon, alam mo naman ang plano, hindi ba?" diretsong tanong niya rito.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon