Isusubo pa lang ng pitong taong gulang na si Hurricane ang lollipop na hawak niya nang may biglang humablot nito. "Mama! Si kuya Eli, inagaw na naman yung candy ko," umiiyak na sumbong niya sa kanyang mama na nagluluto sa kusina.Imbis ibalik, isinubo ito ng kanyang kuya at dinilaan siya. "Nye, nye, nye! Akin na 'to, bagyo!" ani ni Eli sa kanya sabay tumakbo palabas ng bahay nila.
Tumakbo rin siya para habulin si Eli na apat na taon ang lamang ng edad sa kanya. "Kuya, ibalik mo sakin yan! Binili sakin ni papa 'yan, e." Patuloy pa rin siya sa pagpupumilit bawiin ito pero hindi niya magawa dahil mas matangkad ito at mas mabilis tumakbo kaysa sa kanya.
Sa katatakbo nila, hindi na niya namalayan na nakarating na pala sila sa main road kung saan maraming sasakyan ang dumadaan.
Bago pa man niya tuluyang maabutan ang kuya niya, mabilis na sumampa ito sa umaandar na jeep. Mabagal lang ang andar niyon kaya madali itong nakaangkas.
Mas lalong naiyak ang batang si Hurricane. Sunod-sunod ang pagtulo ng luha niya kasabay ng munting hikbi. "Kuya saan ka pupunta?" garalgal ang boses na sabi niya.
"Pupunta ako sa malayo kaya 'wag ka nang umiyak! Ang pangit na nga ng pangalan mo, ang pangit mo pa umiyak!" nakangiting sigaw nito sa kanya habang panay ang kaway nito. "Hanggang sa muli, mahal kong kapatid."
"Kuya, sama ako!"
Sinubukan niyang tumakbo para sundan ito ngunit mabilis na ang takbo ng sasakyan. Naiwan siya sa kalsada habang humahagulgol sa kakaiyak.
"Kuya, hintayin mo ko! Sasama ko!"
Hindi ito sumagot. Isang matamis na ngiti lang ang nakita niyang gumuhit sa mukha nito hanggang sa tuluyang nang nawala ang jeep na sinasakyan ng kapatid.
---
"Kuya!" Napabalikwas ng bangon si Hurricane nang mapanaginipan ang kapatid. Hawak niya ang sariling dibdib at ramdam niya ang mabilis na pagkabog nito. Ngunit sandali siyang natigilan nang mapansing tila hindi siya pamilyar sa kinaroroonan niya. Dinig na dinig niya ang malakas na hampas ng alon. "Teka, nasaan ako?" Nagmamadaling tumayo siya sa buhanginan at mabilis na pinagpagan ang damit.
Doon niya napansin na nasa tabing dagat siya. Sa sobrang lawak, hindi abot ng kanyang paningin ang hangganan nito. Ang sigurado niya lang, naririnig niya ang agos ng tubig, nararamdaman niya ang lamig ng simoy ng hangin at natatamaan ng alon ang kanyang mga paa. Dahil medyo nanlalabo pa ang kanyang mata, kinusot niya ito upang mas luminaw ang kanyang paningin.
Madilim na ang paligid. Tanging ang ilaw lang na galing sa buwan ang naggbibigay liwanag sa buong kapaligiran. Ngunit gayunpaman, nakikita niya pa rin niya ang kakaibang ganda ng lugar.
Bago pa man siya tuluyang matangay ng pagkamangha, napagtanto niyang hindi niya alam kung nasaan siya. Napahawak siya sa kanyang ulo nang bigla itong kumirot. "Anong ginagawa ko dito?" naguguluhang tanong niya sa sarili. "Bakit ako nandito?"
Pinilit niyang alalahanin ang huling nangyari bago siya mawalan ng malay, pero mas nadadagdagan lang ang kirot ng ulo niya.
Hindi man niya alam ang lugar, naisip niyang pasukin ang gubat na hindi naman kalayuan sa kanya sa pagbabakasakaling may tao siyang maaaring pagtanungan.
Mas madilim sa loob ng kagubatan kaysa sa labas. Hindi kasi masyadong abot ng liwanag ng buwan ang loob nito dahil sa mga naglalakihang puno sa paligid. Kinakabahan man, nagpatuloy pa rin si Hurri sa paglalakad.
Nang maramdamang parang may sumusunod sa kanya ay binilisan niya ang lakad. Hindi niya ito nilingon, pero dahil naunahan na siya ng kaba, ang kaninang lakad lang ay naging takbo na.
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasySa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...