Chapter 9

254 27 1
                                    

"Shit!" Tumakbo ako papunta sa kung saan nang bigla kong makita ang isang kulay pulang batong papunta na sa kinaroroonan ko. Mabilis ang kilos ko, pero parang bumagal ang ikot ng panahon habang pabagsak ito sa lupa. Isang malaking pagsabog ang naganap matapos nun na halos ikabingi ko. Hindi ko na alam. Nalilito na ako sa mga pangyayari.

Kanina'y kausap ko pa sina Barrius at Yiruma. Hanggang sa dumating yung kasama nila at... bigla na lang akong napunta sa magulong lugar na 'to. Tama. Huli kong naalala na parang may sinabi sila sa akin pero hindi ko masyadong narinig dahil nandilim ang paningin ko.

"Tulong!" Nakarinig ako ng isang nakakabulabog na sigaw mula sa kung saan. Pilit kong nilingon ang buong paligid para malaman kung sino iyon at saan siya banda. Pero dahil sa makapal na usok ay nahihirapan akong hanapin siya.

Ilang saglit pa ay saktong-sakto sa paglingon ko nang nakita kong natumba ang isang batang babae. Lalapit sana ako sa kanya para tulungan siya nang bigla siyang tumayo at pinulot ang espadang malapit sa kanya. Halos sigawan ko siya ng mapansin kong may dugo na ang braso niya. Pero agad akong natahimik sa nakita ko.

"Ikulong sa iyong lamig ang mga kaluluwang ligalig, Kori." Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin doon, pero hindi ako makapaniwala sa sunod na nangyari. Nag-iba ang anyo ng kanyang espada. Nabalutan ito ng puting usok at unti-unting binalot ng yelo hanggang sa naging kulay puti ito na nahaluan ng asul.

Hindi pa man ako nakakabawi sa pagkagulat, muli siyang pumasok sa usok at akmang may susugurin. Nakarinig ako ng sunod-sunod na mga palahaw at sigawan.

Napuno ng tunog ng mga espadang nagkakalansingan ang paligid. May mangilan-ngilang pagsabog din akong naririnig. Hindi ko na maintindihan ang nangyayari. Hindi ko alam ang gagawin ko. Natatakot ako na baka bigla na namang may bumagsak sa akin at biglang sumabog.

Ilang sandali pa ay unti-unti nang nahahawi ang mga usok. Tumambad sa aking paningin ang hindi mabilang na bangkay na nakahandusay lang sa sahig. May iilang buhay pa pero mga duguan na rin sila.

Sa hindi kalayuan ay nakita ko ang bata na may hawak ng espada kanina. May nilalabanan itong lalaking nakasuot ng robe at may hawak ding espada.

"Nasa pelikula ba ako?" Pakiramdam ko, nanunuod ako ng Trojan war nang personal. Nakatulala lang ako sa kanila habang naglalaban sila nang biglang nabitiwan ng bata ang kanyang espada. Hindi ko maigalaw ang katawan ko nang mapansing papunta ang espada sa akin at nakatutok sa mukha ko ang talim nito. Akmang iiwas na sana ako nang bigla itong tumagos sa akin. "Shit!" Napahawak ako sa dibdib ko sa sobrang takot.

Akala ko katapusan ko na. Muntik na talaga ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Huli na nang mapagtanto kong nasa gitna ako ng isang malaking digmaan. Hurri, bakit ngayon mo lang naisip 'to? Edi sana pala tumakbo na ako kanina pa. Kakainis!

Hahakbang pa lang sana ako nang maramdaman ko ang malamig na hangin na nasa harap ko. "Ano na naman 'to?!" Doon ko naramdaman ang pag-ikot ng hangin sa paligid ko na parang ipoipo. Nilibot ko ng tingin ang lugar at napagtanto ko na lang na nasa loob ako sa isang malaking bola ng hangin.

"Lapastangan ka!"

Napalingon ako nang bigla akong makarinig na may lalaking sumigaw sa bandang likuran ko. Hindi ko nakikita ang mukha niya dahil nakatalikod siya mula sa pwesto ko, pero ang kausap niya ay kitang-kita ko ang hitsura.

"Hindi niyo ako mapipigilang kunin ang pulang araw," sabi niya habang tumatawa. Parang dalawang sabay na boses sa isang katauhan ang nagsasalita. Nagsitayuan ang mga balahibo ko. Sa buong buhay ko, ngayon pa lang ako nakarinig ng ganung boses. Tila hinugot sa kailaliman ng lupa. Sa lalim nun ay parang naiwan itong umikot-ikot sa utak ko. Pero hindi pala ang boses niya ang mas magdudulot sa akin ng matinding takot. Nang titigan ko siyang mabuti ay hindi na ang lalaking kaharap niya ang tinitingnan niya kundi ako.

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon