Dispareo
Chapter 15Nagsisimula nang kainin ng dilim ang liwanag at unti-unti na rin humihina ang pagpatak ng niyebe sa paligid. Para kay Thunder, iyon ang senyales na gumagabi na naman. Napagtanto niya ang bagay dahil sa pag-oobserba niya sa klima ng Dispareo ngunit hindi niya iyon inalintana. Libang na libang kasi siya habang nakatingin sa malinaw na tubig sa batis. Kasalukuyan siyang nakaupo sa bato habang ang kanyang mga paa ay nakatampisaw sa tubig. Napapangiti siya habang tinitingnan ang iba't ibang klaseng isda.
Napapaisip tuloy siya kung bakit iba ang pakiramdam niya sa lugar na iyon. Para bang ayaw na niyang umalis. Halos hindi na nga niya naiisip na umuwi sa mundo niya. "My ideal place."
Hindi niya matandaan kung gaano na ba siya katagal sa Avalon. Kung susumahin sa pakiramdam niya bilang isang nilalang na nabuhay sa Earth, tingin niya ay isang linggo na siyang naroon pero hindi niya sigurado dahil walang oras sa Dispareo. Minsan niyang narinig na sinabi ni amang na ang oras daw ay isang ilusyon, isang kathang isip na hindi naman talaga totoo na ang oras ay sa mundo lang ng mga tao mayroon.
Bigla tuloy niyang naalala ang nabasa niya noon nang minsan siyang mag-browse sa internet. "The trouble is, you think you have time," mahinang sabi niya habang ikinakampay ang mga paa sa tubig. Muli siyang napangiti nang mapansing nag-alisan ang mga isda dahil sa ginawa niya.
Tahimik ang buong lugar dahil ang lahat ng mga elf na naninirahan sa Avalon ay nasa tahanan ni Malaya at nagsasaya. Ngunit iyon siya, nag-iisa dahil gusto niyang manahimik.
Napatingala siya sa kalangitan nang biglang may tumakip ng mata niya mula sa kanyang likuran.
"What the fuck?" angil niya at marahas na tinanggal ang kamay nito.
Paglingon niya, bumungad sa kanya ang malungkot na mukha ni Lumeng at marahang iniabot nito ang bagay na gustong-gusto niyang makuha mula rito. "Gitara mo." Bakas sa boses nito ang lungkot na siyang ikinabigla ni Thunder. Hindi kasi siya sanay na gano'n ang kilos ng engkantada.
Kunot noo niyang kinuha ito. Akmang magsasalita sana siya nang bigla siya nitong tinalikuran at bagsak ang balikat na naglakad paalis sa lugar.
"Teka," aniya at agad na sinundan ito at sinabayan sa paglalakad. Gusto niyang biruin ito na may pakpak naman bakit hindi na lang lumipad ngunit ramdam niyang hindi iyon ang tamang panahon. "You okay?"
"Ha? Hindi kita maintindihan," malungkot na sabi nito habang ang atensyon ay nakatuon lang sa dinadaanan.
Kasalukuyan silang naglalakad sa kakahuyan, hindi man alam ni Thunder kung saan sila pupunta ay hinayaan niya ang sariling sumunod dito. Nararamdaman kasi niyang kailangan nito ng kausap.
"A..ah, ano... ayos ka lang ba?" usisa niya.
"Pakiramdam ko, wala akong kwenta. Pakiramdam ko, anino lang ako kapag nandiyan siya." Nagpakawala ito ng isang malalim na buntong hininga.
"Sinong siya?"
"Si Malaya."
Napangiti si Thunder sa narinig. "You know... ah, mali. Alam mo, hindi ka dapat ganyan mag-isip."
"Ewan ko ba. Minsan, naiinis na ako pero hindi ko magawang magalit sa kanya kasi wala naman siyang ginagawang masama sa akin." Kitang-kita ni Thunder sa mga mata nito na mukhang matagal na itong nagkikimkim at doon lang naisipan ilabas ang dinaramdam nito. "Lahat na lang ng atensyon, nasa kanya. Ako? Pakiramdam ko, kapag nandiyan si Malaya parang walang Lumeng na nakatira rito."
Humigpit ang hawak ni Thunder sa kanyang gitara at diretsong napatingin sa daan. "Hindi ko maitatanggi na may kakaibang dating si Malaya pero hindi mo dapat iniisip 'yan. May sari-sarili kayong katangian na mapapansin ng iba."
BINABASA MO ANG
Dispareo
FantasiSa gitna ng dilim na bumabalot sa kalawakan, may isang mundong nabuo at napaligiran ng pitong araw mula sa kalangitan. Dumaan ang maraming siglo, lumipas ang maraming panahon, nanatiling tahimik ang itinuring na kumikinang na mundo. Ngunit sa isang...