Chapter 30

86 6 0
                                    

“Iduyan mo ng ‘yong mga himig ang kalansing ng bawat pintig. Iwasiwas sa bawat dako ng mga matang nakatitig. Sa bagsik ng ‘yong pagsipol, idikta ang tamang daan. At sa lakas ng ‘yong pag-ihip, ako’y iyong ilulan.” Sa bawat katagang kan’yang binibitiwan, pikit matang dinama ni Hurricane ang pag-iba ng temperatura sa paligid niya. Hinayaan niyang lumamig ang kan’yang katawan, habang umiinit ang mga palad niya.

Pinaglapit niya ang kanyang dalawang kamay at bumuo ng mga simbolo gamit ang kan’yang mga daliri at palad. Mayro'n siyang nabuong hugis tatlusok, ekis, at may ibong nakabukas ang mga pakpak. Hindi niya matandaan kung saan niya ito natutunan, pero tila may kusang nagbubulong sa kan’ya na ipagpatuloy lang ang ginagawa.

Unti-unti at dahan-dahan, pinagitnaan siya ng malakas na ihip ng hangin. Pinalibutan siya nito na parang isang namumuong buhawi. At doon ay hinahawi nito ang mahaba niyang buhok, at tinatangay pa ang sandata niyang nakasukbit sa kan’yang gilid.

Sa gitna ng tensyong namumuo sa hangin, nananatiling kampante si Hurricane. Batid ng katawan niyang ligtas siya sa gitna ng unos na nagaganap.

Nang imulat ni Hurri ang mga mata niya’y unti-unting nag-iba ang kulay kan’yang mga balintataw. Ang dating kulay kastanyas ay unti-unting nagiging kulay asul. Naging kasing tingkad ng kalangitan ang kan’yang mga mata.

Sa pag-iba ng kulay nito’y lumiwanag rin ang kan’yang paningin. Nakikita niya ang mga bitak ng mga batong ilang dipa ang layo mula sa kan’ya. Napapansin niya rin maging ang maliliit na detalye ng pagkakasunog ng kalapit na mga puno. Hindi rin nakaligtas sa kan’yang paningin ang bakas ng mga paa malapit sa pinangyarihan ng pagsabog.

Ilang saglit pa, ang hangin na umikot sa kan’ya ay marahang pumasok sa mga tenga niya. Nanunuot sa ulo niya ang lamig na dulot ng paggalugad nito ng kan’yang ulo.

Nagulat na lang rin si Hurricane nang lumakas ang kan’yang pandinig. Hindi nakatakas sa tenga niya ang sunod-sunod na pagsabog sa kabilang dako ng Agartha. Nahahagip din ng pandinig niya maging ang pagpatak ng kan’yang mga pawis. Napangiti tuloy siya dahil hindi nagtagal, naririnig na niya ang direksyon na pinanggagalingan ng mga yabag ng paa.

Malakas ang kutob niya na sina Thunder at Hugo ang mga ito. Ang hindi niya lang mawari ay kung nakikipaglaban ba ang dalawa, o hinahanap lang siya.

“Sana tama ang kutob ko,” aniya bago mabilisang binagtas ang daan sa harap niya.

Tagaktak man ang pawis at habol na habol ang hininga, hindi ininda ni Hurricane ang nararamdamang pagod sa katawan. Ang nasa isip niya lang ay muling matunton ang dalawang kasamahan niya na nahiwalay sa kan’ya.

Ilang sandali pa't sa kan’yang pagtakbo ay natunton niya ang kinaroroonan ng mga ito. "Thunder! Pinunong Hugo!" nag-aalalang sambit ni Hurricane nang maabutan niyang napapaligiran ang dalawa. Nabigla man sa nadatnan ay hindi na siya nagpadalos-dalos pa’t nilapitan niya ang mga ito.

Hindi siya halos makapaniwala sa nakikita. Nasa harap nila ang anim na mga nilalang na kung ikukumpara niya sa mga gusali sa dati niyang mundo ay halos tatlong palapag ang taas.

Walong talampakan naman ang taas ni pinunong si Hugo, pero maging ito’y halos hanggang hita lang ng kaharap nilang mga higante.

“Anong nangyayari? Sino sila?” Inalerto ni Hurricane ang kan’yang sarili. Sa hitsura ng mga higanteng kaharap nila’y mukhang hindi sila makakaalis ng basta-basta.

“Hinahanap ka namin ni pinunong Hugo kanina pero bigla na lang kaming napunta rito. Narinig ka kasi naming may kinakalaban, at gusto ka sana naming tulungan pero imbis na ikaw ang makita namin, itong mga 'to ang nadatnan namin,” mahabang paliwanag nang humahangos pa rin na si Thunder.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 28, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon