Chapter 8

301 30 2
                                    

"Bitiwan mo ako! Ano ba?!" Pilit pa rin nagpupumiglas si Hurri habang bitbit siya ni Yiruma. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin nito, ngunit base sa nakikita niya, nasa ibang lugar na sila.

Kalahating oras din siyang bitbit nito hanggang sa may mga nadaanan na silang mga tao. Sigaw siya nang sigaw para tulungan siya ng mga ito, pero imbis na tumulong, tinitigan lang siya. Parang natural lang sa mga ito na makakita ng ganoong senaryo.

Habang binabaybay nila ang daan patungo sa kanilang destinasyon ay may mga nadaanan silang bahay na korteng kabute na may iba't ibang kulay. May pula, may berde at marami pang ibang makikitang kulay katulad ng nasa bahaghari. May mga iilan din tindahan silang nadaan na hindi niya mawari kung ano. Medyo kakaiba lang ang mga ito dahil mukhang yari sa kakaibang materyales ang mga gusali at bahay nila.

Ilang sandali pa ay natagpuan na lang ni Hurricane na nasa tapat na sila ng isang malaki at puting gate. Sa loob niyon ay may malaking palasyo. Sa sobrang laki nito'y hindi niya na alam kung nasa Pilipinas pa ba siya o hindi dahil sa mga pelikula lang kasi siya nakakakita ng mga ganun.

Ang buong palasyo ay gawa sa makapal at kulay light blue na marmol habang ang bawat gilid naman nito ay kulay ginto. Tumapat sila sa gate at otomatiko itong bumukas at diretso silang pumasok ni Yiruma.

Pagpasok nila sa bulwagan ng palasyo, iritableng ibinagsak siya nito sa sahig. "Aray! Bakit mo ako binitiwan?" angal niya.

"Ang sarap mong sapakin. Kanina gusto mong bitiwan ka, ngayon tatanungin mo ako kung bakit kita binitiwan?" Nakapameywang ito sa harapan niya habang pinandidilatan siya.

Hinimas ni Hurricane ang kumikirot niyang balakang bago tuluyang tumayo. "Bakit ako nandito? Ano ba kasing kailangan niyo sa akin? At---"

"Sa lahat ng taga Normal Universe na napunta rito, ikaw ang pinakamatanong at pinakamaingay," iritableng saad ni Yiruma sa kanya.

"Paanong hindi ako magtatanong? Ang naaalala ko naaksidente kami. Tapos napunta ako sa lugar na hindi ko alam kung saang lupalop na ako ng inidoro!" bulyaw ni Hurricane habang inililibot ng tingin ang buong lugar. "Tapos ano? Bigla kang susulpot mula sa kung saan at tatangayin ako papunta rito sa hindi ko malamang dahilan. Tanga-tangahan lang, friend?" Hindi niya ma-absorb ang kagandahan ng buong palasyo ng mga oras na yon dahil sa tensyon na namamagitan sa kanila ni Yiruma.

Halatang napipikon na sa kanya ang kaharap. Nanginginig na ang kamao nito pero nananatili lang itong nakatayo't nakatingin sa kanya.

"At anong normal universe ang tinutukoy mo? Wala ba ako sa Pilipinas? Sa Earth? Nasaan ang kuya ko?" Patuloy pa rin si Hurri sa pagtatanong nang hindi niya namamalayang narating na ni Yiruma ang hangganan ng pagtitimpi nito.

Akmang susuntukin na siya nito nang may pumagitna sa kanilang dalawa. Napigilan nito ang kamao ni Yiruma na ilang sentimetro na lang ang layo sa kanyang mukha.

"Tumigil ka, Yiruma."

Namilog ang mga mata nito. Agad na ibinaba ang kamay at yumuko sa kakarating lamang na lalaki. "Patawad, pinunong Barrius."

Napatingin si Hurri sa mukha ng kararating lamang na lalaki. Sa tantiya niya ay nasa labinglima hanggang labimpitong taong gulang pa lang ito. Medyo patpatin at napakaputi ng balat na medyo naninilaw. Kitang-kita niya ang mga mata nitong kulay abo kahit natatakpan ng makapal na salamin.

Humarap ito sa kanya at tiningnan siya ng mata sa mata. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Parang may kakaibang pwersa ang humahatak sa kanya dahil ang mga titig nito'y tumatagos sa kanya. Habol na habol ni Hurricane ang hininga niya habang nakatayo sa harapan nito.

"Ipagpaumanhin mo ang kawalang pasensya ng aking tauhan." Malalim ang boses nito. Kalmado ngunit ramdam sa tono nito ang otoridad. "Ako nga pala si Barrius, punong tagapamahala ng mga taga siyasat at taga plano dito sa Dispareo."

DispareoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon