DISCLAIMER: HINDI KO PAG-AARI ang Slam Dunk, ilang Tauhan sa Finder Series, Skip Beat at Prince of Tennis.
Epilogue
Banayad kong hinaplos ang kanyang mahaba at itim na buhok bago ako marahang yumuko upang masuyong dampian ng halik ang kanyang noo. Bagamat sa napakabatang edad, masasabing kong napakaganda ng aking anak na panganay, ang aking prinsesa, si Sakura-chan. Matapos ay dahan-dahan ko siyang kinumutan at tumayo.
Marahang akong naglakad patungo sa katabing kama at tahimik na naupo. Masuyo kong hinaplos ang kanyang pulang buhok at marahang pinisil ng kanyang mabilog na pisngi.
Masaya at tahimik kong pinagmamasdan ang aking bunsong anak na lalaki, si Akihito-chan habang mahimbing na natutulog. Walang duda na sa akin niya nakuha ang kanyang pulang buhok at mala-kapeng kulay ng mga mata, ngunit ang kanyang malamig at tahimik na pag-uugali ay nahahambing sa 'kanya'.
Bahagya akong ngumisi habang pinagmamasdan ko siya. Malalim akong bumuntong hininga at dumako ang aking tingin sa katabing kama at aking pinagmasdan ang natutulog kong anak na panganay.
Bagamat napakalaki ng kanilang pagkakahawig, masasabi kong sa akin niya nakuha ang kanyang masayahing at buhay na buhay na personalidad.
Anim na taon na ang nakalipas mula nang isilang ang anak kong babae, habang ang bunso kong anak na lalaki naman ay ipinanganak sa kasunod na taon.
Matapos ko siyang kumutan, dahan-dahan akong tumayo, naglakad at lumabas ng kwarto. Muli ko silang tinapunan ng isang mapagmahal na tingin bago ako tuluyang lumabas at marahan isinara ang pinto.
"Heiko-san, maari bang bantayan mo muna sila. Magpapahangin lamang ako sa labas..." Paalam ko sa aking pinagkakatiwalaang kasambahay. Matapos ay aking isinuot ang aking jacket at lumabas ng aming bahay-bakasyunan, dito sa Kanagawa.
----xxxxxxxxx-----
Tulad nang madalas ng aking nakagawian, mula sa nakaraan. Muli akong dinala ng aking mga paa sa naturang parke. Banayad kong hinaplos ang lumang bench ng parkeng iyon bago tuluyang naupo.
Pagkasandal, tumingala ako sa langit at malalim na bumuntong hininga. Napaka tahimik ng gabi sa Kanagawa na di tulad ng abala at maingay na mga gabi sa siyudad ng Tokyo.
Dalawang araw na ang nakaraan simula nang magbakasyon ako dito kasama ang aking dalawang anak sa aking lugar na kinalakihan, ang Kanagawa.
Nagsilang ng isang babaeng sanggol si Haruko-chan at dahil isa siya sa malapit kong kaibigan, napagpasyahan ko na isama ang aking mga anak upang makita at makilala nila ang aking mga kaibigan dito sa Kanagawa.
Sampung taon...sampung taon na ang mabilis na lumipas nang mangyari ang insidenteng bumago sa aming mga buhay. Sampung taon...kung saan ang aming mga buhay ay nagawi sa kaniya-kaniyang landas.
Sina Haruko-chan at Yuji na wala saming mga isip ay nagkatuluyan at ngayon ay may dalawa nang anak. Habang sina Ayako at Miyagi ay may tatlong anak.
Sina Akagi-senpai, Mitsui at Kogure na may kani-kanila na ring pamilya ay kabilang sa mga coach at guro ng aking Sport Clinic na aming itinatag sa Tokyo, na naglalayong paglinangin ang mga kakayahan at talento ng mga atleta, hindi lamang sa basketball kundi maging sa iba pang isport.
Masaya ako na pagkatapos namin ng kolehiyo, muling nagbalik si Kiyota sa Kanagawa upang makapiling at magtrabaho sa kompanya ni Shin-chan. Sina Ken-san at Hanagata-san naman ay tuluyan nang nanirahan sa Hong Kong at doon nagtayo ng kanilang sikat na pastry shop.
BINABASA MO ANG
The Reason Why
Fanfiction(Warning: boyxboy) Ano nga ba ang dahilan kung bakit tayo iniiwan ng mga taong ating minamahal? Slam Dunk/Finder Series Cross over