Kulang ako...

244 5 0
                                    


Mahirap mahalin ang isang tulad kong may kulang. Hindi kulang-kulang ngunit may kulang. May isang bagay na hindi ko mabigyan ng pangalan, may kung anong kaisipang gusto kong abutin pero napakalayo para lapitan.

Hindi ako buo. Kahit kailan, hindi ako nabuo. Palaging may espasyo, may butas, may patlang.

Handa ka bang magmahal ng isang tulad ko?

Handa ka bang magtiyagang punan ang bawat butas, espasyo at patlang na hindi ko alam kung bakit at paano?

Dahil ako, hindi ako handa sa sarili ko. Hindi ako handang mahalin ang bawat kalamnan na mayroon ako.

Hindi pa yata ako matututong pahalagahan ang laman na tumitibok sa dibdib ko.

Hindi ko pa kaya.

Natatakot ako.

Natatakot ako na malamang sumubok ka nga pero sumuko rin, natatakot ako na kumapit sa taling ibinigay mo dahil baka bitawan mo ako, o kung hindi man, baka bitawan ko ang sarili ko.

Nakakatakot na ang mga butas, espasyo at patlang ko ay lalo lamang lumaki, lumawak hanggang sa kainin nito ang kalahatan ko.

"Mahal kita" iyon lang isinagot mo. Nakakatitig lang ako sa mga labi mo. Habang sinasabi mo ang mga salitang iyon. Mahal mo ko. Ako ay mahal mo.

Nabuo ng "mahal kita" ang salitang "ako".

Nanginginig pa rin ako.

Natatakot na baka hindi naman talaga ito totoo. Na hindi ka totoo, na gawa-gawa ka lamang ng aking isipan para punan ang mga kakulangan ko.

Hinalikan kita para malaman kung totoo ka ba. Hinalikan mo ko para patunayang mahal mo ko.

Gustong lumabas ng laman sa dibdib ko, gustong sumabog, gustong kumalas.

Bakit ganito? Bakit ganito ang epekto ng mga labi mo sa labi ko?

Handa ka ba talgang magmahal ng isang tulad ko?At ako? Handa na ba akong mahulog sa bangin mo?

Ang Mga Salitang Isinulat Ko Para Sa'yoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon