Ang "Minsan" Ko

174 5 0
                                    

Ikaw iyong bumuo minsan sa pagkatao ko. Ikaw iyong minsang naging ilaw ko kapag nilalamon ako ng kadiliman at kailangan kong umahon sa impiyerno. Ikaw iyong minsang naging dalampasigan ko kapag inaanod ako ng malalakas na alon at naliligaw sa malawak na karagatan ng pagdududa, paghihinala, takot at pangamba. Ikaw iyong minsan ko.

Iyong minsan na kadalasan mas higit pa sa walang hanggan. Iyong minsan na malaya, walang plano, walang direksyon, walang patutunguhan, walang sinusunod, walang kailangang patunayan, walang batas o artikulo, walang kahit ano. Ikaw lang at ako. Sa minsan na ating binuo.

Ang problema? Ang minsan hindi puwedeng maging lagi, hindi puwedeng maging araw-araw, hindi puwedeng maging habambuhay. Kaya hinayaan kitang lumakad palayo, lumangoy palayo, tumakbo palayo. Dahil alam kong hindi mo sa akin mahahanap ang walang hanggan. Hindi mo sa akin matatagpuan ang mga salitang, "Tayo lang hanggang huli." Hindi sa akin na minsan mo.

Isang araw nagising ako na sabi nila ang dapat ko raw itawag sayo ay 'TOTGA' o 'The One Got Away' ko. Ikaw daw ang tipo ng taong dumaan lang pero hindi nanatili. Kumaway lang pero hindi bumati. Sumilip lang pero hindi pumasok. Dahil hindi puwede. Hindi natin alam ang dahilan kung bakit hindi puwede pero may mga bagay kasi sa mundo na kahit anong gawin mo hindi talaga puwede. Na kahit anong pilit ang gawin mo hindi talaga para sa'yo.

Ikaw iyong minsan ko. 

Iyong sana ko. 

Iyong paano kung ko. 

Iyong akala ko. 

Iyong TOTGA ko. 

Ang habambuhay ko na ililista sa aalala ko.

 Iyong kapag tatanungin ako ng kung sino, isa lang ang isasagot ko. 

"Siya? Siya 'yong minsan ko. Iyong kamuntik ko nang hawakan ng mahigpit pero masakit kaya bumitaw ako."


Ang Mga Salitang Isinulat Ko Para Sa'yoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon