Anim Na Taon

82 1 0
                                    

2010

Unang beses pa lang kitang nakita. Alam ko na. Kahit hindi malinaw, alam ko na kung bakit napakadali para sa 'king ngumiti. Kung bakit napakahirap sa 'kin na huwag pansinin ang paulit-ulit na ibinubulong ng sistema ko na, "wala kang pag-asa". Kung bakit binibilang ko ang mga oras. Iniipon ko ang mga sandali. Isinusulat ko ang bawat letra ng pangalan mo sa blangkong pahina ng puso ko. Umaasang darating ang araw na ikaw na mismo ang magsusulat ng pangalan mo sa lahat ng pahina nito.

2011

Nakita kitang naglakad papasok sa pagkatao ko. Hinayaan kitang humakbang palapit sa mundo ko. Hindi ko pinansin ang ideyang nagsusumiksik sa maliit na bahagi ng utak ko. Ang alam ko lang? Kung gaano kaganda ang ngiti mo. Kung gaano ako kasaya nung sinabi mong, "mag-umpisa na tayo." Nung hinawakan mo ang kamay ko at sabay tayong tumakbo. Sa malabong daan pero malinaw ang mga hakbang. Walang lingon-likod pero deretso lang. Deretso lang tayo, mahal.

2012

Ayokong lumayo sa 'yo. Ayokong ihakbang ang mga paa ko sa magkaibang direksyon. Ayokong bumitaw. Pero itinali mo ang mga kamay ko. Iyong taling hindi mahigpit, hindi rin maluwang papalupot sa kamay mo. Para kapag malapit na kong bumitaw hihilahin mo lang ako pabalik, pabalik sa mga yakap mo. At sa mga pangarap na magkasama pa nating aabutin. Sa mga panaginip na sinabi mong magkayakap nating papatunayan. Pero hindi mo lang alam, ikaw na mismo ang panaginip ko.

2013

Maraming mali. Maraming pagkakamali. Mga pagkukulang. Mga patlang na hindi mapunan. Mga kalungkutan na akala natin wala nang katapusan. Pero nung araw na sumama ako sa 'yo. Nung araw na sinabi kong mahal kita. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal ko ang bawat maling nanalaytay sa pagkatao mo. Ang bawat sirang parte. Ang lahat ng bahaging hindi gumagana. Ang hindi perpektong ikaw. Ang ikaw na nakilala ko.

2014

Hindi bagyo ang pagmamahal ko na isang buhos lang pagkatapos ay wala na. Hindi rin ambon na nagpapasabik lang at mayamaya, wala na. Tamang ulan lang. Tamang buhos lang. Pero palaging nandyan tuwing magtatapos ang tag-init. Tuwing mangangalahati ang taon. Taon-taon. Hindi ka iiwan. Minsan sa mga panahong hindi mo inaasahan. Kaya mahal, ihanda mo na ang payong dahil paulit-ulit kong ibubuhos sa 'yo ang pagmamahal ko.

2015

Itinuro mo ang mga bituin. Ipinakita mo sa akin ang mga kinang niyon. Kasabay ng pangarap nating bahay, buhay, mga anak, pati aso. Hindi mo lang alam nang mga sandaling iyon, tumigil ang lahat sa mundo ko. Tumigil ang oras ko para sa 'yo. Gusto kong tumigil ang mga segundo para hindi na matapos ito.

2016

Bagong mundo. Bagong daan. Mas maraming lubak. Hindi iilang beses akong nadapa. Nagkasugat. Nagkasakitan. Humigpit ang hawak mo. Pero kahit naman hindi mo na higpitan ang pagkakapit mo sa puso ko, hindi kakawala 'to dahil nakaprograma na 'to sa 'yo. Nakaprograma na sa mga yakap mo. Alam na ang mga halik mo. Alam na ang pangalan mo.

Kaya salamat sa mga pagkakataong nabulag ako ng ibang ilaw. Nawili ako sa kalawakan ng mga bagay na akala ko kailangan ko. Pero matagal ko na palang natagpuan. Nagtatago lang sa kaibuturan mo.

2017

Anim na taon. Anim na taon tayong naglakad, tumakbo, lumangoy, gumapang sa karagatan ng iba't ibang uri ng emosyon—saya, tuwa, pait, galit, poot, lungkot pero bumabalik at bumabalik pa rin tayo sa lungkot, poot, galit, tuwa, saya. 

Sa saya. 

Bumabalik pa rin ako sa 'yo.

Ang Mga Salitang Isinulat Ko Para Sa'yoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon