Mabilis ang aming pagtakbo ni Serria papunta sa lugar kung saan ginanap ang malakas na pagsabog. Marami kaming nakakasalubong na mga taong kumakaripas din ng takbo palayo sa lugar na iyon. May mga tao pang sugatan at paika-ika ang pagtakbo.
Bigla akong kinabahan at kasabay ng pagtambol ng aking puso ang malalakas na sirena.
"Ano hong nangyari?" Tanong ni Serria sa isang matandang nakasalubong niya.
Bakas sa mukha ng matanda ang pagkataranta at takot.
"M-May d-demonyo!" Natatakot na sagot ng matanda.
Nang marinig ko naman ang kanyang pahayag ay tila tinubuan ako ng pag-asa. Nagkatinginan kami ni Serria at siguro ay parehas kami ng iniisip.
Baka ito na ang huling demonyo sa lupa. Baka ito na ang matagal kong hinahanap!
Nagpasalamat si Serria sa matanda at nagpatuloy muli kami sa pagtakbo.
Nadatnan namin ang lugar na marumi at kitang-kita kung gaano katindi ang pinsalang idinulot ng pagsabog.Gumapang ang kaba sa aking dibdib nang makita ko ang isang lalaki na nakasalampak sa sahig. May malalaking pakpak ito sa kanyang likod at wala siyang saplot na pang-itaas. Mapupula ang balat nito sa buong katawan. At nang maramdaman ko pa lang ang kanyang presensya, kinikilabutan na ako nang todo.
Pero ang nakakapagtaka, tila pamilyar na sa akin ang presensya ng lalaking ito. Tila lagi ko itong nararamdaman.
Naramdaman ko naman ang malamig na kamay ni Serria nang ikapit niya ang kanyang kamay sa aking braso.
"Shemay. Shemay. Shemay. Tortia, ganyan p-pala ang itsura ng d-demonyo. K-Kinikilabutan ako!" Kinakabahan niyang sabi habang nananatili pa rin ang tingin sa taong demonyo.
Dahan-dahan kong inalis ang kanyang kamay sa aking braso dahil kailangan ko ng kunin ang demonyong nasa aming harapan. Kailangan ko na silang pagtagpuin ni Jaric para makalaya na ako sa kamay ng pinuno!
Gumuhit ang kagalakan sa aking mukha at mabilis kong nilapitan ang demonyo. Hinila ako pabalik ni Serria pero hindi ako pumayag. Desperada na ako!
"Tortia! Baka kung ano ang gawin sa'yo niyan!" Sigaw niya nang medyo makalayo na ako sa kanya.
Dinig ko ang singhapan ng mga taong nakapaligid. Nakakatawa talaga ang mga tao ngayon. Palilibutan at aalamin pa nila ang sitwasyon para may maichika sa kakilala kahit delikado na ang nangyayari.
Kusa akong napahinto nang isang metro na lang ang layo ko sa demonyo. May ilan ng white guards ang sumisigaw sa akin na lumayo ako sa demonyo. Hindi nila alam ang misyon ko kaya ganito sila kung makapigil sa akin. Hindi nila alam kung gaano katindi ang misyon ko.
Dahan-dahang tumingala ang demonyo at nang magkatinginan kaming dalawa ay mas lalong dumagundong ang aking puso. Nagkatitigan kaming dalawa at walang salita ang ibig lumabas sa aking bibig. Tila naging pipi ako nang biglaan!
Napapikit ako nang hawakan niya nang mariin ang aking leeg. Ang kanyang mata na matitindi ang pagkapula ay nanlilisik na nakatingin sa akin. Nabingi ako sa sigawan ng mga tao nang masaksihan nila ang ginawa sa akin ng demonyo.
Napaawang ang aking bibig nang kulangin ako sa hangin. Napahawak ako nang mariin sa kanyang kamay na nakasakal sa akin. Matalim kong tinignan ang demonyo at napangisi ito sa akin kaya mas lalo ko siyang tinignan nang masama.
Mas lalong nagsigawan ang mga tao at ang tili ni Serria ang pinakanangingibabaw nang maglaho kaming dalawa ng demonyo sa kanilang harapan.
Napahawak ako sa aking leeg at medyo nakakahinga na ako nang bitiwan ng demonyo ang aking leeg. Umayos na rin ang aking paningin na kanina lang ay nanlalabo.
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasyDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...