Chapter 21

98 4 0
                                    

Inalalayan ako ni Mensahero sa pagtayo at inilayo niya ako sa lugar na ‘yon. Dinala niya ako sa Blood River at umupo kami sa pangpang doon.

Nakatulala lang ako sa tubig ilog na rumaragasa sa aking paang nakalublob doon. Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang aking dibdib dahil sa nalaman. Naiiyak pa rin ako kapag naiisip ko ang katotohanang iyon.

Lumukot ang mukha ko at muling bumuhos ang aking luha. Hinayaan lang ako ni Mensahero na umiyak sa kanyang tabi. Hindi niya ako pinigilan dahil sa pagkakataong ito, pagluha na lang ang tangi kong magagawa.

Hindi ko talaga matanggap na si Serria ang kapares ni Jaric. Ang sakit-sakit isipin ang katotohanang iyon. Naghirap akong maghanap sa huling demonyo pero nasa harapan ko lang naman pala ang hinahanap ko. Kaibigan ko lang pala ang hinahanap ko noon pa man.

Nadinig ko ang pagpapakawala ni Mensahero sa kanyang mabibigat na hininga.

“Naalala mo no’ng nakaangkas ako sa ‘yo sa motorsiklo noon? No’ng tinanong ko sa ‘yo ‘yung kaibigan mong babae at sinabi mong si Serria iyon. At sinabi ko ang totoo niyang pangalan noon,” biglaan niyang sabi.

Natigil ako panandalian at naalala ko nga iyon.

“Taeri Torres,” sabi ko nang maalala ko ang pangalang sinambit niya.

“Tama. Hindi siya si Serria, Taeri Torres ang totoo niyang pangalan. Isa siyang dalagitang namatay noong mangyari ang delubyo rito sa Lishè City. At si Jaric…” putol niya saglit. “Simoun Reyes ang totoo niyang pangalan at kagaya nang kay Shulgi, namatay rin siya dahil sa delubyo. Kinuha ang kanilang katawan ng dating pinuno rito at sinipsip ang nasa loob ng katawan.”

Napapikit ako at muling napahikbi nang mabuo sa aking utak ang pagpatay na ginawa ng dating pinuno kina Taeri at Simoun.

“Ganoom kasama ang dating pinuno?” Humihikbi kong tanong.

“Oo, at sa kabutihang palad, natalo ni Tey Rivera ang pinunong iyon,” sagot niya.

Napaangat ang tingin ko sa kanya at kumunot ang aking noo.

“Tey Rivera? Ang Presidente ng lungsod ngayon?” Gulat kong tanong sa kanya. Ngumiti siya nang matipid at tumango bilang pagsang-ayon.

Napalunok ako at muli kong binalik ang mata ko sa ilog.

“Masama ba sina Simoun at Taeri?”

“Hindi naman.”

“Hindi naman pala, kaya bakit sila naging demonyo?” Nagtataka kong tanong.

Naramdaman ko ang pagtitig niya sa akin kaya napaayos ako ng upo. Nadinig ko naman ang pagbuntong-hininga niya kaya napatingin ako sa kanya.

“Dahil iyon ang nakatadhana sa kanilang dalawa,” maikli niyang sagot.

“Ikaw, tao ka rin ba noon na naging demonyo?” Wala sa sariling tanong ko. Napakurap-kurap pa ako sa pagkabigla pero pinanindigan ko na rin ang tanong na iyon.

Umigting ang kanyang panga. “Sa impyerno ako ipinanganak, Taga-gabay.”

Nakagat ko ang labi ko nang sumakit ang aking ulo pero segundo lamang ang itinagal no’n kaya nakahinga ako nang maluwag.

Tumingala ako sa kalangitan at nakita ko ang ulap na malapit nang lumuha. Nang ipikit ko nang marahan ang aking mga mata, nadama ko ang dahan-dahang pagpatak ng tubig sa aking mukha.

“Gusto ko ng umuwi, Mensahero…” nanghihina kong sinabi at naramdaman ko ang kamay niyang lumapat sa aking kamay. At sa aking pagdilat, nasa kwarto na ako.

Napatingin ako kay Mensahero na nasa aking gilid at naabutan ko siyang nakatitig sa ‘kin. Napaayos ako sa pagkaka-upo sa aking kama.

“Maraming bagay ang nangyari ngayon… magpahinga ka na muna,” aniya sa pamamagitan ng napapaos na boses kaya halos manlambot ako.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon