Nagising ako nang maramdaman ang kaluskos sa aking silid. Mabilis kong nilinga ang buong kwarto at wala naman akong nakitang tao. Humiga na muli ako sa kama at nakipagtitigan ako sa kisame.
Ang ulan ay patulo-tulo na lamang, hindi kagaya kahapon na malakas ang bawat bugso. Siguro ay nakadaan na ang bagyong Maydon sa buong lungsod.
Napakunot ang aking noo at gulat na napabangon sa aking kama. Pinasadahan ko ng tingin ang aking buong katawan at nakitang iba na ang aking suot. Pati na rin ang bedsheet at kumot ay iba na.
Hindi naman ako nagpalit nang makarating ako rito, ah? Sa pagkakaalam ko, natulog kaagad ako dahil wala akong lakas upang magpalit pa. Sino ang may gawa nito?
Gusto ko mang alamin ay hindi ko na ginawa. Wala na akong oras upang alamin pa kung sino ang may gawa nito. Siguro ay itutuon ko na lang ang lahat ng aking oras sa paghahanap. Gusto ko nang matapos ito.
Inilapat ko ang aking dalawang talampakan sa malamig na sahig. Nakaramdam ako ng sakit ng ulo at pagkahilo kaya pumikit ako nang mariin. Bumuga ako ng hangin at nadamang may kainitan ito.
“Lalagnatin pa yata ako,” bulong ko nang hawakan ko ang aking leeg at ang aking noo.
Mainit ang aking pakiramdam pero nilalamig naman ako. Parang ewan na naiinitan na nilalamig ang aking katawan pero hindi ko na ito pinansin kahit may sakit man ako. Kayang-kaya itong gamutin ng gamot kaya tuloy ang aking plano.
Tumayo ako at dumeretso sa banyo upang maligo. Tanghali na akong nagising kaya kumakalam na rin ang aking sikmura.
Mabilis lang ang pagligong ginawa ko dahil sa lamig ng tubig. Nagbihis ako ng simpleng puting damit at itim na pantalon. Sinuot ko ang paborito kong kulay tsokolate kong bota. Kinuha ko rin ang aking balabal na nakasabit sa likod ng pinto ng aking kwarto.
Pinusod ko ang aking buhok at nang makitang handa na muli akong sumabak sa paghahanap ay napagpasyahan ko ng lumabas ng kwarto.
Ngunit bago ako makaalis sa harap ng salamin ay nahagip ng aking mata ang isang itim na sobre na galing kay Mensahero. Dinampot ko ito at kinuha ang mensahe sa loob.
Magpahinga ka muna. Ika’y may lagnat pa.
Pasensya na, Mensahero, pero handa na ako. Wala nang makakapigil pa sa akin.
Inilapag ko muli sa ibabaw ng maliit na kabinet ang sobre at lumabas na ako nang tuluyan sa aking kwarto.
Mabibigat ang aking talukap. Tila hirap na hirap akong imulat ito. Siguro ay dahil ito sa sakit ko ngayon.
Pumunta akong kusina at kumuha ako ng isang basong tubig saka ng isang gamot. Agaran ko itong ininom at nang matapos ay pumunta na ako sa sala upang marating ang pinto ng bahay.Wala na naman si Jaric sa bahay pero nakakagulat dahil may nakita akong papel na nakadikit sa telebisyon. Kinuha ko ang papel at binasa ang nakasulat dito.
Torts, naggagala lang ako sa gubat.
Napataas ang kilay ko. Aba, ginawan niya ako ng bagong palayaw, ah.
Medyo nakahinga naman ako nang maluwag-luwag nang naggagala lang naman pala siya sa gubat. Mabuti naman at natututo na siyang magpaalam.
Kumuha ako ng panulat sa aking shoulder bag at nagsulat din sa papel. Sinulat ko na nasa lungsod ako at may gagawin lang.
Ngumiti ako at lumabas ng bahay. Sinakyan ko ang aking motorsiklo pero bago ko suotin ang aking helmet ay napatingala ako sa mga punong nakahilera sa aking kaliwa. Sa kanan ay ang aking bahay, sa kaliwa naman ay ang mga punong nakahilera.
May kaluskos sa itaas nito kaya roon ang aking tingin. Napakunot ang aking noo. Yumuko muna ako at sinindihan ang aking motorsiklo.
“Ang sabi ko’y magpahinga ka na muna.” Napataas ang aking tingin at napahawak ako sa aking dibdib dahil sa gulat.
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
ФэнтезиDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...