Wala akong makita kung hindi dilim lang. Walang kaliwa-liwanag dito. Dahan-dahan kong kinapa ang batong ginawang pantakip ni Mensahero sa butas na ginawa niya. Kahit narito na ako sa loob ay dinig na dinig ko pa rin ang sigawan nila dahil sa pakikipaglaban.
Unti-unti akong napayuko. Gusto ko na talagang malaman ang tunay kong katauhan. Naguguluhan na ako sa lahat. Pakiramdam ko ay may malaki akong krimeng nagawa rito kaya ganito nila ako kagustong mapatay. Gusto kong malaman ang dahilan. Gusto kong malaman ang nagawa ko sa kanila para malaman ko rin kung bakit nagagalit sila nang ganito.
Si Mensahero… bakit handang-handa siyang isakripisyo ang sarili niyang buhay para lang mailigtas ako? Gaano ba niya ako kamahal? May nakaraan ba kami ni Mensahero?
Nabalik lamang ako sa wisyo ko nang maramdaman ko ang dahan-dahang pamimilipit ng sikmura ko. Napahawak ako sa t’yan ko at impit na napasigaw nang makaramdam naman ako nang matinding pagkahilo. Hinawakan ko ang aking ulo dahil tila binibiyak iyon. Inawang ko ang aking labi para makahinga ako nang maayos pero tila may bara sa aking lalamunan na kahit gaano ko pa iluwang ang bibig ko, hindi pa rin ako makakahinga.
“Ahh!” Hiyaw ko nang tila may malakas na pwersa ang tumama sa aking t’yan. Mas lalo akong hindi nakahinga dahil doon.
Biglang nagliyab ang dalawa kong kamay at tila nahipnotismo ako sa apoy na dumadaloy sa aking kamay. Parang dahan-dahang lumalapit ang apoy sa aking mukha at nang dumikit iyon ay biglang may alaala akong nakita. Hindi ko alam kung sa akin ba iyon o hindi.
Nang lamunin ng apoy ang utak ko ay nakita ko ang hindi pamilyar na alaala.
May isang babae, malabo ang kanyang itsura. Isa siyang demonyo na may makakapal at maiitim ding pakpak. Mayroon din siyang sungay at mapupula rin ang kanyang balat at mata. Sa kanyang harapan ay si Mensahero... Napalunok ako nang makita ko sa alaalang ito si Mensahero.
Naririto sila sa impyerno, nasa tagong silid sila, magkaharap silang dalawa at mapungay ang tingin ni Mensahero sa babaeng kaharap niya.
“Matagal na akong nagtitiis dito, Mensahero…”
Nanindig ang balahibo ko sa pagkakalumanay ng boses ng babae. Paanong nangyari ‘yon? Isa siyang demonyo kaya bakit ganoon kalumanay ang boses niya?
“Huwag mo akong iwan,” pagmamakaawa ni Mensahero. Biglang tambol ng puso ko dahil doon.
“Hindi kita kayang iwan dito pero kinakailangan ko, Mensahero. Hindi rito ang tahanan ko. Hindi ako nababagay rito.” Dahan-dahang lumapit ang babae kay Mensahero.
Kitang-kita ko ang pag-igting ng panga ni Mensahero. “Hinayaan kita sa kanya noon. Pinayagan kita noon na mapasakanya pero ngayon, hindi ko na kaya pang payagan ka. Hindi na kita hahayaan pang makalayo sa akin. Hindi ko na kaya, mahal ko.”
Naramdaman ko ang pagtulo ng luha ko. Hindi ko alam kung bakit ko ito nararamdaman. Siguro dahil nalaman ko ngayon na may minahal pala si Mensahero? Na ganito pala niya kamahal ang babaeng ‘to?
Malabo ang itsura ng babae kaya hindi ko makita ang itsura’t reaksyon niya. Hindi ko makita kung natutuwa ba siya dahil ganito siya kamahal ni Mensahero. Gusto kong makita… gusto kong makita ang mukha ng demonyong minahal ni Mensahero.
“Palayain mo ‘ko, Mensahero… Tama sila, hindi ako nababagay rito. Papatayin lang nila ako kapag nandito akoㅡ”
“Kahit saan ka man magpunta, papatayin ka pa rin nila! Narito ka man sa impyerno o nasa lupa, papatayin ka pa rin nila! Pero kapag nasa tabi kita’t nasa bisig ko, pangako, hindi ka nila mahahawakan. Hindi ko sila hahayaan…” pagsusumao ni Mensahero.
Sunud-sunod ang pagtulo ng mga luha ko. Hindi sila mapigilan sa pagtulo. Damang-dama ko ang puso kong nagwawala dahil sa nakikita ko ngayon. Nasasaktan ako…
Mensahero, nasasaktan ako.
Nakaramdam ako ng pagkahilo nang biglang magbago ang alaalang nakikita ko. Nasa harapan ngayon ni Mensahero ang isang demonyong pinakapinuno sa impyerno at katabi no’n si Taga-bantay.
“Mensahero, patayin mo ang demonyong ‘yon. Dalhin mo sa akin ang kanyang labi kapag nagawa mo na ang ini-utos ko sa iyo. Siguraduhin mong mapapatay mo siya at kapag nalaman kong niloloko mo ako, gigilitan kita sa harap mismo ng mahal mo,” mariing utos ng Pinuno kay Mensahero.
Nakayuko lamang si Mensahero nang may lumapit na isa pang demonyo sa kanya.
“Ala, ikaw na ang bahala kay Mensahero.”
Lumuhod si Ala at dahan-dahan nang naglakad palabas ng kaharian.
Muling nagbago ang nakikita ko. Tumatakbo si Mensahero at si Ala. Buhat-buhat ni Mensahero ang babaeng malabo ang mukha. Tila sila-sila lang ang nakakaalam sa kanilang ginagawa.
“Ala, maraming salamat sa pagtulong mo,” sinabi ni Mensahero kay Ala na nakangiti lang.
“Mag-iingat ka, Mensahero. Siguraduhin mong malinis ang gagawin mo.”
“Aalis na kami.” yumuko si Mensahero at ganoon din ang ginawa ni Ala.
Pumasok sa isang portal si Mensahero at muli akong nakaramdam ng matindinv pagkahilo. Nagbago ulit ang alaalang nakikita ko. Kailan ba ‘to matatapos? Kanina pa ako nasasaktan.
Nasa isang liblib na lugar sina Mensahero rito sa lungsod. Inilapag ni Mensahero ang babae sa sahig.
“Patawad, mahal ko, sisiguraduhin kong muli tayong magkikita,” bulong ni Mensahero bago yakapin ang babae.
Hindi ko kinakaya ang sakit na nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko ang ginagawa ni Mensahero sa babae. Isiping ginagawa ni Mensahero ang lahat para sa babae ay sobra ang sakit na nararamdaman ko.
Walang malay ang babae kaya hindi niya nasasaksihan ngayon ang sobra-sobrang pagmamahal sa kanya ni Mensahero. Kung ako ‘yon, pipilitin kong magising para lang makita kung gaano kaganda ang pagmamahal ni Mensahero sa akin...
Inilagay ni Mensahero ang kanyang kamay sa ulo ng babae at habang siya’y bumubulong, may itim na usok ang lumilitaw sa kanyang kamay. Pumapasok iyon sa ulo ng babae at nang mawala ang usok ay isa-isang naglaho ang pakpak at sungay ng babae. Nagbago rin ang kanyang balat.
“Patawad sa kahangalang ginawa ko. Pangako, magkikita rin tayo,” muling bulong ni Mensahero bago siya tumayo.
Nang may lasing na babae ang dumaan sa kanilang pwesto ay kaagad na hinablot iyon ni Mensahero at napatalon naman ako sa gulat nang biglang masunog ang babae niyang hawak at sabay pa silang naglaho ni Mensahero.
“Tortia!”
Mabilis akong napadilat nang makarinig ako nang malakas na sigaw. Nakita ko si Mensahero na paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ko. Nasa likuran niya ang dalawang itinakda.
“Dalian mo, Torts! Tatakas na tayo! Hindi na namin kaya ‘yung dami ng demonyo rito!” Digaw sa akin ni Jaric.
“Kumilos ka na riyan, gaga!” Singhal naman sa akin ni Serria pero na kay Mensahero lang ang mata ko. Dahan-dahan siyang lumalapit sa akin. Seryoso ang kanyang mata dahil sa nakikita niyang Tortia ngayon. Tortia’ng umiiyak dahil kanina pa nasasaktan. Tortia’ng umaasa dahil akala niya ay siya ang tunay na mahal ni Mensahero… pero hindi naman pala.
Dahan-dahan akong ngumiti kay Mensahero dahil sa nalaman ko. Nang dahil sa nakita kong alaala, masasabi kong...
“Mensahero, may mahal kang iba.”
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasyDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...