Chapter 8

174 10 0
                                    

Hindi ako nakakibo at puno pa ng kaba ang dibdib ko. Hindi ko alam ang isasagot sa sinabi niya. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o dapat na akong matakot? Pwede ba ‘yon? Ang magkagusto ang demonyo sa tao? Hindi ba, demonyo sa demonyo at tao sa tao?

Pwede ba ang demonyo sa tao? Wala bang parusa kapag nagsama o umibig ang demonyo sa tao?

Mas lalo akong kinabahan dahil sa mga pinag-iisip ko. Tortia, tigilan mo na nga ang pag-iisip ng kung anu-ano!

“‘Uy, biro lang! Naniwala ka naman kaagad!” Aniya sabay tawa na hindi ko naman alam kung tawa nga ba o ano.  

Dumaan muna ang ilang segundo bago ako makabalik sa aking katinuan. Pinunasan ko ang noo ko dahil sa sinabi niya. Nakahinga rin naman ako nang maluwag nang malamang biro lang ‘yon kahit papaano.

Akala ko naman ay totoo ‘yon. Mabuti na lang at hindi. Minsan talaga ang paasa ng mga tao, eh.
Pero paano kung hindi iyon biro? Paano kung sinabi niya lang na biro ‘yon kahit hindi?

Oh, Tortia, huwag mo nang pangarapin.

Muli niyang sinindihan ang gripo at dumaloy ang tubig sa hose at tumama ito sa akin. Pinag-ekis ko ang aking mga braso para hindi matamaan ang mukha.

“Jaric! Tumigil ka nga!” Sigaw ko pero tawa lang siya nang tawa sa kanyang ginagawa.

Basta talaga kasamaan, ang saya-saya niya. Basta masamang gawain, buhay na buhay ang sistema niya. Ano pa nga ba ang aasahan ko? Demonyo siya, normal na lang sa kanya ang kasamaan.

Pero… maaari bang magbago ang demonyo? May ganoon ba? Minsan ba ay dumadaan sa isip nila na bakit hindi nila itigil ang masamang gawain? May demonyo bang ganoon ang takbo ng utak?

“Ang init ng panahon, kailangan nating magbasa para makaramdam naman ng lamig,” paliwanag niya.

Nang hindi ko na maramdaman ang tubig na bumabasa sa akin, tinanggal ko ang pagka-ekis ng aking mga braso at tinignan ko siya nang matalim.

“Ang daya mo! Wala akong panlaban sa’yo!” Nakanguso kong singhal sa kanya.

Napangisi siya at napakibit ng kanyang balikat saka muli akong binasa.

Tinanggal ko ang aking balabal at ginawa itong pangharang sa tubig. Napatingin ako sa aking sarili at kitang-kita na sa aking puting damit ang aking bra. Napamura ako at inilihis na ang tingin doon.

“Bwisit ka, Jaric! Kapag ako nakabawi sa’yo, hihigitan ko pa ‘yang ginagawa mo ngayon!” Pananakot ko pero mukhang hindi naman siya na-indak dahil patuloy lang siya sa pagtawa.

“Torts, natatakot ako, grabe!” Sarkastiko niyang tugon na aking ikinairap.

Sasagot pa sana ako kaso nabaling ang atensyon ko sa kotseng humaharurot papunta sa aking bahay. Nanlaki ang aking mata dahil pamilyar ang kotseng iyon.

“Serria...” bulong ko at bigla akong nataranta.

Napatingin ako kay Jaric at ang atensyon niya ay nasa kotse ring paparating.

Hindi ‘to pwede! Hindi pwedeng makita ni Serria ang demonyong ginagabayan ko. Baka pati siya’y madamay!

Nang huminto ang kotse ay kaagad kong pinuntahan si Serria. Palabas pa lamang siya ng kotse nang agad kong binalot sa mukha niya ang basang-basa kong balabal.

“T-Tortia! Ano bang ginagawa mo!” Naghihisterikal niyang tanong sa akin.

Hindi ako sumagot at sinulyapan ko si Jaric pero hindi ko na siya nakita sa kanina niyang pwesto. Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang wala na siya.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon