Dalawang araw na ang nakalilipas nang huli kaming magkita ni Mensahero. Ang kanyang itim na sobre na may laman na mensahe ay nasa ilalim lagi ng aking unan. Hindi ko yata pwedeng iwala ang mensaheng iyon at ayoko talagang iwala.
Lumabas ako ng aking kwarto at nang pumunta akong sala ay nagulat ako nang biglang may yumakap sa akin.
“Tortia!” Nakakabinging sigaw ni Serria.
Nanlaki ang mata ko at iniharap siya sa akin. Paano niya nalaman kung nasaan ang bahay ko? Paano siya nakapunta rito! Nagkita na ba sila ni Jaric? Nagka-usap ba sila? Hindi niya pwedeng makita si Jaric! Hindi niya pwedeng makita ang demonyong ‘yon!
Kumalabog ang dibdib ko dahil sa kaba. Nanghina ang tuhod ko dahil sa isiping baka nagkita silang dalawa.
“S-Serria, may nakita k-ka bang tao rito? May nakausap ka b-ba?” Kinakabahan kong tanong.
“Ha? Wala naman akong nakitang tao rito bukod sa’yo. Bakit? May dapat pa ba akong makita? May kinakasama ka ba rito?” Pinanliitan niya ako ng mata kaya umiling ako.
Nang malamang wala naman na siyang ibang nakita ay nakahinga ako nang maluwag. Siguro ay naglibot ito sa gubat.
Bigla naman niya akong sinuntok sa mukha na lubos kong ikinagulat.
“Dalawang araw na ang lumipas pero hanggang ngayon, wala ka pa ring reply sa mga tanong ko! Aba, hoy! Nag-aalala ako sa’yo! Tapos hindi mo papansinin mga messages ko? Aba, ayos ka rin, ah!” Mahaba niyang singhal sa akin.
Tinakpan ko ang magkabilang tainga ko dahil sa tinis ng kanyang boses.
“Sige! Takpan mo pa ‘yang tainga mong may makakapal na tutule! Huh! Akala mo nag-aalala ako sa’yo? Hindi!” Natawa ako nang mahina sa kanyang mga sinabi.
Baliw na talaga ‘tong babaeng ‘to. Kasasabi lang niyang nag-aalala siya tapos sasabihin niyang hindi? ‘Yung totoo?
Napailing na lamang ako at kinaladkad ko siya papunta sa aking kwarto. Kunot ang kanyang noo nang tignan niya ako. Sinarado ko ang pinto at hinarap siya.
“Serria, paano ka nakapunta rito? Paano mo nalaman ang bahay ko?” Sinubukan kong ikalma ang tono ng aking pananalita. Pilit kong tinatago ang kaba.
Umupo siya sa aking kama at nginusuan ako. “Ilang taon na tayong magkaibigan pero ngayon ko lang nalaman kung saan ang bahay mo. Paano ko ito natunton? Syempre dahil maganda ako! Duh.” Maarte niyang saad na ikinasapo ko ng aking mukha.
Anong konek ng kagandahan niya sa kung paano niya ito natunton? Minsan talaga ay mema ‘tong si Serria.
Nilapitan ko siya at hinawakan sa kanyang magkabilang balikat. Mas lalong ginapang ng kaba ang dibdib ko nang makarinig na ako ng kaluskos sa paligid.
Nandito na siya!
Napalinga ako sa buong paligid nang mas lalong lumapit ang kaluskos. Malutong akong napamura at kinaladkad ko si Serria palabas ng buong bahay.
Irita niya akong tinignan nang mailabas ko na siya. Magtatanong pa lamang siya kaso hindi natuloy nang pinigilan ko siya.
“Narinig mo ‘yung mga kaluskos na ‘yon?” Nanahimik ako sandali at narinig naming muli ang mga kaluskos.
Nakita ko ang kaunting pangamba sa kanyang mga mata.
“Kaya hindi ko sinasabi sa’yo ang lugar ng bahay ko ay dahil delikado rito. Maraming engkanto rito at, Serria, nandito na sila…” Napakapit siya sa akin nang mariin kaya napapikit ako dahil sa tulis ng kanyang mga kuko.
“Putspa, Tortia, ba’t ngayon mo lang sinabi?” Natatakot niyang saad habang nililinga ang buong paligid.
Napatalon siya sa gulat nang may biglang kumalabog sa loob ng aking bahay. At nang dahil sa kanyang gulat ay napapasok siya sa kanyang kotse at pinaharurot niya iyon paalis sa lugar na ito.
Napangiti ako nang hindi ko na makita ang pwetan ng kanyang kotse.
“Tatakutin ka lang pala, eh. Tignan lang natin kung makabalik ka pa rito.” Gumuhit ang matagumpay na ngiti sa aking labi bago ko tahakin ang papasok sa loob ng bahay.
Nanlaki ang mata ko nang makitang magulo ang loob ng bahay.
Kita mo nga naman ‘yung Jaric na ‘yon, oh. Hindi talaga uso sa kanya ang salitang ‘mag-ayos’. Bwisit!
“Jaric!” Sigaw ko dahil sa kabwisitan.
Hinawakan ko ang sofa at pilit itong itinayo. Kahit mabigat ay naitayo ko naman. Nalaglag naman ang aking panga nang makitang basag ang T.V.“Anak ng demonyo!” Napasapo ako sa aking mukha.
Napaangat ang aking ulo nang makarinig na naman ako ng sunud-sunod na kalabog at sinundan pa ito nang malalakas na sigaw.
Napatakbo ako sa kusina dahil doon nanggagaling ang mga kalabog at ang mga sigaw.
Natutop ko ang aking bibig nang makitang nakahandusay si Jaric sa lapag. At ang kanyang likod ay unti-unting tinutubuan ng nangingitim na pakpak. Kasabay ng pagtubo ang kanyang nakakabinging sigaw. Nakita ko pa ang iilang pagdaloy ng dugo galing sa kanyang ilong at likod.
Nanginig ang katawan ko at hindi ko alam ang gagawin ko! Ngayon lang siya nakita nang ganito!
Hindi ko alam kung lalapitan ko ba siya o magtatawag ng ambulansya dahil tila hindi niya yata kakayanin.
Tortia, demonyo siya! Hindi niya kailangan ng ambulansya. Kaya niya ‘yan!
Pumikit ako at nang idilat ko ang aking mata ay nanigas ako sa aking kinatatayuan nang makitang nakatayo si Jaric sa aking harapan.
Napakurap-kurap ako dahil sa nanlilisik at mapupula niyang mata. Ang kanyang balat ay tumindi na rin ang pagkapula. Mas lalo akong kinabahan nang bumuka ang tila galit niyang pakpak.
Napatingin ako sa buong bahay nang magpatay-sindi ang mga ilaw. Ang ilang mga wires ay kumikislap at dama ko sa aking talampakan ang paggalaw ng sahig.
Sinulyapan ko ang lamesa at ang mga upuan. Umuuga ang mga ito at ang ilan ay bumuwal na.
Napahawak ako sa pader na malapit lang sa akin nang muntikan na rin akong bumuwal. Bigla akong napatingin sa mga bintana nang lumangitngit ang mga ito.
Pumikit ako nang mariin nang marinig ko ang mga sunud-sunod na kalabog at pagkabasag.
“J-Jaric, tama n-na!” Natatakot kong sigaw.
At mas lalo pa akong natakot nang biglang manikip ang aking dibdib. Umawang ang aking mga labi at tila hinuhugot ang aking kaluluwa.
Napahawak ako sa aking ulo nang sumakit ito at kumirot. Kinapitan ko ang pader nang mas lalong tumindi ang nangyayari sa aking paligid.
Napaangat ang aking ulo at hinawakan ko ang kamay na humawak sa aking leeg. Masikip ang pagkakahawak niya sa akin na naging dahilan para mas lalo akong mahirapan sa paghinga.
Nakatitig ang mga mata ni Jaric sa aking mata at nang titigan ko rin ang kanyang mata, nakita ko roon ang impyerno. Nakita ko roon ang mga demonyo at ang mga bungo.
Gusto kong murahin nang murahin si Jaric pero alam kong hindi niya alam ang kanyang ginagawa ngayon. Alam kong nabigla ang sarili niya sa pagbiglaang pagsulpot ng tunay niyang sarili. At ano pa ba ang aasahan ko sa isang demonyo? Nabuhay sila para patayin kaming mga tao. Lumitaw sila para pagbantaan ang mga buhay namin. Nabuhay sila para tapusin kami.
Tumulo ang mga luha ko nang ihagis niya ako sa sala at tumama ang buo kong katawan sa malapad at matigas na pader.
“Demonyong buhay ‘to…” bulong ko nang maramdaman ko ang pagtulo ng dugo sa aking ilong.
Inangat ko ang aking ulo nang maramdaman ang presensya ni Jaric. Hinawakan niyang muli ang aking leeg habang nanlilisik pa rin ang mga mata.
Pinanggigilan niya ang leeg ko. Nanlabo ang aking paningin at pinilit ko siyang ilayo sa akin.
Muling tumulo ang aking luha nang maramdaman ko na naman ang paghagis niya sa akin. Pero ngayon, hindi na ako tumama sa malapad at matigas na pader. Ngayon, naramdaman ko ang pagsapo sa akin ng isang nilalang. Maiinit ang kanyang mga kamay. Mainit ang kanyang katawan pati na rin mismo ang hininga niyang dumadampi sa aking batok.
Kinilabutan ako nang maramdaman iyon. Nagtaasan ang aking mga balahibo at wala sa sariling napangiti ako at dahan-dahang pumikit.
Mensahero...
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasiDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...