Chapter 30

162 7 0
                                    

Nanatili muna kaming dalawa sa ganoong posisyon. Walang nagsasalita at gumagalaw sa aming dalawa. Tanging paghinga lang niya at pag-iyak ko ang naririnig naming dalawa. Malakas ang kabog ng dibdib ko at kanina ko pa ipinagdadasal na sana, hindi niya naririnig ‘yon. Na sana, hindi niya naririnig kung gaano magwala ang puso ko sa pagyakap na ginagawa niya hanggang ngayon.

Hindi ko na magawa pang magpumiglas. Kapag sinabi kong pagod na pagod na ako, pagod na pagod na ako. Gusto ko nang tumigil. Gusto ko nang tapusin ‘to pero hindi ang pagyakap sa akin ni Mensahero. Gusto ko munang manatili sa oras na ‘to. Gusto ko munang damdamin ang saglit na yakap na ‘to.

Hindi ako gumagalaw dahil natatakot akong baka bitiwan niya nga ako, na baka kalasin niya ang yakap na ‘to. Nakatatawang isipin na kanina lang ay sinisigawan ko siyang bitiwan ako pero ngayon, nananalangin na sana ay magtagal pa ‘to. Nababaliw na nga talaga yata ako.

Nang maramdaman ko ang dahan-dahang pagluwang ng yakap ni Mensahero ay napasimangot ako pero hindi ko ‘yon ipinahalata sa kanya. Ayokong makita niya na nalulungkot ako sa pagkalas niya.

“May masakit ba sa ‘yo?” Matigas niyang tanong kaya tumuwid ako sa aking pagkakatayo.

Hindi ako makasagot sa tanong niyang ‘yon dahil alam kong mauutal lang ako. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan nang ganito. Siguro dahil demonyo siya?

Narinig ko ang marahas niyang pagtikhim kaya napaharap ako sa kanya at tatlong beses na humakbang patalikod para makalayo nang kaunti sa kanya kahit papaano. Kahit gaano ko pa kagusto ang yakap niya, kinakailangan kong lumayo sa kanya. Baka saktan niya ako. Baka bigla niya akong patayin pero heto naman na ang gusto ko, hindi ba? Ang patayin na niya dahil pagod na pagod na ako. Hindi ko na kayang magtiis pa.

“Halika rito, gagamutin ko ang mga sugat mo,” mariin niyang utos pero hindi ako gumalaw. Nanatili lang ako sa kinatatayuan ko habang nakabagsak ang mata sa sahig. Pamilyar sa akin ang batong pasilyong ‘to. Nasa loob kami ng Blood Tree.

“Gagamutin ko ang mga sugat mo, Tortia…” aniya.

Hindi ko alam kung ako nga ba ang kailangan ng panglunas ng mga sugat. Pinasadahan ko ng mata ang katawan niya at sa tingin ko, siya ang may kailangan. Naliligo na siya sa sarili niyang dugo. Ganito ba lagi sa tuwing nagtatagpo ang landas nila ng mga demonyo? Lagi silang nag-lalaban? Nagpapatayan? Sa anong dahilan? Ako? Ako ba ang dahilan ng lahat?

Napapikit ako dahil sa inis sa aking sarili. Hindi ko na kailangan pang kumpirmahin iyon dahil alam na alam kong ako nga ang dahilan. Ako ang dahilan kung bakit galit ang impyerno’t mga demonyo sa kanya. Ako nga ang dahilan kung bakit lagi siyang nakikipaglaban sa mga demonyo. Ako nga ang dahilan kung bakit may naganap na bakbakan ngayon. Ako nga dahilan kung bakit may nadamay na mga tao ngayon. Ako nga ang dahilan sa lahat ng ito. Ako ang pakay rito. Ako ang may kasalanan dito.

Narinig ko ang matitigas niyang pagmumura kaya napaangat ang mata ko sa kanya. Napatalon naman ako sa gulat nang makita kong humahakbang siya palapit sa akin na may matatalim na mata.

“M-Mensaㅡ” hindi ko na natuloy pa ang pagbanggit sa kanyang pangalan nang mahigpit niya akong hinagkan.

Gulat ang itsura ko. Nanlalaki ang mata ko dahil sa yakap na ‘yon. Hindi ako gumagalaw at hindi rin ako makahinga. Yinakap niya ako ulit...

“Wala kang kasalanan. Ako ang may kasalanan dito…” bulong niya habang hinahagod ang aking likod.

Hindi ako nakapagsalita dahil nanginginig ang labi ko. Masyado akong nagiging emosyonal ngayon. Naiiyak ako. Gustong tumulo ng mga luha ko at nagtagumpay ang mga ‘yon. Nang marinig niya ang paghikbi ko ay mas humigpit ang yakap niya.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon