Chapter 15

140 9 0
                                    

Nanginginig ang mga kamay ko. Kanina pa ako balisa at hindi pa ako makapagmaneho nang maayos. Inis kong binirit ang aking motorsiklo at biglang tumaas ang unahan nito. Mabuti na lang at kaya kong balansehin ang ganoon.

Nang makarating ako sa tapat ng bahay ni Serria ay kaagad kong binitawan ang aking motorsiklo. Wala akong pakialam kung masira iyon o magasgasan!

“Serria! Serria, nandito na ako!” Salubong ko pagkapasok ko sa loob ng kanyang bahay.

Inikot ko ng tingin ang buong bahay at biglang laki ng mata ko nang makitang nakahandusay sa sahig si Serria.

“Serria!”

Agaran ko siyang nilapitan. Pinulupot ko ang aking mga kamay sa kanyang balikat at kahit may kabigatan siya, binuhat ko siya papunta sa malapit na sofa.

“S-Serria,” banggit ko sa kanyang pangalan habang nanginginig pa rin. Todo ang pagkabog ng dibdib ko! Sobra akong kinakabahan!

Dumapo ang tingin ko sa kanyang kamay at mas lalo akong nanginig nang makitang pulang-pula ‘yon. Parang sinampal nang walang katapusan sa pagkapula!

Tinampal-tampal ko nang marahan ang kanyang pisngi para gisingin. Nabuhayan naman ako ng loob ng marinig ko ang kanyang pag-ungol. Parang may iniindang sakit.

“Serria!”

Namulat ang kanyang mata at nakasulyap pa siya sa ‘kin ngunit wala pa sa sampung segundo ang kanyang paggising, muli na naman siyang nawalan ng malay. Inis akong napamura.

Kinagat ko ang ibabang labi ko at mariin na pumikit.

“Ano ba talaga ang nangyayari sa ‘yo, Serria…” nanghihina kong bulong.

Sinukbit ko ang isang braso ko sa likod ng mga tuhod ni Serria, ang isang braso naman ay nasa kanyang batok. Binuhat ko siya at dinala sa kanyang kwarto.

Laking gulat ko dahil sa nakita sa kanyang kwarto, muntikan ko pang mabitiwan si Serria. Sobrang gulo ng kanyang kwarto. Mas magulo pa sa kwarto ni Jaric!

Ang ilang kagamitan ay may bakas ng pagkasunog at ang iba’y may iilan pang pipiranggot na silab ng apoy.

Nilapag ko si Serria sa kanyang kama at mabilisang pinatay ang iilang maliliit na apoy, baka kasi bigla pang lumaki iyon.

Tumabi ako sa tabi ni Serria at pinilipit ko ang bimpong may tubig na kinuha ko sa kanyang banyo. Pinunas ko ang basang bimpo sa buo niyang katawan.

Tinagilid ko ang kanyang katawan at laking gulat ko nang may makita akong malaking bukol sa kanyang likod. Ang bukol pang ‘yon ay parang kakaiba ang itsura. Dumapo ang kamay ko sa kanyang bukol sa likod at halos malaglag naman ang aking puso sa biglaang pagsigaw ni Serria.

Napatayo ako dahil sa gulat at halos dumikit ang katawan ko sa dingding upang hindi malapatan ng apoy na nanggagaling sa dalawang kamay ni Serria.

Lumutang ang apoy na nagpakunot sa aking noo. May lumitaw roon na mga letrang hindi pamilyar sa akin. Mas lalong nangunot ang noo ko nang dumami ang mga letra. Sandali nga lang, letra nga ba 'yon o ano?


Marami pang lumitaw na mga letrang panigurado akong kakaibang-kakaiba. Hindi pamilyar sa ‘kin ‘yung letrang ginagamit niya. Hindi ko pa nakita ang letrang iyon. Nag-aral naman ako dati ng mga letra pero bakit hindi pamilyar sa ‘kin ‘yung ginamit niya?

Nagpatuloy siya sa pagsigaw at sa pagkislot. Hindi naman ako makakilos sa kinatatayuan ko dahil sa takot at gulat. Tila nag-ugat ang paa ko sa sahig dahil sa nasasaksihan ko. Ilang minuto pa ang lumipas bago natahimik si Serria at kahit papaano ay mukha naman na siyang mapayapa habang natutulog ngayon. Pero kahit medyo maayos na ang kanyang kalagayan, hindi pa rin ako mapalagay, hindi pa rin ako mapakali sa nangyayari sa kanya.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon