Chapter 11

151 12 0
                                    

Tumangan ako kay Mensahero nang mahigpit at sa aking pagdilat, bumulaga sa akin ang loob ng bahay. Nasa babay na kami.

“Bakit mo ako dinala rito?” Nakanguso kong tanong sa kanya.

Binitiwan ko ang kanyang braso dahil napagtanto kong puro sugat nga pala iyon.

“Gagamutin mo ako, eh,” sagot niya. Pumunta siya sa sofa at umupo roon. Pumunta ako sa kanyang harapan at pumaywang.

“Pwede namang doon na lang kita gamutin, ah? At saka mas maganda roon, maganda ang paligid, ang simoy ng dagat ay nakakapanabik pa! Romantic doon,” paliwanag ko sa kanya.

Tinaasan niya ako ng kilay at gumuhit ang ngisi sa kanyang labi. Napaayos ako ng upo at napalunok pa dahil lamang doon.

“Gusto mo ng romantic na lugar habang ginagamot ako?” Nakangisi niyang tanong.

Napaawang ang labi ko at hindi kaagad nakapagsalita dahil sa gulat. Nag-init ang mukha ko kaya nahampas ko siya.

“Hindi ‘no! Ang i-ibig… ang ibig k-kong sabihin…” lumunok ako, “N-Nasaan si Jaric?”

Halos mapapunas ako sa aking noo nang makagawa ng palusot. Grabe naman kasi, eh. Wala naman akong sinabi na gusto ko sa romantic na lugar ko siya gagamutin. Lakas din ng tama nito.

Balak niya sanang sumandal sa sofa, ngunit agad siyang tumigil dahil sa mga sariwa niyang sugat sa likod. Napapikit siya nang mariin at umungol.

“Sabi ko nga, gagamutin na kita,” bulong ko at tinungo na ang kusina para makakuha ng mga panggamot sa kanyang mga sugat.

“Papunta na ‘yun dito. Hintayin mo lang.” Halos mapatalon naman ako sa gulat nang magsalita siya sa aking likuran.

Hinarap ko siya at nakita kong humugot siya ng isang upuan sa lamesa at doon siya umupo.  

“Natatakot akong mamantsahan ‘yung sofa mo,” sabi niya habang tila natatawa.

“Sus. Ayos lang ‘yon. Wala naman akong magagawa kung mamantsahan ‘yon ng dugo.”

Ngumiti siya kaso agad din iyong nabura dahil muli na naman siyang napadaing. Humigpit lalo ang pagkakahawak niya sa lamesa dahil sa iniindang mga hapdi.

Mas bagay sa kanya ang ngumiti, nagmumukha siyang demonyong walang balak. Ngunit paano mapapanatili ang ngiti sa kanyang labi kung may mga hapdi? Siguro ay kailangan ko na nga talaga siyang gamutin kung gusto ko talagang makita ang ngiting tinutukoy ko.

Inilipat ko sa lamesa ang mga gamot na kinuha ko sa aparador. At habang ginagawa iyon, bigla namang lumitaw si Jaric. Bitbit niya ang lahat ng aming gamit na dinala sa River Blood.

Nakanguso siya at mukhang galit.
“Iniwan n'yo akong dalawa!” Sigaw niya na nagpatindig ng aking mga balahibo. Grabe, mas nakakatakot na ang tinig niya.

Narinig ko namang napahalakhak si Mensahero kaya tumingin ako sa kanya.

“Uso ‘yon, Jaric!” Tugon ni Mensahero, tumatawa habang litaw na litaw ang mga ngipin.

Napakunot ang noo ko dahil sa nasaksihan. At kailan pa siya tumawa nang ganito? Bakit ganito siya makatawa? Bakit bagay sa kanya?

Natigil ako sa paninitig sa kanya nang may dumapong malalaking palad sa aking mukha.

“Torts, bakit n'yo ako iniwan!” Naghihisterikal na sigaw ni Jaric sa akin.

Hinawakan ko ‘yung kamay niya at inilayo ito sa aking mukha.

“Kaiwan-iwan ka kasi!” Panunukso ko habang humahalakhak.

Sobra yata siyang apektado sa ginawa namin ni Mensahero sa kanya. Ngayon niya lang ba naranasang maiwan?

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon