Chapter 25

108 5 0
                                    

Ilang araw na ang nakalipas pero hanggang ngayon, damang-dama ko pa rin ang inggit. Hanggang ngayon, nasa sistema ko pa ang pakiramdam na ‘yon. Bawat gabi, pinipilit kong alisin iyon. Bawat gabi, pinipilit kong ilayo ang sarili sa inggit pero hindi ako nagtatagumpay. Inggit na inggit ako.

Kahit isipin kong hindi siya galak na galak ngayon dahil may sakit siyang nararamdaman sa pagkakaalala niya sa dating siya pero… hindi ko pa rin maiwasan. Kahit isaksak ko sa utak ko kung gaano rin siya nasasaktan, sumisingit pa rin ang kaisipang mabuti pa siya, nakilala na niya ang sarili niya, kahit nasasaktan siya, nakilala niya pa rin ang sarili niya. Nabuo ang puzzle ng buhay niya.

Pinoproblema ko pa ngayon sina Jaric at Serria. Ilang araw na silang nagtatagpo pero wala pa ring nangyayari. Lagi silang nagkikita pero walang demonyo ang sumusulpot para sakupin ang mundo namin. Sigurado naman akong si Jaric at Serria ang magkapares. Hindi ako maaaring magkamali.

Idinadaan ko na lang sa buntong-hininga ‘tong problemang ‘to. Muli akong nagpakawala ng hangin bago i-angat ang mata sa tatlong tao na nasa harapan ko.

Magkakaharap kaming apat nina Mensahero, Jaric, at Serria rito sa isang cafè sa lungsod. Kanina pa silang tatlo nagtititigan. Ilang minuto na yata ang lumipas pero hangang ngayon, walang kumikibo sa kanila.

“Kung magtititigan lang kayo riyan, siguro ay aalis na ako. May aasikasuhin pa ako.” Balak ko na sanang tumayo sa kinauupuan ko nang hawakan ni Mensahero ang isa kong braso para mapigilan.

“May rason kung bakit hindi pa nangyayari ang inaasahan natin sa pagtatagpo ninyo,” ani Mensahero.

Napaayos ako sa aking pagkakaupo at pinagmasdan ko si Mensahero’ng seryosong-seryoso.

“Anong rason ba ‘yon? Galak na galak na akong pumatay. Matagal ng kating-kati ‘yung kamay kong kumitil ng buhay!” Timping sabi ni Jaric.

“Jaric, hinaan mo ang boses mo. Baka may makarinig sa ‘yo,” pagbabawal ko sa kanya.

“Wala akong pakialam, Torts,” tugon niya na ikinabuntong-hininga ko na lang.

“Ilang araw na kaming nagtagpo ng unang demonyo pero wala pa ring nangyayari. Ano bang problema sa ibaba? May nagaganap bang iba roon kaya hanggang ngayon ay hindi pa sila sumasalakay?” Tanong ni Serria.

“Ayokong magsalita patungkol ngayon sa impyerno, siguro ay mas mabuting kayo ang makatuklas sa mga kasagutan,” sagot ni Mensahero na nagpakalabit sa pasensya ng magkapares.

“Makatuklas. Makatuklas. Makatuklas! Nauubos na ang pasensya ko, dalhin mo na ako sa impyerno!” Galit na sigaw ni Jaric.

Kaagad akong napatayo para sana bawalin siya nang patulan siya ni Mensahero.

“Hindi ikaw ang pinuno kaya wala kang karapatang utusan ako. Hindi ko kayo madadala sa impyerno, kayo ang magdadala ng sarili ninyo roon,” mariing sinabi ni Mensahero.

“Pero paano?” Kalmadong tanong ni Serria.

Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang kalmado lang siya. Mukhang siya ang katulong ko kapag nag-away sina Mensahero’t Jaric. Salamat naman at hindi ako gaanong mahihirapan.

“Kayo ang tumuklas kung paano. Hindi sa lahat ng bagay ay nakaasa kayo sa ibang demonyo. Matuto kayong tumayo sa sarili ninyo.” Napangiti ako sa sinabi ni Mensahero.

“Tama na ‘yan, baka mamaya niyan ay sa iba pa mapunta ‘yang usapan ninyo. Matuto kayong mag-usap na hindi nagsisigawan. Magkalapit lang kayong dalawa,” singit ko sa kanila.

“Kanina pa tayo pinagtitinginan dito. Nararamdaman kong gusto na tayong paalisin ng manager dahil nakakaistorbo tayo pero mukhang natatakot siya sa pagmumukha n’yo.” Tumingin ako sa manager at ibinalik ko ang tingin sa tatlong kaharap ko.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon