Mariin kong nilukot ang papel at inis na itinapon sa paligid. Talagang tinatakasan ako ni Mensahero sa mga ganu’ng bagay. Lumalayo siya kapag nagtatanong na ako. Ano ba ang problema roon? Gaano ba kahirap sagutin ang mga tanong ko?
Inis akong tumayo para sana magpahangin saglit sa terasa nang masulyapan ko si Serria’ng nakatingin sa ‘kin. Kaagad akong nakabalik sa aking wisyo nang makita ko siya.
“Tortia, ayos ka lang ba?” Nag-aalala niyang tanong kaya napakurap-kurap ako.
Imposible. Napaka-imposibleng demonyo si Serria! Tignan mo nga ngayon at nag-aalala siya. Ang bait-bait niya sa ‘kin. Napakamaalalahin niyang tao kaya imposibleng demonyo siya! Walang demonyong mabait!
Nakita ko ang paggapang ng takot sa kanyang mata nang hindi ako sumagot. Agaran niya akong nilapitan at inalalayan niya ako sa pag-upo sa aking kama.
“Tortia, naman. Magsalita ka naman,” kumbinsi niya sa akin.
Kaya ba nasabi sa akin noon ni Mensahero na hindi pa ako handang makilala ang huling demonyo? Kaya ba niya iyon nasabi dahil alam niyang mawawasak ako nang husto kapag nalaman kong si Serria ang hinahanap ko? Kaya niya ba ako pinipigilang makilala ang huling demonyo dahil alam niyang masasaktan ako? Kaya ba?
Tama naman si Mensahero, eh. Hindi pa ako handa! Ayoko pang makilala ang huling demonyo. Ang kapares ni Jaric! Ayoko pang makilala si Serria bilang Taeri Torres. Pero…
Ang tadhana ay tadhana. Ang katotohanan ay katotohanan. At ang hinahanap ko ay siya nga.
Nag-init ang gilid ng aking mga mata. Naluluha ako dahil nasasaktan ako. Nasasaktan ako sa katotohanang ito.
Halos mataranta naman si Serria nang makita niya ang mabilisang pagragasa ng aking mga luha. Napapikit na ako at doon na tuluyang bumuhos ang mga luha ko. Nang madinig ko ang sobra-sobra niyang pag-aalala, doon na ako napahagulgol pa.
“Tortia, naman eh!” Nakanguso niyang sigaw sa akin dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak. Hindi na niya alam ang gagawin niya.
Pinunasan ko ang mga luha ko at hinarap ko siya. Kailangan kong maging matapang. Kailangan kong maging matatag. Kailangan kong harapin ito dahil ito ang katotohanan! Wala ako sa isang panaginip dahil nasa reyalidad kami. Reyalidad na pilit tinatakasan ng lahat.
“Taeri…” banggit ko sa totoo niyang pangalan at nakita ko ang matindi niyang pagkagulat dahil doon.
“Taeri Torres.” Hindi siya lalong nakagalaw dahil sa pangalang sinambit ko. Nakita ko ang pagnginig ng kanyang labi. Nakita ko ang dahan-dahan niyang pag-atras sa akin.
Kinabahan ako nang tumayo siya at tumalikod sa akin. Mabilis din akong napatayo at hinawakan ko siya sa kanyang braso para pigilan pero marahas niyang itinaboy iyon. Nakatalikod siya sa akin kaya kitang-kita ko ang pagtaas-baba ng kanyang magkabilang balikat.
“P-Paano mo nalaman?” Nanginginig niyang tanong sa akin.
Nagpakawala ako ng mabigat na hininga nang makita ko ang marahas niyang pagkuyom ng kamay.
“S-Sinabi sa akin ni Mensahero,” kinakabahan kong tugon sa kanya.
“Kaya pala…” tangi niyang nasabi.
“Serria…” hahawakan ko na sana siya sa kanyang braso ngunit kaagad siyang sumigaw.
“Demonyo ako, Tortia! Demonyo ako!” Napaatras ako dahil sa gulat. Mahigpit kong hinawakan ang laylayan ng aking damit at humugot ako ng aking katapangan doon.
“Alam ko, Serria…” at sinubukan ko ulit siyang hawakan pero kaagad iyong umatras nang bigla siyang humarap sa akin. Kitang-kita ko na ngayon ang matinding pagkislap ng mapupula niyang mga mata. Ang kanyang balat ay biglang naging pula kaya napalunok ako.
![](https://img.wattpad.com/cover/121955650-288-k199426.jpg)
BINABASA MO ANG
Amethyst's Blood (COMPLETED)
FantasyDemon Series 1 Gaano kahirap magkaroon ng misyon? Nakatanggap ka na ba ng isang misyon? Anong klasing misyon? Kinakaya mo ba ang binigay sa iyo? Sa dinami-rami ng misyon na maaaring makuha mo, papayag ka ba kapag galing sa impyerno ang nag-utos sa '...